Tagalog

Pagpapadaloy ng Awa ng Diyos

Lunes, Setyembre 16, 2019

Lunes ng Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon

Mga Pagbasa Ngayon

Mga Santong Martir na sina Cornelio, Papa, at Cipriano, Obispo – Paggunita

“Panginoon, huwag na po Kayong mag-abala, sapagkat hindi ako karapat-dapat na patuluyin Kayo sa aking tahanan.”  Lucas 7:6b

Ang mga salitang ito ay sinabi ng isang mayamang Romanong senturyon. May sakit ang kanyang lingkod, kaya nagpadala siya ng mga sugo kay Hesus upang hilinging pumaroon Siya at pagalingin ang lingkod. Gayunman, dama ng senturyon na hindi siya karapat-dapat sa harap ni Hesus. Nang papalapit na si Hesus, pinapunta ng senturyon ang kanyang mga kaibigan upang mapagpakumbabang salubungin si Hesus, sabihin sa Kanya na hindi siya karapat-dapat, at ipahayag ang kanyang pananampalataya na kayang pagalingin ni Hesus ang kanyang lingkod kahit mula sa malayo. Iyon nga ang ginawa ni Hesus matapos Niyang sabihin sa harap ng lahat, “Sinasabi Ko sa inyo, kahit sa Israel ay wala Akong natagpuang ganitong pananampalataya” (Lucas 7:9).

Isang malalim na katotohanang inihahayag ng talatang ito ay ang pagkakaugnay ng pagpapakumbaba, pananampalataya, at awa.  Kinikilala ng senturyon nang buong pagpapakumbaba ang katotohanan ng kadakilaan ni Hesus at ng sarili niyang pagiging di-karapat-dapat.  Ang mapagpakumbabang pagpapahayag niya ng katotohanang iyon ay isang gawa ng dakilang pananampalataya.  Bunga nito, ibinuhos ang awa sa senturyon at sa kanyang lingkod.

Makapangyarihan ang halimbawang ipinakita sa atin ng senturyong ito.  Napakadalas, sa ating buhay-panalangin, nananalangin tayo na para bang may karapatan tayo sa biyaya ng Diyos.  Isa itong malubhang pagkakamali.  Dapat nating sikaping tularan ang senturyong ito sa pamamagitan ng pag-unawang wala tayong karapatan sa anumang bagay mula sa ating Panginoon.  Ang mapagpakumbabang pagkilalang ito ang kinakailangang saligan upang matanggap ang masaganang awa ng Diyos.  Ang awa ay isang kaloob, hindi isang karapatan.  Ngunit ang mabuting balita ay nag-aalab ang puso ng Diyos sa pagnanais na ibuhos ang kaloob na iyon.  Ang pagkilalang ang awa ay lubos na isang kaloob, na wala tayong karapatang angkinin, ay nagpapakawala sa kapangyarihan nito sa ating buhay.  Ang pag-unawa sa katotohanang ito nang may pagpapakumbaba ay isang pagpapahayag ng pananampalataya sa awa ng Diyos at lubos na nagbibigay-galak sa Kanyang puso.

Pagnilayan ngayon ang nakapagbibigay-inspirasyong mga salitang iyon ng senturyon.  “Panginoon, hindi ako karapat-dapat…”  Ulit-ulitin ang mga ito at hayaang maging saligan ng iyong ugnayan sa ating Panginoon.  Sa pagpapakumbabang ito, masagana kang pagpapalain.

Panginoon, hindi ako karapat-dapat na pumarito Ka sa akin. Hindi ako karapat-dapat sa napakahalagang kaloob ng Banal na Komunyon ni sa Iyong awa sa aking buhay. Isinasamo ko, Panginoon, tulungan Mo akong laging makita na ang lahat ng ibinibigay Mo ay kaloob ng Iyong walang hanggang awa. Nagpapasalamat ako sa Iyo, mahal kong Panginoon. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo ng Araw – San Cornelio – San Cipriano