Tagalog

Iwasang Makasakit ng Kapwa

Lunes, Agosto 12, 2019

Lunes ng Ikalabinsiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon

Mga Pagbasa Ngayon

Santa Jane Frances de Chantal, Relihiyosa – Opsiyonal na Paggunita

“Ngunit upang hindi sumama ang kanilang loob, pumunta ka sa dagat, maghulog ka ng kawil, at kunin mo ang unang isdang mahuhuli. Buksan mo ang bibig nito at makakakita ka ng isang baryang nagkakahalaga ng buwis sa templo para sa dalawang tao. Ibigay mo iyon sa kanila bilang bayad para sa akin at para sa iyo.” Mateo 17:27

Kawili-wili ang pangyayaring ito. Lumapit kay Pedro ang mga tagasingil ng buwis para sa templo at tinanong siya kung bakit hindi nagbabayad si Jesus ng karaniwang buwis sa templo. Itinanong naman ito ni Pedro kay Jesus, at nilinaw ni Jesus na wala Siyang obligasyong magbayad ng buwis dahil sa kung sino Siya. Gayunman, inutusan Niya si Pedro na kumuha ng isang barya mula sa bibig ng isang isda sa pamamagitan ng isang himala upang hindi sumama ang loob ng iba.

Isa sa mga ipinakikita ng salaysay na ito ay may mga pagkakataong hindi sulit pagtalunan ang mga hangal at di-mahalagang pinagkakaabalahan ng iba (gaya ng pangongolekta ng buwis). Ang payak na simulaing ito ay maaaring umangkop sa marami pang sitwasyon sa buhay. Madali nating hayaang makahadlang sa paglilingkod natin sa Diyos ang mga bagay na di-mahalaga. Hindi na bago na palakihin ng mga tao ang maliliit na usapin. Bilang mga Kristiyano, kailangan nating ituon ang ating pansin sa kung ano ang mahalaga sa buhay at huwag tayong magpadala sa mga hangal na pagtatalong ito.

Ang pagpapakumbaba, kapag lubos na isinabuhay, ay tutulong sa atin na iwasang “makasakit” ng kapwa kahit tayo ang nasa tama. Gaya ng makikita sa pangyayaring ito kay Jesus, ang pagpapakumbaba ay nagbibigay sa atin ng kakayahang makitang may mga laban na hindi sulit patulan. Tiyak na hindi natin maaaring ikompromiso ang katotohanan, ngunit maaari at nararapat tayong magparaya sa maliliit at di-mahalagang kahilingan ng iba sa halip na hayaang mauwi sa alitan ang mga walang saysay na dahilan.

Pagnilayan mo ngayon ang mga “usapin” sa buhay na tila binibigyan ng higit na pansin kaysa nararapat. Pagnilayan kung paano mo mapapahupa ang mga ganitong sitwasyon sa pamamagitan ng pagpapakumbaba sa harap ng iba. Maaaring may mga pagkakataong tinatawag kang tanggapin ang maliliit na kawalang-katarungan alang-alang sa mas malawak na kabutihan. Tingnan kung anu-ano ang mga ito sa iyong buhay at hilingin sa Panginoon ang biyayang sundan ang Kanyang halimbawa.

Panginoon, punuin Mo ang puso ko ng tunay na pagpapakumbaba. Tulungan Mo akong umiwas sa mga di-mahalagang alitan sa buhay, kahit mangahulugan itong tanggapin ko bilang sakripisyo ang di-makatarungang pagtrato sa akin. Nawa’y hindi ko kailanman unahin ang paggigiit sa aking mga karapatan kaysa sa kagalakang dulot ng malalim na pagpapakumbaba. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Santo ng Araw – Santa Jane Frances de Chantal