Pebrero 3, 2020
Lunes ng Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa Ngayong Araw
San Blas, Obispo at Martir—Opsiyonal na Paggunita
San Ansgar, Obispo—Opsiyonal na Paggunita

Nang makalapit sila kay Hesus, nakita nila ang lalaking dating sinasapian ng Lehiyon, nakaupo roon, nakadamit at nasa matinong pag-iisip. At sila ay sinidlan ng takot. Marcos 5:15
Ang maikling siping ito ay kasunod ng isang napakadramatikong salaysay. Isang binatang naninirahan sa gitna ng mga libingan ang lubusang sinasapian ng maraming demonyo. Nagpakilala ang mga demonyo bilang “Lehiyon” at sinabing marami sila. Malinaw sa salaysay na ang lalaking ito ay mailap, wala sa matinong pag-iisip, at lubusang nasa kapangyarihan ng mga demonyong ito.
Sa pagpapatuloy ng salaysay, kinausap ni Hesus ang mga demonyo, sinaway sila, at pinalayas sila, anupat pinapunta Niya sila sa isang kawan ng mga baboy. Nagtakbuhan pababa sa dalisdis ang mga baboy at nalunod sa lawa. Pagkatapos nito, lubos nang nagbago ang lalaki; nakaupo na siya roon at nakikipag-usap sa iba.
Isang kapansin-pansing bagay sa salaysay na ito: nang lumabas ang mga taga-bayan at nakita nilang nakaupo roon ang lalaki at “nasa matinong pag-iisip,” nagulat sila at “nalipos ng takot.” Hindi nila malaman kung ano ang iisipin tungkol sa nangyari. Bakit kaya?
Marahil ay may ilang dahilan. Tingnan natin ang isa sa mga ito. Dahil sinasapian ng isang lehiyon ng mga demonyo, hindi na makapamuhay nang maayos ang binata, kaya itinuring na siyang wala nang pag-asa ng mga taga-bayan. Sumuko na sila sa kanya at malamang na ayaw na nilang magkaroon ng anumang ugnayan sa kanya. Takot sila sa kanya. Ngunit nang makita nilang lubos na siyang nagbago, nakaupo roon na mukhang maayos at matino ang pag-iisip, hindi nila malaman kung ano ang iisipin. Gulát na gulát sila. At nauwi sa takot ang pagkagulat nila, sapagkat natatakot sila sa hindi nila maunawaan.
May mahalagang ipinakikita ito sa atin. Ipinakikita nito na kung hindi natin nauunawaan ang kapangyarihan ng Diyos, matatakot tayo sa Kanyang kapangyarihan kapag naharap tayo rito. Dapat sana ay napuspos ng malaking kagalakan at pananabik ang mga taong-bayan dahil sa ganap na pagbabago ng lalaking ito. Ngunit sa halip na malaking kagalakan at pananabik, takot ang nadama nila. Natakot sila dahil hindi nila nauunawaan ang walang-hanggang kapangyarihan ng Diyos.
Pagnilayan mo ngayon ang kapangyarihan at kaluwalhatian ng Diyos. Nais Niyang gumawa ng mga dakilang bagay at magdulot ng ganap na pagbabago sa iyong buhay. Nais Niyang palayasin ang masamang nagkukubli sa ating mundo at sa halip ay pairalin ang Kanyang awa at kapayapaan. Habang pinagninilayan mo ang kapangyarihan ng Diyos, buksan mo ang iyong sarili upang mas malinaw mo Siyang maunawaan. Kung nauunawaan mo Siya, higit kang magiging handang magalak sa Kanyang mabubuting gawa.
Panginoon, nagagalak ako sa Iyong kapangyarihang walang hanggan. Nagagalak ako sa Iyong kadakilaan at kaluwalhatian. Tulungan Mo akong makita ang maraming paraan ng Iyong pagkilos sa aming mundo at sa buhay ng mga tao sa paligid ko. Habang nakikita ko kung paano nagdudulot ng pagbabago ang Iyong kapangyarihan, punuin Mo ang aking puso ng pasasalamat sa lahat ng Iyong ginagawa. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos




