Tagalog

Huwag Nang Maghintay na Gawin ang Pinakadakilang Bagay!

Marso 20, 2020
Biyernes ng Ikatlong Linggo ng Kuwaresma
Mga Pagbasa Ngayon

Lumapit kay Hesus ang isa sa mga eskriba at nagtanong sa Kanya, “Alin ang una sa lahat ng mga utos?” Sumagot si Hesus, “Ito ang una: Makinig ka, O Israel! Ang Panginoon na ating Diyos ang tanging Panginoon! Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong pag-iisip, at buong lakas.” Marcos 12:28–30

Hindi ka na dapat magtaka na ang pinakadakilang magagawa mo sa buhay ay ang ibigin ang Diyos nang buo mong pagkatao. Ibig sabihin, ibigin Siya nang buong puso, kaluluwa, pag-iisip at lakas. Ang ibigin ang Diyos nang higit sa lahat, gamit ang buong lakas ng iyong mga kakayahan bilang tao, ang layuning dapat mong patuloy na pagsikapang maabot sa buhay. Ngunit ano nga ba ang ibig sabihin nito?

Una, tinutukoy ng utos na ito ng pag-ibig ang iba’t ibang bahagi ng ating pagkatao upang idiin na dapat nating italaga ang bawat bahagi sa ganap na pag-ibig sa Diyos. Sa pananaw ng pilosopiya, matutukoy natin ang iba’t ibang bahaging ito ng ating pagkatao: ang isip, kalooban, masisidhing damdamin, mga nadarama, emosyon at mga pagnanais. Paano natin iibigin ang Diyos sa pamamagitan ng lahat ng ito?

Nagsisimula tayo sa ating pag-iisip. Ang unang hakbang sa pag-ibig sa Diyos ay ang makilala Siya. Ibig sabihin, dapat nating pagsikapang maunawaan at lubos na matarok ang tungkol sa Diyos, sumampalataya sa Kanya, at paniwalaan ang lahat ng inihayag sa atin tungkol sa Kanya. Ibig sabihin din nito na sinikap nating maarok ang mismong hiwaga ng buhay ng Diyos, lalo na sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan at ng di-mabilang na mga paghahayag na ibinigay sa buong kasaysayan ng Simbahan.

Ikalawa, kapag mas malalim na ang pagkaunawa natin sa Diyos at sa lahat ng Kanyang inihayag, malaya nating pinipiling sumampalataya sa Kanya at sundan ang Kanyang mga landas. Ang malayang pagpiling ito ay dapat sumunod sa pagkilala natin sa Kanya at nagiging isang gawa ng pananampalataya sa Kanya.

Ikatlo, kapag nagsimula na nating maarok ang hiwaga ng buhay ng Diyos at pinili na nating sumampalataya sa Kanya at paniwalaan ang lahat ng Kanyang inihayag, makikita nating magbabago ang ating buhay. Isang tiyak na pagbabagong makikita natin ay ito: hahangarin natin ang Diyos at ang Kanyang kalooban sa ating buhay, nanaisin nating hanapin Siya nang higit pa, makasusumpong tayo ng kagalakan sa pagsunod sa Kanya, at matutuklasan nating ang lahat ng kakayahan ng ating kaluluwa bilang tao ay unti-unting mapupuspos ng pag-ibig sa Kanya at sa Kanyang mga landas.

Ngayong araw, pagnilayan lalo na ang unang bahagi ng pag-ibig sa Diyos. Pagnilayan kung gaano ka kasigasig sa pagsisikap na makilala at maunawaan Siya at ang lahat ng Kanyang inihayag. Ang pagkilalang ito ang dapat maging saligan ng iyong pag-ibig sa Kanya nang buo mong pagkatao. Magsimula ka roon at hayaang sumunod ang lahat ng iba pa. Isang paraan para magawa ito ay ang simulang pag-aralan ang kabuuan ng ating pananampalatayang Katolika (tingnan ang www.mycatholic.life).

Panginoon, nauunawaan kong upang maibig Kita nang higit sa lahat, kailangan muna Kitang makilala. Tulungan Mo akong maging masigasig sa aking paninindigang makilala Ka at matuklasan ang lahat ng maluluwalhating katotohanan ng Iyong buhay. Nagpapasalamat ako sa Iyo sa lahat ng inihayag Mo sa akin, at ngayong araw ay inilalaan ko ang aking sarili sa mas masusing pagtuklas sa Iyong buhay at sa Iyong inihayag. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

40 Araw sa Paanan ng Krus – Ikadalawampu’t Tatlong Pagninilay – Ang Hatol na Kamatayan

Mga Sanggunian para sa Kuwaresma

Panalangin Laban sa Pandemya ng Coronavirus

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa