Linggo, Agosto 26, 2018
Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon B
Lahat ng mga Santo para sa Araw na Ito

Dahil dito, marami sa kanyang mga alagad ang bumalik sa dati nilang pamumuhay at hindi na sumama sa kanya. Kaya sinabi ni Hesus sa Labindalawa, “Gusto rin ba ninyong umalis?” Sumagot sa kanya si Simon Pedro, “Guro, kanino kami pupunta? Nasa Iyo ang mga salita ng buhay na walang hanggan. Nanampalataya na kami at natitiyak naming Ikaw ang Banal ng Diyos.” Juan 6:66-69
Bunga ng ano? Bunga ng turo ni Jesus tungkol sa Eukaristiya, “marami sa Kanyang mga alagad ang bumalik sa dati nilang pamumuhay at hindi na sumama sa Kanya.” Ang Eukaristiya ang pinakamalalim at pinakamagandang aral na ibinigay ni Jesus, ngunit para sa ilan, hindi nila ito kayang tanggapin. Kaya marami ang umalis at iniwan Siya. Ngunit inihahayag din ng talatang ito ang magandang pananampalataya ng mga Apostol, lalo na ni Pedro.
Una sa lahat, hindi bumabawi si Hesus sa anumang bahagi ng Kanyang maganda at napakalalim na turo tungkol sa Banal na Eukaristiya. Pinaninindigan Niya ang sinabi Niyang “kung hindi ninyo kakainin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong kalooban” (Juan 6:53). Sinabi pa Niya, “Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain at ang aking dugo ay tunay na inumin” (Juan 6:55).
Pagkatapos, humarap si Hesus sa Kanyang mga alagad at binigyan sila ng kalayaang tanggapin o tanggihan ang katuturo lamang Niya. Mahalaga ang kalayaang ito na ibinigay Niya sa kanila upang makarating sila sa tunay na pananampalataya. Kung ginipit o minaniobra ni Hesus ang mga alagad, mahihirapan sana silang malayang piliing tanggapin Siya at ang lahat ng itinuro Niya.
Gayon din sa atin. Hindi tayo inoobliga ni Hesus na sumunod sa Kanya. Hindi Niya tayo pipilitin o mamaniobrahin upang manampalataya. Hindi Niya tayo gigipitin. Sa halip, iniaalay ni Hesus ang Kanyang sarili at mga turo at inaanyayahan Niya tayong manampalataya.
Sa ganitong konteksto, nagpahayag si Pedro ng malalim na pananampalataya. “Panginoon, kanino kami pupunta?” Sa madaling salita, sinasabi ni Pedro, “Panginoon, kahit mahirap tanggapin ang aral, at kahit hindi popular ang pagsunod sa Iyo, at kahit kailangan naming magdusa, itakwil, at hindi maunawaan… Ikaw ang pinakamabuting piliin.” Pag-isipan mo ito. May iba pa bang pagpipilian na maihahambing man lamang sa pagtanggap sa kabuuan at lalim ng mga aral ni Jesus? Mas mabuti bang tanggapin lamang ang ilang bahagi ng Kanyang sinasabi? Ang paggawa nito ay isang paraan ng pagtanggi sa Kanya.
Nagbibigay sa atin si Pedro ng patotoo bilang isang taong sumampalatayang iisa lamang ang mabuting mapipili sa buhay. Ito ang piliing sumunod kay Hesus anuman ang mangyari. Walang anuman sa buhay na mas karapat-dapat piliin kaysa kay Kristo. Sikapin nating matuklasan ang katotohanang ito: Siya lamang ang karapat-dapat nating piliin.
Pagnilayan mo ngayon ang mga salitang ito ni Pedro: “Panginoon, kanino kami pupunta?” Si Hesus ay Diyos, ang Mesiyas at Tagapagligtas. Nasa Kanya ang mga salita ng buhay na walang hanggan. Siya ang pinakamabuting “pagpipilian.” Bigkasin mo ang mga salitang iyon ni Pedro, at sa pagbigkas mo sa mga ito, piliin mo Siya, gaano man katanggap sa iba ang pagpiling iyon at piliin man nila Siya o hindi. Ang pagsabay sa agos ay nagdadala sa atin sa maling ilog. Ang tamang pagpili ay naglalagay sa atin sa matatag na lupa.
Panginoon, wala na akong ibang mapupuntahan kundi sa Iyo at sa Iyong daan. Ikaw ang Panginoon ng lahat at Ikaw ang Mesiyas. Pinipili Kita at tinatanggap ko ang lahat ng itinuro Mo. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.



