Sabado, Agosto 25, 2018
Sabado ng Ikadalawampung Linggo sa Karaniwang Panahon
San Luis o San Jose ng Calasanz, Pari – Mga Paggunita na Hindi Sapilitan

“Ang mga eskriba at mga Pariseo ay nakaupo sa luklukan ni Moises. Kaya gawin ninyo at sundin ang lahat ng sinasabi nila sa inyo, ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang halimbawa. Sapagkat nangangaral sila ngunit hindi nila isinasabuhay ang kanilang ipinangangaral. Nagtatali sila ng mabibigat na pasaning mahirap dalhin at ipinapasan ang mga ito sa balikat ng mga tao, ngunit ayaw man lamang nilang igalaw ang isang daliri upang tulungang buhatin ang mga ito. Ginagawa nila ang lahat upang makita ng mga tao. Pinalalapad nila ang kanilang mga pilakterya at pinahahaba ang kanilang mga palawit. Gustung-gusto nila ang mga lugar na pandangal sa mga handaan, ang mga upuang pandangal sa mga sinagoga, ang mga pagbati sa mga pamilihan, at ang pagtawag sa kanila ng ‘Rabbi.’” Mateo 23:2-7
Ayon sa tradisyon, ang mga Sabado ay inilalaan sa pagpaparangal sa ating Mahal na Ina. Kaylaki ng pagkakaiba ng mga Pariseo at ng ating Mahal na Ina, ang Reyna ng Langit at Lupa!
Una, tingnan natin ang mga Pariseo. Paulit-ulit silang kinondena ni Hesus dahil sa kanilang kapalaluan at sa pag-aakala nilang sila ang matuwid. Sa sarili nila iniuukol ang kanilang mga panalangin, hinahanap nila ang mga puwestong pandangal, iginigiit nilang igalang sila ng iba, at sarili lamang nila ang iniintindi. Ang paulit-ulit na pagkondena sa kanila ni Hesus ay pagpapakita ng Kanyang awa. Sa ganitong paraan, sinisikap Niya silang palayain mula sa kanilang kapalaluan at tinutulungan silang makita ang liwanag ng katotohanan.
Ikalawa, ihambing natin sila sa ating Mahal na Ina. Ang kanyang pagpapakumbaba ay higit pa sa kayang isipin. Siya ang Kalinis-linisang Paglilihi…ganap sa lahat ng bagay. Taglay ng kanyang kaluluwa ang lahat ng birtud. Siya ang Bagong Eva, ang bagong Ina ng Lahat ng Nabubuhay. At pinararangalan siya magpakailanman bilang Reyna ng Langit at Lupa.
Kitang-kita ang malaking pagkakaibang ito sa paraan ng kanyang pamumuhay. Makikita ito sa katotohanang may ganap siyang karapatang itaas ang kanyang sarili at umasa sa parangal at paggalang sa buong buhay niya. Ngunit sa kanyang kababaang-loob, hindi niya inangkin ang gayong karapatan. Hinayaan niyang manatiling nakatago ang kanyang sarili at maging tampulan pa ng pangungutya dahil sa pagdadalang-tao nang hindi pa kasal. Sa lahat ng bagay, siya ay di-tulad ng mga Pariseo.
Ngunit ngayon, at magpasawalang-hanggan, siya ay itinaas ng Diyos. Siya ay kikilalanin bilang Reyna magpakailanman at pararangalan at mamahalin ng lahat. Ang lahat ng kanyang birtud ay patuloy na magniningning, sapagkat siya ay ginantimpalaan at itinaas upang makita ng lahat.
Pagnilayan ngayon kung sino ang higit mong katulad. Higit mo bang katulad ang mga Pariseong naghahangad na itaas ang kanilang sarili? O higit mo bang katulad ang ating Mahal na Ina na nagpakumbaba? Piliin mong tularan ang ating Mahal na Ina at gagantimpalaan ka rin ng Diyos magpakailanman!
Panginoon, nawa’y makita ko ang ganda at karilagan ng kaluluwa ng Iyong ina. Nawa’y mahalin ko siya at parangalan. At sa pagmamahal at pagpaparangal na iyon, nawa’y matularan ko siya sa lahat ng bagay. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Mga Santo Ngayong Araw – San Luis o San Jose ng Calasanz



