Tagalog

Laging Nariyan si Hesus

Agosto 2, 2021
Lunes ng Ikalabingwalong Linggo sa Karaniwang Panahon (Mga Taong B&C)
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

San Eusebio ng Vercelli, Obispo—Paggunita na Maaaring Ipagdiwang

San Pedro Julian Eymard, Pari—Paggunita na Maaaring Ipagdiwang

Vide0

Nang mabalitaan ni Jesus ang pagkamatay ni Juan Bautista, sumakay Siya sa isang bangka at nagtungo nang mag-isa sa isang ilang na lugar. Nabalitaan ito ng mga tao at sinundan Siya nang naglalakad mula sa kani-kanilang bayan. Pagkababa Niya sa bangka, nakita Niya ang napakaraming tao. Nahabag Siya sa kanila at pinagaling ang kanilang mga maysakit.  Mateo 14:13–14

Sa Kanyang pagkatao, nagdalamhati ang puso ni Hesus sa pagkamatay ni Juan Bautista.  Mahal Niya si Juan at labis Siyang nalungkot sa pagpugot dito.  Kaya sumakay Siya sa isang bangka at nagtungo nang mag-isa sa isang ilang na lugar.  Ngunit sabik pa rin ang mga tao na makapiling Siya!  Nais nilang makita si Hesus at makinig sa Kanya.  Marami silang kilalang maysakit at nais nilang pagalingin sila ni Hesus.  Kaya hinanap nila Siya kahit na lumayo Siya sa mga tao upang mapag-isa.

Ano ang naging tugon ni Hesus?  Tiningnan ba Niya sila at nagbuntong-hininga, na sinasabi sa sarili, “Bakit hindi nila ako hayaang mapag-isa?  Hindi ba nila alam na nagdadalamhati ako?”  Hindi.  Sa halip, napuspos si Hesus ng awa at habag para sa kanila, at nilapitan Niya sila upang pagalingin ang marami sa kanilang mga maysakit.

Ipinauunawa nito sa atin ang puso at habag ng ating Panginoon.  Madalas tayong natatakot lumapit sa Diyos.  Natatakot tayong dumulog sa Kanya dahil sa ating kasalanan.  Natatakot tayo sa Kanyang iisipin at sasabihin sa atin.  Nakadarama tayo ng pagkakasala at kahihiyan, kaya hindi natin Siya hinahanap.

Ngunit kung paanong nahabag si Hesus sa mga naghanap sa Kanya sa salaysay na ito, gayundin naman, LAGI Siyang magkakaroon ng pinakamalalim na habag sa atin sa tuwing hahanapin natin Siya.  Kung lubog sa kasalanan ang ating buhay ngunit tatakbo pa rin tayo sa Kanya, titingnan Niya tayo nang may habag at awa.  Hindi Siya kailanman nagsasawa sa ating pagbabalik sa Kanya upang hingin ang Kanyang pagpapagaling at awa.  Dapat tayong laging umasa sa Kanya at dumulog sa Kanya nang buong pagtitiwala.

Pagnilayan mo ngayon kung gaano kapanatag ang iyong loob sa paglapit kay Hesus nang walang itinatago sa iyong tunay na kalagayan.  Natatakot o nag-aalala ka ba sa Kanyang iniisip tungkol sa iyo?  Ikinahihiya mo ba ang iyong kasalanan o kahinaan?  Nag-aalala ka bang hahatulan ka Niya at hindi ka Niya mamalasakitang tulungan?  Magtiwala ka sa Kanyang masaganang awa at tumakbo sa Kanya nang walang takot.

Panginoon, tulungan Ninyo akong magtiwala sa Inyong pag-ibig at habag.  Tulungan Ninyo akong maunawaan na lagi Ninyong hinahangad na lumapit ako sa Inyo.  Kung paanong hindi Kayo nagsasawa sa paglapit ko sa Inyo, nawa ay hindi rin ako magsawang lumapit sa Inyo.  Jesus, nagtitiwala ako sa Inyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Meditasyon sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Mga Santo sa Araw na Ito –

San Eusebio ng Vercelli, Obispo—Paggunita na Maaaring Ipagdiwang

San Pedro Julian Eymard, Pari—Paggunita na Maaaring Ipagdiwang

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Si Kristo na nagpapagaling ng mga maysakit sa baybayin ng Dagat ng Galilea ni Pierre Dulin, mula sa Wikimedia Commons


  Subscribe to our YouTube channel  
  to be notified about new content.