Tagalog

Nais Kong Makakita

Disyembre 3, 2021
Biyernes ng Unang Linggo ng Adbiyento
Mga Pagbasa Ngayong Araw

San Francisco Javier, Pari—Paggunita

Video

“Mangyari sa inyo ayon sa inyong pananampalataya.” At nabuksan ang kanilang mga mata. Mahigpit silang binalaan ni Jesus, “Tiyakin ninyong walang sinumang makaaalam nito.” Ngunit umalis sila at ipinamalita ang tungkol sa Kanya sa buong lupaing iyon. Matthew 9:29b–31

Ang mga salitang ito ni Jesus ay para sa dalawang lalaking bulag na lumapit sa Kanya, nagmakaawa para sa habag at pagpapagaling, sumampalatayang pagagalingin sila ni Jesus, at pagkatapos ay gumaling nga. Ngunit kapansin-pansing sinabi sa kanila ni Jesus na huwag ipagsabi sa iba ang kanilang paggaling. Bakit kaya Niya ito sinabi?

Una sa lahat, imposibleng masunod ang hiling ni Jesus. Alam ng lahat ng nakakakilala sa dalawang lalaking ito na sila ay bulag. At pagkatapos, bigla na lamang silang nakakita. Paano maitatago ang gayong pangyayari?

Tiyak na alam ni Jesus na hindi nila maitatago ang gayong himala, ngunit gayunman, sinabi pa rin Niya sa kanila ang mga salitang ito. Upang maunawaan kung bakit ito sinabi ni Jesus, kailangan nating maunawaan ang Kanyang layunin sa pagpapagaling sa kanila.

Pinagaling ni Jesus ang mga lalaking ito dahil lamang sa pagmamahal Niya sa kanila. Nagsumamo sila para sa habag, at nais ni Jesus na kahabagan sila. Hindi Niya ito ginawa upang umani ng papuri ng mga tao o maging tanyag. Ginawa Niya ito dahil sa pagmamahal sa mga lalaking bulag na ito.

Ginawa rin Niya ang himalang ito upang ituro na kaya Niyang pagalingin ang pagkabulag ng ating mga puso. Nais Niyang sumampalataya sa Kanya ang mga lalaking ito at “makita” kung sino talaga Siya. Kaya naman, ang himalang ito ay lubhang personal at ginawa dahil sa malasakit sa dalawang lalaking ito upang patatagin ang kanilang pananampalataya.

Gayunman, kapansin-pansing hindi mapigil ng mga lalaking ito ang kanilang kagalakan sa pagtanggap ng kaloob na ito mula sa ating Panginoon. Hindi nila mapigilang ipahayag ang kanilang pasasalamat at ibahagi ang kanilang kuwento. Makatitiyak tayong hindi ito ikinasama ng loob ni Jesus; sa halip, nakita Niya ito bilang isang di-maiiwasang bunga ng kanilang pananampalataya.

Ikaw naman? Nakikita mo ba ang Diyos na kumikilos sa iyong buhay, at hinahangad mo bang ibahagi ang kagalakang dulot ng Kanyang pagkilos sa iyong buhay? Palagi ka bang nagpapatotoo sa Kanyang pagkilos at pagpapagaling? Hinahangad mo bang makita ng iba ang lahat ng ginawa ng Diyos para sa iyo?

Pagnilayan mo ngayon ang kagalakan sa puso ng mga lalaking bulag na ito nang sila ay gumaling. At pagnilayan din ang sarili mong kagalakan sa pagkilos ng Diyos sa iyong buhay. Kung hindi nag-uumapaw ang iyong kagalakan, marahil ay magandang pagkakataon ang araw na ito upang hilingin sa Panginoon, nang may malalim na pananampalataya, na tulungan kang makakita!

Panginoon, tulungan Mo po akong makakita at maibahagi sa iba ang kagalakang makita Ka. Nawa’y umagos mula sa aking buhay ang kagalakang iyon upang makita ng lahat. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Tingnan ang lahat ng aming Materyal para sa Adbiyento

Nobena sa Kalinis-linisang Paglilihi
Nobyembre 29-Disyembre 7

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Adbiyento

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – San Francisco Javier, Pari

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Si Kristo na Nagpapagaling sa mga Bulag ni Nicolas Colombel, mula sa Wikimedia Commons