Tagalog

Pambihirang Pananampalataya 

Pebrero 4, 2020
Martes ng Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa Ngayong Araw

“Mahipo ko lamang ang Kanyang damit, gagaling na ako.” Agad na tumigil ang kanyang pagdurugo. Naramdaman niya sa kanyang katawan na gumaling na siya sa kanyang karamdaman.  Marcos 5:28-29

Ito ang mga iniisip at naranasan ng babaeng labis na nagdusa sa loob ng labindalawang taon dahil sa pagdurugo.  Lumapit siya sa maraming manggagamot at naubos ang lahat ng kanyang ari-arian sa paghahangad na gumaling.  Nakalulungkot, walang nakatulong.

Maaaring pinahintulutan ng Diyos na magpatuloy ang kanyang pagdurusa sa lahat ng taong iyon upang mabigyan siya ng natatanging pagkakataong ito na maipamalas ang kanyang pananampalataya nang makita ng lahat.  Kapansin-pansin na talagang inihahayag ng talatang ito ang mga iniisip niya sa kanyang kalooban habang lumalapit siya kay Hesus.  “Mahipo ko lamang ang Kanyang damit…”  Ang kaisipang ito sa kanyang kalooban ay isang magandang paglalarawan ng pananampalataya.

Paano niya nalamang gagaling siya? Ano ang nagtulak sa kanya na maniwala rito nang napakalinaw at buong pananalig? Bakit, matapos ang labindalawang taong pagpapagamot sa bawat doktor na matagpuan niya, bigla niyang naunawaan na kailangan lamang niyang hipuin ang damit ni Hesus upang gumaling? Simple ang sagot. Sapagkat pinagkalooban siya ng kaloob na pananampalataya.

Ang paglalarawang ito ng kanyang pananampalataya ay naghahayag na ang pananampalataya ay isang sobrenatural na kaalaman tungkol sa isang bagay na tanging Diyos lamang ang makapaghahayag.  Sa madaling salita, alam niya na gagaling siya, at ang kaalamang ito tungkol sa kanyang paggaling ay dumating sa kanya bilang isang kaloob ng Diyos.  Nang maipagkaloob ito sa kanya, kinailangan niyang kumilos ayon sa kaalamang ito at, sa paggawa nito, nagbigay siya ng isang kahanga-hangang patotoo sa lahat ng babasa ng kanyang kuwento. 

Ang kanyang buhay, at lalo na ang karanasang ito, ay dapat humamon sa ating lahat na kilalaning ipinahahayag din sa atin ng Diyos ang malalalim na katotohanan, kung makikinig lamang tayo.  Patuloy Siyang nagsasalita at naghahayag sa atin ng lalim ng Kanyang pag-ibig, at tinatawag tayong mamuhay nang may hayag na pananampalataya.  Nais Niyang ang ating sariling pananampalataya ay hindi lamang maging saligan ng ating buhay, kundi maging isang makapangyarihang patotoo rin sa iba.  

Pagnilayan ngayon ang matibay na pananalig sa kaibuturan ng babaeng ito.  Alam niyang pagagalingin siya ng Diyos sapagkat hinayaan niyang marinig ang Diyos na nagsasalita.  Pagnilayan kung gaano ka nakikinig sa iyong kalooban sa tinig ng Diyos, at sikaping maging bukas sa gayunding lalim ng pananampalatayang pinatotohanan ng banal na babaeng ito.

Panginoon, mahal Kita at nais Kitang makilala at marinig Kang mangusap sa akin sa bawat araw. Palaguin Mo po ang aking pananampalataya upang makilala Kita at malaman ang Iyong kalooban para sa aking buhay. Gamitin Mo po ako ayon sa Iyong nais upang maging saksi ng pananampalataya para sa iba. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo/Kapistahan Ngayon