Tagalog

Ang Panghalina ni Hesus 

Enero 17, 2020
Biyernes ng Unang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

San Antonio ng Ehipto, Abad—Paggunita

Nagtitipon ang mga tao habang pinagagaling ni Kristo ang mga maysakit. Ukit ni T. Phillibrown batay sa likha ni B. West. Kredito: Wellcome Collection. CC BY

Nang bumalik si Hesus sa Capernaum makalipas ang ilang araw, nabalitang nasa bahay Siya. Napakaraming nagtipon kaya wala nang lugar para sa kanila, kahit sa may pintuan, at ipinangaral Niya sa kanila ang salita. Marcos 2:1-2

Napakaraming taong lumalapit kay Hesus kaya wala nang lugar para sa lahat, kahit sa may pintuan ng bahay na kinaroroonan Niya. Kapansin-pansin ang sitwasyong ito. Sa praktikal na pananaw, bakit kaya hindi napansin ni Hesus ang suliraning ito at ginawan ng paraan? Bakit hindi Siya lumabas sa mas maluwang na lugar kung saan makikita at maririnig Siya ng lahat?

Mahirap sagutin ang tanong na iyan, ngunit may isang bagay na matitiyak natin. Makatitiyak tayong ang mga dumating upang makinig sa Kanya, kahit hindi sila makapasok, ay lubos na ginantimpalaan dahil sa kanilang pananampalataya. Inihahayag ng talatang ito ang isang napakahalagang simulain sa buhay espirituwal. Ipinakikita nito na ang espirituwal na pananabik na mapalapit kay Hesus ay nakapagpabago na sa kanila, sa ganang sarili nito.

Madalas, magkakaroon din tayo ng katulad na karanasan. Maaaring nananabik tayong marinig na mangusap sa atin si Hesus, ngunit tila hindi natin Siya marinig. Maaaring tila tahimik Siya sa atin o hindi natin alam kung saan Siya matatagpuan. Ngunit huwag kang panghinaan ng loob kung ito ang iyong nararanasan. Ang totoo, ang hangarin mong makapiling Siya ay isa nang dakilang kaloob at may kakayahang magpabago sa iyong buhay.

Pagnilayan mo ngayon ang maaaring tawaging “katahimikan ng Diyos.” Maaaring may mga panahon sa iyong buhay na tila malayo ang Diyos at hindi Siya matagpuan saanman. Kapag nangyari ito, dapat mong maunawaan na isa itong paraan ng Diyos upang tawagin kang lalo pang mapalapit sa Kanya. Isa itong paraan ng Diyos ng pagbulong upang makuha ang iyong buong pansin. Kung isa itong “pakikibaka” na nararanasan mo paminsan-minsan, lalo mong ituon ang iyong pansin sa ating Panginoon at hayaang lumago ang iyong pananabik sa Kanya. Ang pananabik na ito na mapalapit kay Hesus ang maaaring magbunga nang higit na sagana sa iyong buhay kaysa kung maririnig mo Siya nang malakas at malinaw.

Panginoon, palaguin Mo po sa akin ang pagnanais na mapalapit sa Iyo.  Tulungan Mo akong manabik sa Iyo nang buong puso.  Sa pananabik na iyon, tulungan Mo akong talikuran ang lahat ng hindi nagmumula sa Iyo at ituon sa Iyo ang buo kong pansin.  Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo/Kapistahan Ngayon