Tagalog

Isang Tunay na Kaibigan

Linggo, Setyembre 30, 2018

Ikadalawampu’t Anim na Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon B

Mga Pagbasa Ngayon

San Jeronimo, Pari at Doktor ng Simbahan – Paggunita

“Sinumang magtulak sa isa sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin na magkasala, mas mabuti pang talian siya sa leeg ng isang malaking batong gilingan at itapon sa dagat. Kung ang kamay mo ang nagtutulak sa iyo na magkasala, putulin mo ito. Mas mabuti pang pumasok ka sa buhay na putol ang isang kamay kaysa mapunta kang may dalawang kamay sa Gehenna, sa apoy na hindi mapapatay.” Marcos 9:42-43

Seryoso ba ito? Literal ba talaga ang ibig sabihin ni Hesus dito? Dapat ba talaga nating putulin ang ating kamay kung ito ang nagtutulak sa atin na magkasala? Sinabi pa Niya na dapat din nating putulin ang ating paa at dukutin ang ating mata kung ang mga ito ang nagtutulak sa atin na magkasala.

Nakikita ng ilan sa mga sinaunang Ama ng Simbahan na ang talatang ito sa Banal na Kasulatan ay tumutukoy sa ating matatalik na kaibigan. Ang konteksto ng talatang ito ay hindi tayo dapat maging katitisuran ng iba at umakay sa kanila sa kasalanan. Sa katunayan, mabuti pang bitinan tayo sa leeg ng “isang malaking batong gilingan” at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng iba.

Ang mga kaibigan, lalo na ang malalapit nating kaibigan, ay kadalasang isang pagpapala. Ngunit maaari rin silang maging sanhi ng pagkakasala. Kung sadyang susubukan ng isang mabuting kaibigan na hikayatin ang isa pang kaibigan na magkasala, isa itong mabigat na usapin at ito mismo ang pinakapunto ng tinutukoy ni Hesus. Ang sinasabi Niya ay kung mayroon tayong malalapit na kaibigan na sadya at may masamang hangaring tumutukso sa atin upang talikuran ang Diyos, mas mabuting bitawan natin ang “kaibigang” iyon at putulin ang ating ugnayan sa kanya. Ang kamay, paa, o mata ay sagisag ng mga kaibigang gumagawa ng lahat ng paraan upang akayin tayo sa kasalanan. Mas mabuting matapos ang mga pagkakaibigang ito kaysa mahila tayo sa Impiyerno kasama nila. At kung tayo naman ang “kaibigang” umaakay sa iba sa kasalanan, mas mabuting putulin natin ang pakikipagkaibigan sa mga tinutukso natin.

Isa sa mga ipinapakita ng talatang ito ang makapangyarihang likas na buklod ng pagkakaibigan. Mabuting bagay ang pagkakaibigan. At kapag mayroon kang matalik na kaibigan, malaking kaaliwan ang malaman na tapat siyang nakalaan para sa iyo at lagi mong maaasahan. Ngunit ang bawat pagkakaibigan ay dapat patuloy na suriin sa liwanag ng pananampalataya at katotohanan. Kung minsan, maaaring maging hadlang ang mga pagkakaibigan sa ating pananampalataya sa Diyos at magkaroon ng malakas na masamang impluwensiya sa atin. Siyempre, totoo rin ang kabaligtaran nito.

Pagnilayan mo ngayon ang iyong mga pagkakaibigan. Kung mayroon kang malapit at matalik na kaibigan sa buhay, pagnilayan kung paano mo naiimpluwensiyahan ang taong iyon o kung paano ka niya naiimpluwensiyahan. Tiyaking si Kristo ang nasa sentro at laging nangingibabaw ang pananampalataya sa likas na buklod na ito.

Panginoon, nagpapasalamat ako sa Iyo sa lahat ng pagkakaibigan sa buhay ko. Salamat sa pagbibigay Mo sa akin ng mga taong nagmamalasakit sa akin. Tulungan Mo akong laging maging mabuting kaibigan at laging suriin ang aking mga pagkakaibigan sa liwanag ng pananampalataya. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit Pa>>>

Santo ng Araw – San Jeronimo