Pebrero 27, 2020
Huwebes pagkatapos ng Miyerkules ng Abo
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

“Ano ang pakinabang ng isang tao kung makamit niya ang buong mundo ngunit mawala o mapahamak ang kanyang sarili?” Lucas 9:25
Maraming tao ang nangangarap na manalo sa loterya. Madalas, ang pinapangarap nilang mapanalunan ay milyun-milyong dolyar. Isipin mo kung ano ang gagawin mo kung bigla kang naging milyonaryo o bilyonaryo. Napapansin mo bang nangangarap ka rin nang gising tungkol dito?
Kung gayon, marahil ay mabuting pagnilayan ang tanong sa itaas. Ano ang mabuting maidudulot kung manalo ka ng pinakamalaking premyo sa lotto sa kasaysayan, maging pinakamayamang tao sa balat ng lupa, ngunit wala naman sa iyong buhay ang biyaya ng Diyos at wala kang pananampalataya? Ipagpapalit mo ba ang iyong pananampalataya sa napakalaking kayamanan at pagkakamit ng buong mundo? Marahil ay marami ang gagawa nito; kung hindi, hindi sana itinanong ito ni Jesus.
Napakadalas na mali ang ating mga prayoridad sa buhay. Hinahangad natin ang agarang kasiyahan at kaluguran sa halip na ang kaganapang walang hanggan. Mahirap para sa maraming tao ang mamuhay nang nakatuon sa buhay na walang hanggan.
Maaaring sabihin ng ilan, “Aba, pareho ang pipiliin ko! Gusto ko ang buong mundo at ang kaligtasan ng aking kaluluwa!” Ngunit ipinapalagay ng tanong ni Jesus na hindi natin maaaring makamtan ang dalawa. Kailangan nating piliin kung alin ang ating hahangarin. Ang pagpili ng buhay na may pananampalataya at ng kaligtasan ng ating mga kaluluwa ay nangangailangan ng pagbitaw sa maraming bagay sa mundong ito. Kahit pa pagkalooban tayo ng Diyos ng maraming pagpapala sa mundong ito, dapat tayong magsikap na mamuhay sa paraang handa at bukal sa ating kalooban na “talikuran ang mga ito” kung makabubuti iyon sa ating walang-hanggang kaligtasan, o sa kaligtasan ng iba. Mahirap itong gawin at nangangailangan ng napakalalim na pag-ibig sa Diyos. Kailangan nating maging lubos na kumbinsido, sa kaibuturan ng ating pagkatao, na ang paghahangad ng kabanalan ay higit na mahalaga kaysa sa anupamang bagay.
Pagnilayan mo ngayon ang malalim na tanong na ito ni Jesus. Unawain mong sa iyo Niya ito itinatanong. Paano ka tutugon? Huwag mag-atubiling gawing sentro ng iyong buhay ang Diyos at ang Kanyang saganang awa. Ang Kuwaresma ay isa sa pinakamainam na panahon ng taon upang taimtim na suriin ang pinakapangunahing hangarin at layunin ng iyong puso. Piliin mo Siya nang higit sa lahat, at magpapasalamat ka magpakailanman na ginawa mo iyon.
Panginoon, sa pagpasok namin sa panahong ito ng Kuwaresma, ipagkaloob Mo sa akin ang biyayang kailangan ko upang suriin ang mga inuuna ko sa buhay. Tulungan Mo akong tapat na kilatisin kung ano ang pinakapangunahin at pinakapundasyong motibong gumagabay sa aking buhay. Tulungan Mo akong piliin Ka nang higit sa lahat upang sa tulong Mo ay maiayos ang lahat sa buhay ko ayon sa Iyong banal na kalooban. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
40 Araw sa Paanan ng Krus: Unang Pagninilay – Pag-ibig ng Isang Ina
Mga Sanggunian para sa Kuwaresma
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa





