Tagalog

Sabado Santo Kasama si Inang Maria

Abril 3, 2021

Sabado Santo

Higit Pa para sa Triduo

Video

Ang Tagapagligtas ng Sanlibutan ay dumanas ng malupit na kamatayan sa Krus. Ang Kanyang katawang sugatan ay inilagak sa libingan. Nagkawatak-watak ang Kanyang mga alagad at natakot na baka sila na ang susunod. Ngunit ang ating Mahal na Ina ay nanatiling nagbabantay, taglay ang ganap na pag-asang malapit nang muling mabuhay ang kanyang Anak.

Ayon sa tradisyon, ang mga Sabado sa loob ng taong liturhiko ng Simbahan ay iniaalay sa Mahal na Birheng Maria. Bahagyang nag-ugat ang sinaunang tradisyong ito sa paniniwalang, habang ang iba ay napuno ng takot at pagkalito, si Inang Maria ay nanatiling nagbabantay noong Sabado Santo, mapanalanging naghihintay sa muling pagkabuhay ni Hesus. Alam niyang muling mabubuhay ang kanyang Anak. Ang kanyang pag-asa ay higit sa anumang pag-asa. Tiyak ang kanyang pananampalataya. Ang kanyang pag-ibig ang nagpapanatili sa kanyang mapagpuyat habang hinihintay niya ang pagbabalik ng kanyang Anak.

Sa loob ng maraming siglo, may mga nagsasabing ang unang pinagpakitaan ni Hesus matapos ang Kanyang Muling Pagkabuhay ay ang Kanyang sariling ina. Pinaniwalaan ito ni Papa San Juan Pablo II. Pinaniwalaan din ito ni San Ignacio de Loyola. At marami pang iba sa paglipas ng mga siglo ang may ganitong paniniwala.

Dahil dito, ang Sabado Santo ay isang napakainam na araw upang pagnilayan ang mapagnilay na puso ng ating Mahal na Ina. Ilang ulit na sinasabi sa atin ng Banal na Kasulatan na pinagnilayan ni Inang Maria sa kanyang puso ang mga misteryo ng buhay ng kanyang Anak. Isa siya sa iilang nanatili sa Kanyang tabi sa Kanyang paghihirap at kamatayan. Nakatayo siya sa harap ng Krus at mapanalanging pinagnilayan ang Kanyang ganap na paghahandog ng sarili. Kinandong ng Mahal na Ina ang Kanyang walang-buhay na katawan at pinagnilayan kung saan nagtungo ang Kanyang espiritu. At ngayon ay nananatili siyang nagbabantay, pinagninilayan ang Kanyang nalalapit na pagbabalik sa kanya.

Pagnilayan ang kanyang mapagnilay na puso. Sikaping iisa ang iyong puso sa kanyang puso. Sikaping unawain ang kanyang iniisip at inaasahan. Sikaping damhin ang kanyang nadama sa araw na ito ng kapighatian. Sikaping maranasan ang kanyang pananampalataya, ang kanyang pagtitiwala, at ang kanyang masayang pananabik.

Napakaraming tao sa mundong ito ang namumuhay sa kawalan ng pag-asa at pagkalito. Napakarami ang nawalan na ng pag-asa sa bagong buhay na naghihintay sa kanila. Napakarami ang dumaranas ng sarili nilang uri ng panloob na kamatayan nang hindi hinahayaang akayin sila ng Diyos tungo sa Kanyang Muling Pagkabuhay. Napakaraming tao ngayon ang nangangailangan ng pag-asang buhay na buhay sa puso ng ating Mahal na Ina noong unang Sabado Santong iyon.

Tahimik na pagnilayan sa araw na ito ang katotohanan ng Sabado Santo, at hayaang bigyang-inspirasyon ka ng maluwalhating puso ng ating Mahal na Ina at akayin ka nang mas malalim sa kanyang buhay ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig.

Pinakamamahal na Inang Maria, noong unang Sabado Santong iyon, nanatili kang nagbabantay para sa iyong Anak. Hinayaan mong lumago sa iyong kalooban ang banal na kaloob ng pag-asa, at hinayaan mong ang pag-asang iyon ang maging iyong lakas sa gitna ng lagim ng Krus. Ipanalangin mo akong mapagnilayan ko ang iyong magandang puso sa araw na ito upang ako rin ay mapuspos ng pag-asa habang hinaharap ko ang mga pagsubok sa buhay na ito sa lupa. Pagkalooban mo ako ng pusong puno ng masayang pananabik habang hinihintay ko ang biyaya ng bagong buhay na lubos na ninanais ng ating Panginoon na ipagkaloob sa akin. Inang Maria, ipanalangin mo ako.  Hesus, tunay akong nagtitiwala sa Iyo.

Higit pa para sa Semana Santa

Ikalawang Araw: Nobena bilang paghahanda para sa Linggo ng Banal na Awa

Pagninilay sa panalangin para sa Sabado Santo

Rosaryo – Mga Misteryo ng Hapis (na may mga sipi mula sa Banal na Kasulatan)

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga tampok na larawan sa itaas: Si San Pedro na Umiiyak sa Harap ng Birheng Maria, likha ni Guercino


Maghanda para sa Pasko ng Pagkabuhay!

Mga Pang-araw-araw na Pagninilay na Katoliko:
Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay 2021

Mga Pang-araw-araw na Pagninilay sa Banal na Awa:
365 Araw na Kasama si Santa Faustina