Sabado, Oktubre 7, 2017
Mga Pagbasa para sa Paggunita sa Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo
Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo – Paggunita
Sa pagpaparangal natin ngayon sa Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo, magandang pagkakataon ito upang pagnilayan ang makapangyarihang panalanging ito. Ang pinakamainam na paraan upang pagnilayan ang kapangyarihan ng Rosaryo ay ang dumulog sa mga banal. Narito ang ilang sinabi ng mga banal ng Diyos tungkol sa Rosaryo. Pagnilayan ang mga ito at hayaang mangusap ang mga ito sa iyong puso.
“Hinding-hindi maililihis ng landas ang sinumang nagdarasal ng Rosaryo araw-araw. Malugod kong lalagdaan ng sarili kong dugo ang pahayag na ito.” – San Luis de Montfort.
“Sa lahat ng panalangin, ang Rosaryo ang pinakamaganda at pinakasagana sa mga biyaya… mahalin ninyo ang Rosaryo at dasalin ito araw-araw nang may debosyon.” – San Pio X.
“Kay ganda ng pamilyang nagdarasal ng Rosaryo tuwing gabi.” – San Juan Pablo II, Papa.
“Ang Rosaryo ang paborito kong panalangin. Kamangha-manghang panalangin! Kamangha-mangha sa kasimplehan at lalim nito.” – San Juan Pablo II, Papa.
“Ang Rosaryo ay isang kayamanang walang katumbas na halaga, na kinasihan ng Diyos.” – mula kay San Luis de Montfort.
“Walang mas tiyak na paraan upang hingin sa Diyos na ibuhos ang Kanyang mga pagpapala sa pamilya… kaysa sa pagdarasal ng Rosaryo araw-araw.” – Papa Pio XII.
“Ang Rosaryo ang pinakahusay na anyo ng panalangin at ang pinakamabisang paraan upang makamit ang buhay na walang hanggan. Ito ang lunas sa lahat ng kasamaang dinaranas natin, ang ugat ng lahat ng ating pagpapala. Wala nang mas mainam na paraan ng pananalangin.” – San Leo XIII, Papa.
“Bigyan ninyo ako ng isang hukbong nagdarasal ng Rosaryo at sasakupin ko ang mundo.” – Beato Pio IX, Papa.
“Kung nais ninyo ng kapayapaan sa inyong mga puso, sa inyong mga tahanan, at sa inyong bansa, magtipon kayo tuwing gabi upang magdasal ng Rosaryo. Huwag ninyong hayaang lumipas ang kahit isang araw na hindi ito dinarasal, gaano man kabigat ang marami ninyong alalahanin at gawain.” – mula kay Papa Pio XI.
“Hindi kailanman ipinagkait sa akin ng Mahal na Birhen ang anumang biyayang hiniling ko sa pagdarasal ng Rosaryo.” – mula kay San Padre Pio ng Pietrelcina.
“Ang pinakamainam na paraan ng pananalangin ay ang pagdarasal ng Rosaryo.” – San Francisco de Sales.
“Balang araw, sa pamamagitan ng Rosaryo at ng Eskapularyo, ililigtas ng Mahal na Birhen ang daigdig.” – Santo Domingo.
Panginoon, maunawaan ko nawa ang kapangyarihan ng mahalagang kaloob na ito, ang Santo Rosaryo. Ipagkaloob Mo sa akin ang biyayang gawin itong bahagi ng aking pang-araw-araw na panalangin. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.




