Oktubre 26, 2020
Lunes ng Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Nagtuturo si Jesus sa isang sinagoga nang araw ng sabbath. Naroon ang isang babaeng labingwalong taon nang lumpo dahil sa isang espiritu; nakabaluktot ang kanyang likod at hindi talaga siya makatayo nang tuwid. Nang makita siya ni Jesus, tinawag Niya siya at sinabi, “Babae, malaya ka na sa iyong karamdaman.” Ipinatong Niya ang Kanyang mga kamay sa kanya, at kaagad siyang nakatayo nang tuwid at nagpuri sa Diyos. Lucas 13:10-13
Ang bawat himala ni Jesus ay tunay na isang gawa ng pag-ibig para sa taong pinagaling. Sa salaysay na ito, labingwalong taon nang nagdurusa ang babaeng ito, at ipinakita ni Jesus ang Kanyang habag sa pamamagitan ng pagpapagaling sa kanya. At bagaman malinaw itong gawa ng pag-ibig na tuwirang nakatuon sa kanya, higit pa rito ang aral na mapupulot natin sa salaysay.
Ang isang aral na makukuha natin sa salaysay na ito ay mula sa katotohanang kusang nagpagaling si Jesus. Bagaman ang ilang himala ay ginagawa bilang tugon sa kahilingan at panalangin ng taong pinagaling, ang himalang ito ay naganap dahil lamang sa kabutihan at habag ni Jesus. Tila hindi naman humihingi ng kagalingan ang babaeng ito, ngunit nang makita siya ni Jesus, nahabag Siya sa kanya at pinagaling siya.
Gayon din sa atin: alam ni Jesus ang ating kailangan bago pa man tayo humingi sa Kanya. Ang tungkulin natin ay manatiling tapat sa Kanya sa lahat ng oras at malaman na sa ating katapatan, ibibigay Niya ang ating kailangan bago pa man tayo humingi.
Ang ikalawang aral ay mula sa katotohanang ang babaeng ito ay “nakatayo nang tuwid” nang siya ay gumaling. Ito ay isang larawang sumasagisag sa nagagawa ng biyaya sa atin. Kapag pumasok ang Diyos sa ating buhay, nagagawa nating tumayo nang tuwid, wika nga. Nakalalakad tayo nang may panibagong tiwala at dangal. Natutuklasan natin kung sino tayo at namumuhay nang malaya sa Kanyang biyaya.
Pagnilayan mo ngayon ang dalawang katotohanang ito. Alam ng Diyos ang bawat pangangailangan mo at tutugunan Niya ang mga ito sa panahong pinakamabuti para sa iyo. Gayundin, kapag ipinagkaloob Niya sa iyo ang Kanyang biyaya, bibigyan ka nito ng kakayahang mamuhay nang may lubos na tiwala bilang Kanyang anak.
Panginoon, iniaalay ko ang aking sarili sa Iyo at nagtitiwala ako sa Iyong masaganang awa. Nagtitiwala akong tutulungan Mo akong lumakad sa Iyong mga landas nang buong pananalig sa bawat araw ng aking buhay. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Mga Panalangin & Materyales para sa mga Halalan sa Estados Unidos
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa
Larawan: Ang Babaeng Labingwalong Taon Nang May Karamdaman, ni James Tissot




