Tagalog

Isang Pusong Matigas at Ayaw Magbago

Linggo, Hunyo 10, 2018

Ikasampung Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon B

Mga Pagbasa Ngayon

Lahat ng mga Santo para sa Araw na Ito

Sinabi ng mga eskribang nagmula sa Jerusalem, “Sinasapian siya ni Beelzebul,” at “Sa tulong ng prinsipe ng mga demonyo, nagpapalayas siya ng mga demonyo.” Marcos 3:22

Nagkasala ang mga eskriba ng isang karumal-dumal na kasalanang tinatawag na “paninirang-puri.”  Ayon sa Katekismo ng Simbahang Katolika, nagkakasala nito ang isang tao kapag siya ay “…sa pamamagitan ng mga pahayag na salungat sa katotohanan, sumisira sa mabuting pangalan ng iba at nagbibigay ng pagkakataon para sa mga maling paghatol tungkol sa kanila.”  Tinatalakay din sa Katekismo ang isang di-gaanong mabigat na kasalanang tinatawag na “padalus-dalos na paghatol.” Ayon dito, nagkakasala nito ang sinumang “tumatanggap bilang totoo, kahit hindi niya ito tahasang sabihin, na may nagawang pagkakamaling moral ang kanyang kapwa, nang walang sapat na batayan” (Katekismo #2477).  Tila malinaw na mabigat ang pagkakasala ng mga eskriba sa dalawang ito.

Sa mga salitang ito ng paglapastangan kay Hesus, mahalagang pansinin na hindi sana nakapagsalita nang ganoon ang mga eskriba kung hindi sila lubos na nagpupumilit sa mga kasalanang ito ng paninirang-puri at padalus-dalos na paghatol.  Hindi maaaring magkasala sa ganitong mga paraan nang bahagya lamang.  Kaakibat ng mga kasalanang ito ang matinding masamang hangarin, pagmamatigas at determinasyon.  Dahil dito, malaki ang pinsalang maidudulot ng mga ito at, para sa karamihan sa atin, maaari tayong madaig ng mga ito. 

Kung ikaw ang pagpakitaan ng gayong kalupitan ng ibang tao, malamang na mapapatigil ka at madaig ng pagkabigla, sakit ng loob, galit at pagkalito.  Napakahirap na hindi magpaapekto sa gayong pag-atake.

Ngunit ano ang ginawa ni Hesus?  Tinugunan niya ang kanilang pagkondena sa kanya at saka itinuro na ang sinabi nila ay isang “kasalanan laban sa Espiritu Santo.”  Hindi mapatatawad ang ganitong kasalanan dahil sa pagmamatigas ng nagkasala at sa pagtanggi niyang magsisi.  Ang nagkakasala laban sa Espiritu Santo ay lubos na nagpapadala sa kanyang kasalanan kaya hindi na siya bukas sa pagbabago.  Nakakatakot ito at humahantong sa walang hanggang kapahamakan.

Marahil isang mahalagang aral na dapat nating makuha sa bahaging ito ay ang paalalang huwag na huwag nating hayaang magmatigas tayo sa ating kasalanan.  Huwag tayong magpakabaon sa ating kasalanan at, lalo na, sa pag-aakalang tayo ang matuwid, hanggang sa ayaw na nating makinig, mag-isip nang makatuwiran at magpakumbabang magbago kapag napagtanto nating nagkamali tayo.  Hindi bukas sa pagbabago ang mga eskriba, at ito ang pinakamalubhang bahagi ng kanilang kasalanan. 

Pagnilayan mo ngayon kung nahihirapan ka ring daigin ang iyong pagmamatigas at katigasan ng ulo.  Huwag kang mahulog sa patibong na ito sapagkat ito ay kasalanan laban sa Espiritu Santo.  Pagnilayan mo kung gaano ka kabukas sa pagbabago at italaga mo ang iyong sarili sa landas ng pagpapakumbaba.  Hindi mo kailanman pagsisisihang tahakin ang landas na ito.

Panginoon, kapag nagkakasala ako, tulungan Mo akong maging handang makita ang aking pagkakamali.  Palayain Mo ako sa hilig kong magmatigas at sa katigasan ng aking puso.  Tulungan Mo akong manatiling mapagpakumbaba at maging handang magbago.  Mahal Kita, minamahal kong Panginoon.  Tulungan Mo akong mahalin ang lahat ng Iyong mga tao nang may tapat at mapagpakumbabang puso.  Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit Pa>>>