Tagalog

Ang Katotohanan ng Masamang Hangarin

Linggo, Oktubre 8, 2017

Mga Pagbasa para sa Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon A

Lahat ng mga Santo para sa Araw na Ito

“Sa huli, ipinadala niya sa kanila ang kanyang anak, sa pag-aakalang, ‘Igagalang nila ang anak ko.’ Ngunit nang makita ng mga kasama sa ubasan ang anak, sinabi nila sa isa’t isa, ‘Ito ang tagapagmana. Halina, patayin natin siya at kunin ang kanyang mana.’ Sinunggaban nila siya, itinapon sa labas ng ubasan, at pinatay.” Mateo 21:37-39

Nakagigimbal ang bahaging ito ng Talinghaga ng mga Kasama sa Ubasan. Kung nangyari ito sa tunay na buhay, hindi halos makapaniwala sa tindi ng pagkabigla ang amang nagsugo sa kanyang anak upang kunin ang ani sa ubasan, dahil pati ang anak niya ay pinatay ng masasamang kasama roon. Siyempre, kung alam niyang mangyayari ito, hinding-hindi niya sana ipinadala ang kanyang anak sa gayong kalagayan.

Isa sa ipinakikita ng bahaging ito ay ang pagkakaiba ng makatuwirang pag-iisip at pag-iisip na salungat sa katwiran. Isinugo ng ama ang kanyang anak dahil inakala niyang kikilos nang makatuwiran ang mga nangungupahan. Inakala niyang magpapakita sila ng kahit kaunting paggalang sa kanyang anak, ngunit sa halip ay naharap ang ama sa kasamaan.

Kapag nahaharap tayo sa asal na lubhang salungat sa katwiran at nag-uugat sa kasamaan, maaari tayong mabigla, mawalan ng pag-asa, matakot, o malito. Ngunit mahalagang huwag tayong magpadala sa alinman sa mga ito. Sa halip, dapat nating sikaping maging sapat ang ating pag-iingat at pagpapasiya upang makilala ang kasamaan kapag naharap tayo rito. Kung mas malinaw na nakilala ng ama sa kuwentong ito ang kasamaang kinakaharap niya, hindi sana niya isinugo ang kanyang anak.

Gayon din sa atin. Kung minsan, dapat tayong maging handang tawaging kasamaan ang kasamaan, sa halip na subukang daanin ito sa pangangatwiran. Ang kasamaan ay hindi makatwiran. Hindi ito madadaan sa pangangatwiran, ni maaari itong makipagkasundo sa atin. Dapat lamang itong labanan, at labanan nang buong lakas. Kaya ganito winakasan ni Hesus ang talinghagang ito: “Pagdating ng may-ari ng ubasan, ano ang gagawin niya sa mga nangungupahang iyon?” Sumagot sila sa kanya, “Papatayin niya sa karumal-dumal na paraan ang karumal-dumal na mga taong iyon” (Mateo 21:40-41).

Pagnilayan mo ngayon ang anumang kalagayang kinasasadlakan mo kung saan tuwiran mong nakakaharap ang kasamaan. Matutuhan mo sa talinghagang ito na maraming pagkakataon sa buhay na nangingibabaw ang katwiran. Ngunit may mga pagkakataong ang makapangyarihang poot ng Diyos ang tanging tugon. Kapag “dalisay” na kasamaan ang kaharap, dapat itong harapin nang tuwiran sa lakas at karunungan ng Espiritu Santo. Sikapin mong kilatisin kung alin sa dalawang kalagayang ito ang iyong kinakaharap, at huwag kang matakot na tawaging kasamaan ang kasamaan kapag naroroon ito.

Panginoon, bigyan Mo ako ng karunungan at kakayahang kumilatis. Tulungan Mo akong humanap ng makatuwirang mga solusyon kasama ng mga handang makinig. Bigyan Mo rin ako ng tapang na kailangan ko upang manindigan nang matatag at buong lakas sa tulong ng Iyong biyaya, kapag ito ang Iyong kalooban. Iniaalay ko sa Iyo ang aking buhay, minamahal kong Panginoon. Gamitin Mo ako ayon sa Iyong kalooban. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit Pa>>>