Tagalog

Pananampalataya

Nobyembre 14, 2020
Sabado ng Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Ngayong Araw

“Kapag dumating ang Anak ng Tao, makakatagpo kaya Siya ng pananampalataya sa lupa?”  Lucas 18:8b

Mabuti at kawili-wili ang tanong na ito ni Hesus.  Inihaharap Niya ito sa bawat isa sa atin at hinihiling na sagutin natin ito nang personal.  Ang sagot ay nakasalalay sa kung mayroon nga bang pananampalataya sa puso ng bawat isa sa atin.

Kaya ano ang sagot mo kay Hesus?  Marahil ang sagot ay “Oo.”  Ngunit hindi lamang ito basta sagot na oo o hindi.  Nawa’y maging isang “oo” ito na patuloy na lumalalim at tumitibay sa katiyakan.

Ano ang pananampalataya?  Ang pananampalataya ay tugon ng bawat isa sa atin sa Diyos na nangungusap sa ating mga puso.  Upang magkaroon ng pananampalataya, kailangan muna nating makinig sa Diyos na nangungusap.  Dapat nating hayaan Siyang magpakilala sa atin sa kaibuturan ng ating budhi.  At kapag ginawa Niya ito, ipinapamalas natin ang pananampalataya sa pamamagitan ng pagtugon sa lahat ng Kanyang inihahayag.  Sumasampalataya tayo sa Kanyang Salitang ipinahahayag sa atin, at ang gawang ito ng pagsampalataya ang bumabago sa atin at humuhubog ng pananampalataya sa ating kalooban.

Ang pananampalataya ay hindi lamang basta paniniwala. Ito ay paniniwala sa sinasabi sa atin ng Diyos. Ito ay paniniwala sa mismong Salita Niya at sa Kanya mismong Persona. Kapansin-pansin na kapag tunay nating tinanggap ang kaloob na pananampalataya, lumalalim nang husto ang ating katiyakan tungkol sa Diyos at sa lahat ng sinasabi Niya. Ang katiyakang iyon ang hinahanap ng Diyos sa ating buhay at siyang magiging sagot sa tanong Niya sa itaas.

Pagnilayan mo ngayon kung gaano katunay at katiyak ang iyong pananampalataya.  Pagnilayan mong itinatanong ito sa iyo ni Hesus.  Makakatagpo kaya Siya ng pananampalataya sa iyong puso?  Hayaang lumago ang iyong “Oo” sa Kanya at italaga ang iyong sarili sa mas malalim na pagtanggap sa lahat ng Kanyang inihahayag sa iyo sa bawat araw.  Huwag kang matakot na hanapin ang Kanyang tinig upang masabi mong “Oo” sa lahat ng Kanyang inihahayag.

Panginoon, nais kong lumago sa pananampalataya. Nais kong lumalim ang aking pag-ibig sa Iyo at ang pagkakilala ko sa Iyo. Nawa’y maging buhay ang pananampalataya sa aking buhay, at makita Mo ang pananampalatayang iyon bilang isang mahalagang handog na iniaalay ko sa Iyo. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Itinatampok na larawan sa itaas: Ang Huling Paghuhukom ni Hans Memling