Linggo, Setyembre 23, 2018
Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon B
San Pio ng Pietrelcina (Padre Pio), Pari – Paggunita

Kinuha niya ang isang bata at inilagay ito sa gitna nila. Niyakap niya ito at sinabi sa kanila, “Ang sinumang tumanggap sa isang batang tulad nito sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin; at ang sinumang tumanggap sa akin ay hindi ako ang tinatanggap kundi ang Siyang nagsugo sa akin.” Marcos 9:36-37
Ano sa larawan ng isang bata ang nakatutulong kay Hesus na maipaliwanag ang isang mahalagang aral? Mauunawaan ang sagot sa tanong na ito sa pamamagitan ng paghahambing sa isang taong katulad ng bata at sa isang taong may makamundong pananaw sa kadakilaan.
Ang isang bata ay dukha, umaasa sa iba, mapagpakumbaba at nangangailangan. Hindi niya kayang tugunan ang sarili niyang mga pangangailangan. Sa halip, kailangan niya ang pag-aaruga ng kanyang mga magulang. Ganyan din tayo sa ating ugnayan sa Diyos.
Hindi tayo itinuturing na dakila dahil kaya nating tumayo sa sariling paa, makapangyarihan tayo, iginagalang, matagumpay, at iba pa. Ito ang makamundong pananaw sa kadakilaan. Sa talatang ito, nagtatalo ang mga Apostol kung sino sa kanila ang pinakadakila. Sa pagtukoy sa isang bata, ipinakikita ni Hesus na ang kadakilaan ay hindi nakasalalay sa iyong mga nagagawa o sa mga katulad nito; sa halip, matatagpuan ang kadakilaan sa pag-asa kay Kristo. Bukod dito, matatagpuan din ito sa paghahanap sa mga nangangailangan (gaya ng isang batang nangangailangan ng pangangalaga) at sa pagbibigay ng pagmamahal at pangangalagang kailangan ng iba. Isa itong panawagan sa malasakit at pagkalinga sa mga dukha at nangangailangan sa ating piling.
Pagnilayan ngayon kung handa ka at bukal sa iyong loob na lumapit sa mga nangangailangan sa iyong paligid. Sino sila? Ano ang kanilang pangangailangan? Hinahanap mo ba sila upang magbigay ng pagmamahal at suporta? Ang paggawa nito ang tunay na magpapadakila sa iyo sa paningin ng Diyos.
Panginoon, nawa’y hanapin Kita sa mga dukha, sa mga may bagbag na puso, sa mga makasalanan at sa lahat ng nangangailangan. Puspusin Mo po ang aking puso ng habag at malasakit sa kapwa. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Santo ng Araw – San Pio ng Pietrelcina (Padre Pio)



