Sabado, Hunyo 2, 2018
Sabado ng Ikawalong Linggo sa Karaniwang Panahon
Sina San Marcelino at San Pedro, mga Martir – Paggunita na Di-sapilitan

“Sa anong awtoridad Mo ginagawa ang mga bagay na ito? O sino ang nagbigay sa Iyo ng awtoridad na gawin ang mga ito?” Marcos 11:28
Ito ang tanong ng mga eskriba at mga Pariseo kay Hesus nang pumasok Siya sa bakuran ng templo upang magturo. Naipamamalas na ni Hesus ang Kanyang awtoridad sa pangangaral at sa maraming himalang ginawa Niya. Ang paggamit Niyang ito ng Kanyang banal na awtoridad ay pumukaw ng matinding selos at inggit sa puso ng mga pinunong panrelihiyon noon. Kaya lumapit sila upang bitagin Siya sa pamamagitan ng mapanlinlang na tanong na ito.
Ang unang dapat pansinin ay malinaw na hindi nagtanong ang mga pinunong panrelihiyon dahil gusto nilang malaman ang sagot. Nagtanong sila dahil naghahanap sila ng maipupuna kay Hesus. Ngunit nadaig sila ni Hesus sa talas ng isip.
Dahil alam ni Hesus na ang tanging layunin nila ay bitagin Siya, naglatag din Siya ng tila isang bitag para sa kanila. Nagtanong Siya sa kanila at sinabing kung sasagutin nila ang tanong Niya, sasagutin din Niya ang tanong nila. Tinanong Niya kung sa anong awtoridad nagbinyag si Juan Bautista. Nag-usap-usap ang mga pinunong panrelihiyon tungkol dito, at malinaw sa kanilang pag-uusap na hindi nila hangad na matukoy ang tamang sagot. Sa halip, pinag-usapan nila kung aling sagot ang pinakamakabubuti sa kanila sa usaping pampulitika. Sa madaling salita, wala silang pakialam sa katotohanang tinutukoy ng tanong. Ang mahalaga lamang sa kanila ay kung ano ang magiging bunga ng sagot nila. Ang gusto nilang mangyari ay ang makatutulong sa sarili nilang mga layunin at kapangyarihan.
Napakapanganib ng landas na iyan! Siyempre, madalas itong ibintang sa mga politiko. Bagaman hindi lahat ng politiko ay nahuhulog sa bitag na ito, may ilan pa ring nahuhulog dito. Kapag nangingibabaw sa atin ang paghahangad na magkaroon ng kapangyarihan at igalang ng publiko, madalas tayong matutuksong sabihin o gawin ang sa tingin natin ay pinakagusto ng mga tao at magpapaganda sa tingin nila sa atin. Ngunit hindi ganito dapat kumilos ang isang Kristiyano, lalo na ang isang pinunong panrelihiyon.
Ang dapat nating hangarin sa lahat ng pagkakataon ay ang katotohanang malinaw at walang kalabuan. Dapat nating pagsikapang talikuran ang paghahangad na maganda ang tingin sa atin ng iba. Bagaman masarap na maganda ang tingin sa atin ng iba, sa huli, ang tanging pananaw na mahalaga ay ang sa Diyos. Ang Kanyang “opinyon” ay hindi isang opinyon; ito ang Katotohanan.
Pagnilayan mo ngayon kung may mga pagkakataong nahihilig kang manlinlang upang magpakitang iba ka sa tunay mong pagkatao. Masyado ka bang nag-aalala sa iniisip ng iba tungkol sa iyo? Kumikilos at nagsasalita ka ba para lamang maisulong ang sarili mong mga layunin at matupad ang iyong mga nais? O naninindigan ka ba sa katapatan at sinseridad? Piliin mo ang landas ng katapatan, at bibigyan ka ng ating Panginoon ng bahagi sa Kanyang banal at maka-Diyos na awtoridad na nakaugat sa pag-ibig.
Panginoon, dalangin kong ang halimbawang ipinakita ng mga eskriba at mga Pariseo ay makatulong sa akin na talikuran ang mga mapanlinlang na gawi at yakapin ang katotohanan sa bawat araw. Dalangin ko na habang lalo akong namumuhay sa Iyong Katotohanan, makabahagi rin ako sa awtoridad ng Iyong banal na pag-ibig. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Mga Santo para sa Araw na Ito – Sina San Marcelino at San Pedro



