Tagalog

Oo, ibig Ko ito!

Linggo, Pebrero 11, 2018

Ika-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon B

Mga Pagbasa Ngayon

Mahal na Birhen ng Lourdes – Opsiyonal na Paggunita

Lumapit kay Hesus ang isang ketongin. Lumuhod siya at nakiusap, “Kung ibig Ninyo, mapalilinis Ninyo ako.” Naantig sa awa si Hesus, kaya iniunat Niya ang Kanyang kamay, hinipo ang ketongin, at sinabi rito, “Talagang ibig Ko iyan. Luminis ka.” Marcos 1:40-41

“Oo, ibig Ko ito.” Ang apat na maiikling salitang ito ay nararapat nating suriin at pagnilayan. Sa unang pagbasa, baka madaanan lamang natin ang mga ito at hindi mapansin ang lalim at kabuluhan ng mga ito. Maaaring dumako agad tayo sa bagay na ibig ni Hesus at hindi mapansin na kumikilos Siya sa pagloob nito. Ngunit mahalaga ang mismong pagloob Niya. Siyempre, mahalaga rin ang niloob Niya. Malalim ang kahulugan at malaki ang kabuluhan ng pagpapagaling Niya sa isang ketongin. Tiyak na ipinakikita nito ang Kanyang kapamahalaan sa kalikasan. Ipinakikita nito na Siya ay makapangyarihan sa lahat. Ipinakikita rin nito na kayang pagalingin ni Hesus ang lahat ng sugat na isinasagisag ng ketong. Ngunit huwag nating palampasin ang apat na salitang iyon: “Oo, ibig Ko ito.”

Una sa lahat, ang “Oo”—“I do” sa dalawang salita sa Ingles—ay isang banal na tugon na ginagamit sa iba’t ibang bahagi ng ating liturhiya upang ipahayag ang pananampalataya at paninindigan. Ginagamit ito sa kasal upang magtatag ng espirituwal na pagbubuklod na hindi mapuputol, sa binyag at iba pang mga Sakramento upang hayagang panibaguhin ang ating pananampalataya, at sa rito ng ordinasyon ng pari sa pagbigkas niya ng kanyang mga taimtim na pangako. Ang pagsasabi ng “Oo” ay matatawag na salitang may kaakibat na pagkilos. Ang tugong ito ay isa ring gawa, isang pagpili, isang pangako, isang pasiya. May epekto ito sa kung sino tayo at sa kung ano ang pinipili nating maging.

Idinagdag pa ni Hesus, “…ibig Ko iyan.” Kaya hindi lamang Siya nagpapasiya para sa Kanyang sarili o gumagawa ng personal na pangako tungkol sa Kanyang sariling buhay at mga paninindigan. Sa halip, ang Kanyang mga salita ay isang pagkilos na may bisa at nagdudulot ng pagbabago sa iba. Sa pagnanais pa lamang Niya na mangyari ang isang bagay at sa pagsasakatuparan nito sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, may nangyari. May nagbago. Naganap ang isang gawa ng Diyos.

Malaki ang maitutulong sa atin ng paglalaan ng panahon para namnamin ang mga salitang iyon at pagnilayan ang kabuluhan ng mga ito sa ating buhay. Kapag sinasabi sa atin ni Hesus ang mga salitang iyon, ano ang ibig Niyang mangyari? Ano ang tinutukoy Niya sa salitang “iyan”? Tiyak na may partikular Siyang kalooban para sa ating buhay, at tiyak na handa Siyang isakatuparan iyon sa ating buhay kung handa tayong dinggin ang mga salitang iyon.

Sa bahaging ito ng Ebanghelyo, lubos na bukas ang ketongin sa mga salita ni Hesus. Nakaluhod siya sa harap Niya bilang tanda ng lubos na pagtitiwala at lubos na pagpapasakop. Handa siyang hayaang kumilos si Hesus sa kanyang buhay, at ang pagiging bukas na ito, higit sa anupaman, ang nag-udyok kay Hesus na sambitin ang mga salitang ito na may bisa.

Ang ketong ay malinaw na tanda ng sarili nating mga kahinaan at kasalanan. Malinaw itong tanda ng ating kalikasang pantao na nasadlak sa kasalanan at ng ating kahinaan. Malinaw itong tanda na hindi natin kayang pagalingin ang ating sarili. Malinaw itong tanda na kailangan natin ang Banal na Manggagamot. Kapag kinilala natin ang lahat ng katotohanang ito at ang kalagayan natin, saka tayo makalalapit kay Hesus, tulad ng ketonging ito, nang nakaluhod at nagsusumamong kumilos Siya sa ating buhay.

Ngayong araw, pagnilayan ang mga salita ni Hesus at pakinggan ang sinasabi Niya sa iyo sa pamamagitan ng mga ito. Ibig ni Hesus na mangyari ito. Ikaw, ibig mo rin ba? At kung ibig mo rin, handa ka bang lumapit sa Kanya at hilinging kumilos Siya? Handa ka bang hilingin at tanggapin ang Kanyang kalooban?

Panginoon, talagang ibig ko iyan. Oo, ibig ko iyan. Kinikilala ko ang Iyong banal na kalooban sa aking buhay. Ngunit kung minsan, mahina at kulang ang aking sariling pagpapasiya. Tulungan Mo akong patatagin ang aking pasiyang lumapit sa Iyo araw-araw, Ikaw na Banal na Tagapagpagaling, upang maranasan ko ang Iyong kapangyarihang magpagaling. Tulungan Mo akong maging bukas sa anumang nakapaloob sa Iyong kalooban para sa aking buhay. Tulungan Mo akong maging handa at kusang tanggapin ang Iyong pagkilos sa aking buhay. Hesus, tunay akong nagtitiwala sa Iyo.

Higit Pa>>>

Santo ng Araw – Mahal na Birhen ng Lourdes


Tatlong napakagandang aklat para sa Kuwaresma!

Mga Pagninilay para sa Kuwaresma at Pasko ng Muling Pagkabuhay – Serye ng Mga Pang-araw-araw na Pagninilay na Katoliko

40 Araw sa Paanan ng Krus – Isang Mapagmahal na Pagtingin Mula sa Puso ng Ating Mahal na Ina

Mga Pang-araw-araw na Pagninilay sa Banal na Awa – 365 Araw Kasama si Santa Faustina

Iba Pang Babasahin at Gabay para sa Kuwaresma>>>