Linggo, Setyembre 15, 2019
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon, Taon C
Mahal na Birhen ng Hapis – Paggunita
![Lucas Cranach the Elder [Nasa pampublikong dominyo o CC BY-SA 3.0 (https://creativecommons.org/licenses/by-sa/3.0)]](https://catholic-daily-reflections.com/wp-content/uploads/2018/12/Christ_and_the_adulteress_-_Lucas_Cranach_the_Elder-600x412.jpg)
Lumalapit kay Hesus ang lahat ng maniningil ng buwis at mga makasalanan upang makinig sa Kanya, ngunit nagsimulang magreklamo ang mga Pariseo at mga eskriba, na nagsasabi, “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan at nakikisalo Siya sa kanila.” Lucas 15:1-2
Napakahangal at napakayabang ng sinabi nila! Si Hesus ay maawain, bukas sa pagtanggap, mapagpatawad at mapagmahal sa mga makasalanan. At inireklamo ito ng mga Pariseo at mga eskriba na para bang may ginagawang mali si Hesus.
Sa isang banda, mauunawaan kung bakit ang mga eskriba at mga Pariseo, na punô ng kapalaluan, ay maghahanap ng anumang maipaparatang nila kay Hesus upang hatulan Siya. Para bang sadya nila Siyang pinag-iinitan, pilit na naghahanap ng anumang maipipintas sa ating Panginoon. Kaya, sa tindi ng kanilang masamang hangarin, sinikap nilang palabasing napakasamang makasalanan si Hesus dahil nakikisalamuha Siya sa mga makasalanan at tinatanggap sila.
Ngunit kung titingnan ito ayon sa dalisay na katotohanan, kitang-kita ang paninibugho, inggit, pagmamanipula at panlilinlang ng mga eskriba at mga Pariseo. Ang “paghatol” na binigkas nila laban kay Hesus ay hindi tunay na paghatol. Gawa-gawa lamang iyon at pagbaluktot sa katotohanan. Ang totoo, sa kabutihan ni Hesus sa mga makasalanan ay naisabuhay Niya ang Kanyang di-mabilang na mga birtud. Maunawain Siya, maawain, mapagmalasakit, mapagpasensya, mapagpatawad, at marami pang iba. Nakikita Niya ang mga pusong nababagabag at nilalapitan Niya sila sa kanilang pangangailangan, lalo na kapag nakikita Niyang nagsisisi sila, bukas ang kanilang loob at mapagpakumbaba sila.
Maaaring makatagpo tayong lahat paminsan-minsan ng mga taong nag-aakalang sila ang “nasa matuwid” pagdating sa relihiyon. Pangit na kasalanan ito at hindi natin ito dapat ipagwalang-bahala. Ang problema, ang mga taong nag-aakalang sila ang nasa matuwid ay madalas ding mapanakot at mapang-api. Mahirap harapin ang mga humahatol sa iba sa ngalan ng Diyos. Noong una, hindi sila pinansin ni Hesus at ipinagpatuloy Niya ang Kanyang ministeryo ng pag-ibig at malasakit, na nagkukuwento ng mga talinghaga at tumutulong sa mga nangangailangan. Ngunit kalaunan, hinarap Niya nang tuwiran ang mga pinunong ito ng relihiyon at hinatulan sila dahil sa kanilang kapalaluan at pagmamataas.
Pagnilayan mo ngayon ang anumang pagkahilig sa iyong puso na hatulan ang kapwa, lalo na kapag sinusubukan mong gawin ito sa ngalan ng Diyos. Kung nakikipagpunyagi ka sa pag-aakalang matuwid ang iyong sarili at sa kapalaluan, magpakumbaba ka na ngayon upang hindi dumating ang panahong mapilitan ang ating Panginoon na igawad sa iyo ang Kanyang katarungan!
Panginoon, maawa po Kayo sa akin at pagalingin Ninyo ako sa aking mga kasalanan. Palayain Ninyo ako sa lahat ng hilig kong humatol sa kapwa. Tulungan Ninyo akong tularan Kayo sa pagmamahal at pagtanggap sa makasalanang nasa piling ko, upang ako rin, bilang makasalanan, ay tanggapin Ninyo. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Santo ng Araw – Mahal na Birhen ng Hapis




