Tagalog

Paghawak kay Hesus

Linggo, Hulyo 1, 2018

Ikalabintatlong Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon B

Mga Pagbasa Ngayon

San Junipero Serra, Pari – Opsyonal na Paggunita sa Estados Unidos

Sinabi niya, “Mahawakan ko lamang ang Kanyang damit, gagaling na ako.”  Marcos 5:28

Narito ang halimbawa ng isang babaeng lumapit kay Hesus nang may malaking pananampalataya.  Kapana-panabik ang kuwentong ito sapagkat ipinagkaloob sa atin na malaman ang nasa isip niya. 

Labis na nagdusa ang babaeng ito sa loob ng maraming taon.  Sinubukan niya ang lahat ng makakaya niya upang mapagaling ng mga manggagamot.  Naubos niya ang lahat ng kanyang ari-arian.  At sa ganitong kalagayang wala nang pag-asa, bumaling ang babae kay Hesus nang may pananampalataya.

Marahil ay malaki na ang pananampalataya niya sa buong buhay niya; hindi natin alam.  Ang alam natin ay sa gitna ng kanyang pagdurusa, labis siyang nagpakumbaba at wala na siyang ibang mapagpilian.  Sa ganitong kalagayan ng pagpapakumbaba, ginawa niya ang gagawin ng sinumang santo.  Pinanghawakan niya ang paninindigang si Hesus ang sagot.  Nang mabigo ang lahat ng iba pang paraan, hindi siya bibiguin ni Hesus.  Marahil ay hindi niya alam kung gagaling ang kanyang katawan, ngunit alam niyang kailangan pa rin niyang lumapit kay Hesus. 

Mahalaga ang aral ng kuwentong ito: dapat tayong magkaroon ng gayunding lalim ng pagtitiwala at gayunding tatag ng pasiyang lumapit kay Hesus at ipagkatiwala sa Kanya ang ating buhay.  Kahit hindi pa natin nasusubukan ang lahat ng iba pang paraan sa buhay, dapat nating tanggapin ang patotoo ng babaeng ito.

Ang pagbaling kay Hesus nang may malalim na katiyakan at pananampalataya ay nangangahulugang alam nating ang Kanyang kalooban lamang ang tunay na mahalaga.  Nangangahulugan itong pinipili natin Siya higit sa lahat at sa bawat kalagayan ng buhay.  Nangangahulugan itong hindi lamang tayo bumabaling sa Kanya dala ang ating mga suliranin, kundi pati ang ating mga kagalakan at mga pagpapalang tinatanggap.  Ang lahat ng ating ginagawa ay dapat magmula sa malalim na paninindigan sa ating kalooban na si Hesus ang kasagutan sa lahat ng bagay sa buhay.

Marahil ay tila napakalaki naman ng hinihingi nito.  Marahil ay nakagawian na nating bumaling sa Kanya kapag tila binibigo na tayo ng lahat ng iba pa.  Ngunit hindi dapat ganito.  Tinatawag tayong ugaliing hangarin araw-araw na “mahawakan ang Kanyang damit,” wika nga.  Ibig sabihin, dapat nating laging ibaling sa Kanya ang ating puso, isip, kalooban at kaluluwa.

Pagnilayan ngayon kung gaano na kalalim ang iyong nakaugaliang paglapit kay Hesus.  Siya ba ang una mong pinupuri sa mga pagpapalang tinatanggap mo?  At Siya ba ang una mong binabalingan sa iyong mga takot at pakikibaka?  Linangin ang ganitong gawi sa iyong kalooban at makikita mo ang mga himala ng biyaya sa iyong buhay.

Panginoon, tulungan Mo akong laging lumapit sa Iyo sa lahat ng bagay.  Tulungan Mo akong magtiwala sa Iyo kapag tila mahirap ang buhay at kapag tila nagkakagulo ang lahat.  Tulungan Mo rin akong lumapit sa Iyo sa gitna ng napakaraming biyayang tinatanggap ko.  Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit Pa>>>

Santo para sa Araw na Ito – San Junipero Serra