Tagalog

Isang Nakababalisang Kasalanan

Lunes, Setyembre 9, 2019

Lunes ng Ikadalawampu’t Tatlong Linggo sa Karaniwang Panahon

Mga Pagbasa Ngayon

San Pedro Claver, Pari – Paggunita sa Estados Unidos

“Iunat mo ang iyong kamay.” Ginawa niya ito at gumaling ang kanyang kamay. Ngunit nagngitngit sila sa galit at pinag-usapan kung ano ang maaari nilang gawin kay Jesus.  Lucas 6:10-11

Lubhang nakababagabag ang talatang ito. Paulit-ulit nating nakikita na ang mga eskriba at mga Pariseo ay kumikilos nang may masamang hangaring sinasadya at pinagpaplanuhan. Naghahanap sila ng anumang ginawa ni Hesus na maaari nilang gamiting dahilan para subukan Siyang pagbintangan. At ano ang nakita nilang maipaparatang sa Kanya? Nasaksihan nilang gumawa Siya ng himala sa araw ng Sabbath. At kumilos sila na para bang nagkasala si Hesus sa paggawa nito. Talaga ba?

Lubhang nakababagabag ang talatang ito dahil malinaw na pansariling kapakanan lamang ang iniisip ng mga pinuno ng relihiyon noong panahong iyon, at si Hesus ay nagiging hadlang sa pagtingin nila sa sarili bilang mga taong mahalaga. Lalo Siyang nakikilala at iginagalang, higit pa sa mga eskriba at mga Pariseo, at napuno sila ng inggit.

Isang mahalagang aral mula sa talatang ito ay ang kasalanan ng inggit ay umaakay sa atin sa kawalan ng katwiran at kahangalan. Binubulag tayo ng kasalanang ito at inaakay tayong mag-isip at magsabi ng mga bagay na hangal. Ito ang ginawa ng mga eskriba at mga Pariseo. Sino bang nasa tamang pag-iisip ang “magpaparatang” kay Jesus dahil sa paggawa ng isang bagay na napakabuti, gaya ng pagpapagaling sa araw ng Sabat? Yaon lamang mga nabulag na ng inggit.

Bagaman nakababahala ang talatang ito, nawa’y bagabagin nito ang ating budhi sa paraang makabubuti sa atin. Dapat itong maging pagkakataon para sa bawat isa sa atin na tingnan ang sarili nating buhay at suriin ang ating mga ugnayan. Nakikita mo bang may inggit sa alinman sa mga ugnayang iyon? Napapansin mo bang kung minsan ay kumikilos at nag-iisip ka nang walang katwiran tungkol sa isang tao o sa iba pa?

Pagnilayan mo ngayon ang anumang pagkiling mong maging tulad ng mga eskriba at mga Pariseo. Unawain mong isinama sa Banal na Kasulatan ang kanilang mga ginawa upang turuan tayo tungkol sa karumal-dumal na kasalanang ito na kung minsan ay pinakikibaka natin. Hayaan mong ang nakababahalang bahagi nito ang mag-udyok sa iyo na magsikap na makalaya sa inggit sa iyong buhay.

Panginoon, tunay kong nais na makalaya sa mga kasalanan ng kapalaluan, inggit at selos. Tulungan Mo akong makita ang mga ito sa aking buhay, pagsisihan at talikuran ang mga ito, at palitan ang mga ito ng Iyong awa at pag-ibig. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Santo sa Araw na Ito – San Pedro Claver