Enero 18, 2020
Sabado sa Unang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa Ngayong Araw

“Bakit Siya kumakaing kasalo ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” Narinig ito ni Jesus at sinabi Niya sa kanila, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang mga malulusog, kundi ang mga maysakit. Hindi Ako naparito upang tawagin ang mga matuwid kundi ang mga makasalanan.” Marcos 2:16-17
Ginawa ito ni Jesus, ikaw kaya? Handa ka bang makitang kasama ang mga “makasalanan?” Kapansin-pansin sa talatang ito ng Kasulatan na ang LAHAT ay makasalanan. Kaya ang totoo, makasalanan ang bawat taong nakasalamuha ni Jesus.
Ngunit ang talatang ito at ang pagpuna kay Jesus ay hindi gaanong tungkol sa pakikisalamuha Niya sa mga taong nagkasala; sa halip, higit itong tungkol sa pakikisalamuha Niya sa mga taong minamaliit ng mga nasa mataas na antas ng lipunan. Kusang naglaan si Jesus ng panahon para sa mga “hindi katanggap-tanggap.” Hindi Siya natakot na makitang kasama ang mga hinahamak ng iba. Agad na napansin ng mga eskriba at mga Pariseo na malugod na tinatanggap ni Jesus at ng Kanyang mga alagad ang mga taong ito. Kumain at uminom silang kasalo ng mga maniningil ng buwis, mga nagkakasala sa larangan ng seksuwalidad, mga magnanakaw, at iba pang katulad nila. Higit pa rito, maliwanag na tinanggap nila nang malugod ang mga taong ito nang hindi hinuhusgahan.
Kaya balikan natin ang unang tanong…Handa ka bang makitang kasama at makisalamuha sa mga hindi gusto ng nakararami, mga nahihirapang mamuhay nang maayos, mga nasasaktan, mga nalilito, at iba pang katulad nila? Handa ka bang masira ang iyong reputasyon dahil minamahal at inaalagaan mo ang mga nangangailangan? Handa ka pa nga bang makipagkaibigan sa isang taong makasisira sa iyong pangalan sa lipunan?
Pagnilayan mo ngayon ang isang tao sa iyong buhay na tila nais mong iwasan. Bakit kaya? Sino ang ayaw mong makitang kasama o ang hindi mo agad nanaising makasalamuha? Maaaring ang taong ito, higit kaninuman, ang nais ni Jesus na paglaanan mo ng panahon.
Panginoon, minamahal Mo ang lahat ng tao nang may malalim at ganap na pag-ibig. Dumating Ka lalo na para sa mga taong wasak ang buhay at namumuhay sa kasalanan. Tulungan Mo akong laging hanapin ang mga nangangailangan at mahalin ang lahat nang may matatag na pag-ibig na hindi nanghuhusga. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos




