Linggo, Marso 31, 2019
Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma, Taon C
Mag-click dito para sa pagninilay sa mga pagbasa ng Taon A
Lahat ng mga Santo para sa Araw na Ito

Nang matauhan siya, naisip niya, “Kayrami sa mga upahang manggagawa ng aking ama ang may pagkaing higit pa sa sapat, samantalang narito ako, namamatay sa gutom. Babangon ako at pupunta sa aking ama, at sasabihin ko sa kanya, ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at laban sa iyo. Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo; ituring mo ako na gaya ng isa sa iyong mga upahang manggagawa.’” Lk. 15:17-19
Bakit tayo kumakapit sa ating mga kasalanan? Ang siping ito ay mula sa kuwento ng Alibughang Anak. Dapat ay alam na alam natin ang kuwentong iyon. Nagpasya ang anak na iwan ang kanyang ama at kunin ang mamanahin niya balang araw, at nilustay niya ito sa isang makasalanang pamumuhay. Nang maubos ang kanyang pera, nasadlak siya sa matinding pangangailangan. Kaya ano ang ginawa niya? Natauhan siya!
Ang pangungusap na ito pa lamang ay nararapat nang pagnilayan. Una, ipinahahayag nito kung ano ang nangyayari sa isang taong nahuhulog sa makasalanang pamumuhay. Sa kasong ito, kalaunan ay inani ng anak ang bunga ng kanyang kasalanan. Natuklasan niyang iniwan siya nitong dukha at nag-iisa. Hindi niya alam kung kanino lalapit. At bagaman maaaring hindi kasinlubha ng sa anak na ito ang ating mga kasalanan, mararanasan nating lahat ang kahungkagang dulot ng mga kasalanang ginagawa natin, tulad ng naranasan ng anak na ito.
Ang malalim na aral na makukuha natin mula sa anak na ito ay talagang nagbago ang kanyang pag-iisip. Sa partikular, sa kanyang “pagbabalik sa katinuan,” nakilala niya ang dalawang mahalagang bagay. Una, napagtanto niyang higit ang kanyang halaga kaysa sa isang buhay na salat sa lahat. Walang sinuman ang dapat mamuhay sa karalitaan at kahungkagan. Kaya, nang makita niya ang kanyang sariling dignidad, napagtanto niyang nilikha siya para sa higit pa rito.
Ikalawa, alam niyang makalalapit siya sa kanyang ama. Kaylaking pagpapala para sa kanya na malaman ito. Alam niyang makalalapit siya sa kanyang ama dahil hayagang minamahal siya nito nang walang pasubali. Napakalalim ng awa sa puso ng ama kaya batid ito ng anak, at ang pagkaalam na ito ang nagbigay sa kanya ng lakas ng loob na lumapit sa kanyang ama.
Pagnilayan ngayon ang dalawang hakbang na ito. Nakikita ng anak ang kanyang kahapisan at nakikita rin niya ang kanyang ama bilang taong malalapitan niya nang buong tiwala. Dapat nating pagsikapang gawin din ito sa ating sariling buhay. Hindi tayo kailanman itatakwil ng Ama sa Langit. Anuman ang ating nagawa o gaano man tayo kalayo sa Kanya, ang pag-ibig ng Ama ay ganap, hindi sumusuko, walang kundisyon, at laging nag-aanyaya. Handa at bukal sa Kanyang loob na patawarin ang bawat pagkakamali natin kung lalapit lamang tayo sa Kanya nang may tiwala. Matauhan ka tungkol sa iyong mga kasalanan! Talikuran ang mga ito, magsisi, at magtiwala sa awa ng Diyos.
Panginoon, talagang tinutuyo ng aking mga kasalanan ang aking kalooban at iniiwan itong hungkag. Nakikita ko ang paghihirap at sakit na bunga ng mga makasalanang pagpili ko. Tulungan Mo ako, mahal na Panginoon, na matauhan at talikuran ang bawat kasalanang ginagawa ko. Tulungan Mo akong makita na ang Iyong awa ay higit na dakila kaysa sa anumang nagawa ko. Nagpapasalamat ako sa Iyo sa Iyong ganap na pag-ibig at lumalapit ako sa Iyo sa aking pangangailangan. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
40 Araw sa Paanan ng Krus – Ikadalawampu’t Limang Pagninilay – Nabuwal si Hesus
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Biyaya sa mga Pangkaraniwang Bagay
Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma, Taon A
(Tandaan: Maaaring gamitin ang Ebanghelyong ito sa mga Taon B & C kapag ipinagdiriwang ang mga Scrutiny)
Lahat ng mga Santo para sa Araw na Ito

Habang dumaraan si Hesus, nakita Niya ang isang lalaking bulag mula sa pagsilang… Dumura Siya sa lupa at gumawa ng putik mula sa laway, ipinahid ang putik sa mga mata ng lalaki, at sinabi sa kanya, “Humayo ka at maghilamos sa Paliguan ng Siloam” — na ang ibig sabihin ay Isinugo. Kaya pumunta ang lalaki, naghilamos, at bumalik na nakakakita na. Juan 9:1, 6-7
Sino ang lalaking ito? Kapansin-pansing hindi binanggit ang kanyang pangalan. Tinukoy lamang siya bilang “lalaking bulag mula sa kapanganakan.” Mahalaga ito sa Ebanghelyo ni Juan, sapagkat hindi rin binabanggit ang pangalan, halimbawa, sa kuwento ng “babae sa may balon.” Ipinahihiwatig ng kawalan ng pangalan na dapat nating makita ang ating sarili sa kuwentong ito.
Ang “pagkabulag” ay ang kawalan natin ng kakayahang makita ang kamay ng Diyos na kumikilos sa ating paligid. Nahihirapan tayong makita ang mga himalang hatid araw-araw ng biyaya ng Diyos na buhay at kumikilos sa ating buhay at sa buhay ng iba. Kaya sa pagninilay sa bahaging ito ng Kasulatan, ang una nating dapat pagsikapan ay makita na tayo mismo ay hindi nakakakita. Sikapin nating kilalanin na napakadalas nating hindi makita ang pagkilos ng Diyos. Ang pagkilalang ito ang mag-uudyok sa atin na hangarin ang espirituwal na paggaling. Aanyayahan tayong hangaring makita ang pagkilos ng Diyos.
Maliwanag na ang mabuting balita ay pinagaling ni Hesus ang lalaking ito, kung paanong kusa rin Niya tayong pinagagaling. Madali para kay Hesus na magpanumbalik ng paningin. Kaya ang una nating panalangin matapos pagnilayan ang kuwentong ito ay ganito kasimple: “Panginoon, nais kong makakita!” Kapag mapagpakumbaba nating nauunawaang bulag tayo, binubuksan natin ang ating sarili sa pagkilos ng biyaya ng Diyos. At kung hindi natin mapagpakumbabang kikilalanin ang ating pagkabulag, hindi tayo magiging handang humanap ng kagalingan.
Mahalaga rin kung paano Niya pinagaling ang lalaking ito. Ginamit Niya ang sarili Niyang laway upang gumawa ng putik at ipinahid iyon sa mga mata ng lalaki. Sa unang tingin, hindi ito kaaya-aya. Ngunit may napakahalaga itong ipinakikita sa atin: kayang gamitin ni Hesus ang isang napakapangkaraniwang bagay bilang bukal ng Kanyang banal na biyaya!
Kung titingnan natin ito bilang isang sagisag, may malalalim tayong mauunawaan. Madalas nating hanapin ang pagkilos ng Diyos sa mga pambihirang bagay. Ngunit madalas Siyang naroroon sa mga pangkaraniwang bagay. Maaaring matukso tayong isipin na kumikilos lamang ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang biyaya sa mga kabayanihang gawa ng pag-ibig o pagsasakripisyo. Maaaring matukso rin tayong isipin na hindi Niya kayang gamitin ang mga pangkaraniwang gawain natin sa araw-araw upang gumawa ng mga himala. Ngunit hindi ito totoo. Naroroon ang Diyos sa mismong mga pangkaraniwang gawaing ito ng buhay. Naroroon Siya habang naghuhugas tayo ng pinggan, gumagawa ng mga gawaing bahay, naghahatid ng bata sa paaralan sakay ng sasakyan, nakikipaglaro sa isang kapamilya, nakikipagkuwentuhan, o nag-aalok ng tulong. Sa katunayan, habang mas pangkaraniwan ang gawain, lalo nating dapat pagsikapang makita ang Diyos na kumikilos dito. At kapag “nakikita” natin Siyang kumikilos sa mga pangkaraniwang gawain ng buhay, gagaling tayo sa ating espirituwal na pagkabulag.
Pagnilayan mo ngayon ang ginawang ito ni Hesus at hayaan mong pahiran ng ating Panginoon ang iyong mga mata ng Kanyang laway at lupa. Hayaan mong ipagkaloob Niya sa iyo ang biyaya ng espirituwal na paningin. At habang nagsisimula mong makita ang Kanyang presensya sa iyong buhay, mamamangha ka sa gandang iyong mamamasdan.
Panginoon, nais kong makakita. Tulungan Mo akong gumaling sa aking pagkabulag. Tulungan Mo akong makita Kang kumikilos sa bawat pangkaraniwang gawain sa aking buhay. Tulungan Mo akong makita ang Iyong banal na biyaya sa pinakamaliliit na pangyayari sa araw ko. At habang nakikita Kitang buhay at kumikilos, puspusin Mo ang aking puso ng pasasalamat sa pagkakitang ito. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
40 Araw sa Paanan ng Krus – Ikadalawampu’t Limang Pagninilay – Nabuwal si Hesus
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos




