Hunyo 1, 2020
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria, Ina ng Simbahan
Lunes pagkatapos ng Pentekostes

Nang makita ni Hesus ang kanyang ina at ang minamahal niyang alagad na naroon, sinabi niya sa kanyang ina, “Babae, narito ang iyong anak.” Pagkatapos ay sinabi niya sa alagad, “Narito ang iyong ina.” At mula sa oras na iyon, tinanggap siya ng alagad sa sariling tahanan nito. Juan 19:26-27
Noong Marso 3, 2018, ipinahayag ni Papa Francisco na isang bagong paggunita na pinamagatang “Ang Mahal na Birheng Maria, Ina ng Simbahan” ang ipagdiriwang sa Lunes pagkatapos ng Linggo ng Pentekostes. Mula noon, kabilang na ang paggunita na ito sa Pangkalahatang Kalendaryong Romano at dapat itong ipagdiwang sa buong Simbahan.
Sa pagtatatag ng paggunita na ito, sinabi ni Kardinal Robert Sarah, Prepekto ng Kongregasyon para sa Banal na Pagsamba:
Ang pagdiriwang na ito ay tutulong sa atin na alalahaning ang paglago sa buhay Kristiyano ay dapat na nakaangkla sa Misteryo ng Krus, sa pag-aalay ni Kristo sa Pigíng ng Eukaristiya at sa Ina ng Manunubos at Ina ng mga Tinubos, ang Birheng nag-aalay ng kanyang handog sa Diyos.
“Nakaangkla” sa Krus, sa Eukaristiya, at sa Mahal na Birheng Maria na kapwa “Ina ng Manunubos” at “Ina ng mga Tinubos.” Kay ganda ng mga kabatiran at kay sigla ng inspirasyong hatid ng mga salita ng banal na Kardinal na ito ng Simbahan.
Inilalarawan sa atin ng Ebanghelyong pinili para sa paggunita na ito ang banal na tagpo ng Mahal na Ina na nakatayo sa harap ng Krus ng kanyang Anak. Habang nakatayo roon, narinig niyang sinabi ni Hesus, “Nauuhaw ako.” Binigyan si Hesus ng kaunting alak sa pamamagitan ng espongha at pagkatapos ay ipinahayag Niya, “Naganap na.” Nasaksihan ng Mahal na Ina ni Hesus, ang Ina ng Manunubos, habang nakatayo siya roon, kung paanong ang Krus ng kanyang Anak ay naging bukal ng pagtubos sa sanlibutan. Sa huling pag-inom Niya ng alak, ganap Niyang itinatag ang Bago at Walang Hanggang Hapunan ng Paskuwa, ang Banal na Eukaristiya.
Bukod dito, bago malagot ang Kanyang hininga, ipinahayag ni Hesus sa Kanyang ina na mula noon ay siya na ang “Ina ng mga Tinubos,” ibig sabihin, ang ina ng bawat kasapi ng Simbahan. Ang pagkakaloob ni Hesus ng Kanyang ina sa Simbahan ay sinagisag ng mga salitang sinabi Niya, “Narito ang iyong anak…Narito ang iyong ina.”
Habang ipinagdiriwang natin sa buong Simbahan ang bago at magandang paggunita na ito, pagnilayan mo ang kaugnayan mo sa Krus, sa Eukaristiya at sa iyong ina sa langit. Kung handa kang tumayo sa tabi ng Krus, pagmasdan ito kasama ng ating Mahal na Ina, at saksihan ang pagbubuhos ni Hesus ng Kanyang mahalagang dugo para sa kaligtasan ng sanlibutan, biyaya rin sa iyo na marinig Siyang magsabi sa iyo, “Narito ang iyong ina.” Manatili kang malapit sa iyong ina sa langit. Hingin mo ang kanyang pagkalinga at pagkupkop bilang ina, at hayaan mong ilapit ka ng kanyang mga panalangin sa kanyang Anak sa bawat araw.
Pinakamamahal na Inang Maria, Ina ng Diyos, aking ina, at Ina ng Simbahan, ipanalangin mo ako at ang lahat ng iyong mga anak na lubhang nangangailangan ng awa ng iyong Anak na ibinuhos mula sa Krus para sa pagtubos sa sanlibutan. Nawa’y lalo pang mapalapit sa iyo at sa iyong Anak ang lahat ng iyong mga anak habang pinagmamasdan namin ang kaluwalhatian ng Krus at tinatanggap namin ang Kabanal-banalang Eukaristiya. Inang Maria, ipanalangin mo kami. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo!
BAGO – Panoorin ang bidyo sa wikang Portuges
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Santo ng Araw – San Justino Martir
Hindi ipinagdiriwang bilang liturhikal na paggunita ngayong taon dahil kasabay ito ng Paggunita sa Mahal na Birheng Maria, Ina ng Simbahan
Karagdagang Babasahin – Mahal na Birheng Maria, Ina ng Simbahan
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa




