Tagalog

Pananalangin Bago Kumilos

Martes, Setyembre 10, 2019

Martes ng Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon

Mga Pagbasa Ngayon

Lahat ng mga Santo para sa Araw na Ito

Umakyat si Jesus sa bundok upang manalangin, at magdamag Siyang nanalangin sa Diyos. Nang magbukang-liwayway, tinawag Niya ang Kanyang mga alagad, at mula sa kanila ay pumili Siya ng Labindalawa, na tinawag din Niyang mga Apostol. Lucas 6:12-13

Nang umagang iyon, matapos magdamag na manalangin si Jesus, gumawa Siya ng ilang napakahalagang pasiya. Pinili Niya ang Kanyang unang labindalawang obispo, ang Labindalawang Apostol. Kapansin-pansin na ginawa lamang Niya ang pasiyang ito matapos ang magdamag na pananalangin.

Sa isang banda, hindi “kailangang” manalangin ni Hesus. Ngunit nanalangin Siya. Nanalangin Siya dahil iyon ang likas sa Kanya. Siya ang Anak ng Ama, at ang pinakamahalagang ugnayan Niya ay ang ugnayan Niya sa Ama sa Langit. Kaya ang pananalangin Niya ay likas sa Kanyang buhay at kalikasang banal. Ang pagpapalipas ng buong gabi sa pananalangin, na malayo sa lahat at kapiling lamang ang Kanyang Ama, ay likas na pagpapahayag ng Kanyang ganap na pag-ibig at pakikipag-isa sa Ama.

Ngunit ang Kanyang oras ng pananalangin ay isa ring karaniwang paraan ng paghahanda Niya para sa mga pasiyang gagawin Niya kinabukasan. Muli, hindi naman sa kinailangan Niyang manalangin upang makapili nang tama. Sa halip, ang Kanyang pananalangin ay bahagi lamang ng banal na proseso ng paggawa ng tamang pagpili. Isa itong paraan ng ganap na pagpapasakop Niya araw-araw ng Kanyang kalikasang pantao sa kalooban ng Ama, upang patuloy Niyang maisabuhay sa mundong ito ang kalooban ng Ama sa bawat araw.

Nagbibigay rin si Hesus ng napakagandang halimbawa para sa atin. Tayo, hindi tulad ng ating Panginoon, ay kailangang manalangin upang malaman at maisakatuparan ang kalooban ng Ama. Hindi tayo namumuhay na ganap na kaayon ng Diyos sa bawat araw at sa bawat sandali nito. Kaya, samantalang ang panalangin ni Kristo ay pagpapahayag dito sa lupa ng pamumuhay Niya ayon sa kung sino na Siya, ang panalangin natin ay pagsuko ng ating sarili upang maging kung sino tayo tinatawag na maging. Dapat tayong maging si Kristo, na nagsisikap mamuhay nang ganap na kaisa Niya at kaayon ng sakdal na kalooban ng Ama.

Pagnilayan mo ngayon ang pangangailangan mong maglaan ng panahon sa pananalangin upang higit kang makaisa ng ating Panginoon. Pagnilayan mo lalo na kung gaano kahalagang gawin ito bago mo gawin ang iba’t ibang pagpapasyang kailangan mong gawin sa buhay. Manalangin ka bago ka kumilos, at hayaan mong ang ating Panginoon ang pumasok sa iyong buhay at gumabay sa iyo ayon sa Kanyang banal na kalooban.

Panginoon, bigyan Mo ako ng pusong nananabik na makapiling Ka sa panalangin sa bawat araw. Tulungan Mo akong ipaubaya sa Iyo araw-araw ang buo kong buhay, nang walang itinitira. Habang ipinauubaya ko sa Iyo ang buhay ko, nagpapasalamat ako sa Iyo sa pagpasok Mo sa aking buhay at sa paggabay Mo sa lahat ng kilos ko. Sa Iyo ang buhay ko, mahal kong Panginoon, sa Iyo ang buhay ko. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos