Tagalog

Ang Tinig ng Pastol 

Mayo 9, 2022
Lunes ng Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Video

Paunawa: Sa Taon A, kapag binasa ang Ebanghelyong ito noong nakaraang Linggo, John 10:11-18 ang ginagamit ngayon.

“…nakikinig ang mga tupa sa kanyang tinig, habang tinatawag niya sa pangalan ang sarili niyang mga tupa at inaakay sila palabas. Kapag nailabas na niya ang lahat ng sarili niyang mga tupa, nauuna siya sa kanila, at sumusunod sa kanya ang mga tupa, sapagkat nakikilala nila ang kanyang tinig. Ngunit hindi sila susunod sa isang estranghero; lalayuan nila siya, sapagkat hindi nila nakikilala ang tinig ng mga estranghero.”  John 10:3–5

Ano ang pinakapamilyar sa iyo sa buhay?  Anong tinig o mga tinig ang madalas na umaalingawngaw sa iyong isipan?  Maraming impluwensiya ang palagi nating natatanggap.  May mabuti at mayroon ding hindi gaanong mabuti.  Kadalasan, nakukumbinsi natin ang ating sarili na hindi tayo naaapektuhan ng maraming “tinig” o impluwensiyang nakakasalamuha natin araw-araw.  Ginigipit tayo ng tinig ng media, kulturang popular, pag-ibig sa salapi, paghahangad ng pagkilala, at marami pang iba.  Makapangyarihan ang mga impluwensiyang ito at, maniwala man tayo o hindi, talagang naaapektuhan tayo ng mga ito.

Binibigyan tayo ng Ebanghelyo sa itaas ng pag-unawa sa panloob na pakikibakang ito sa pamamagitan ng paghahambing ng tinig ng Pastol at ng tinig ng isang estranghero.  Madaling turuan at sanayin ang mga tupa.  Natututuhan nilang makilala ang tinig ng kanilang pastol dahil karaniwang gawain ng mga pastol ang palagiang pakikipag-usap sa kanilang mga tupa.  Kapag nasanay na ang mga tupa sa tinig ng pastol, bumabaling sila at sumusunod sa kanya kapag tinatawag niya sila.

Gayon din tayo.  Susundin natin ang tinig ng kung ano ang pinakapamilyar sa atin.  Anuman ang pinag-uukulan natin ng ating buong pansin araw-araw ay unti-unti nating kagigiliwan at hihikayat sa ating sumunod, kahit hindi natin namamalayan.  

Dahil dito, dapat nating itanong, “Ano ang pinakapamilyar sa iyo?”  Nararapat sana na maglaan tayo ng sapat na panahon sa Salita ng Diyos, upang matutuhan ang Kanyang wika, tono, at tinig.  Nararapat sana na maglaan tayo ng bahagi ng bawat araw sa tahimik na pagninilay sa Diyos.  Sa paggawa nito, nahuhubog natin ang ugaling makinig sa Kanyang pangungusap, at nagiging pamilyar at nakaaaliw sa atin ang Kanyang tinig.  

Kapag nakagawian na natin ito, magiging mas madali para sa atin na marinig ang Diyos sa gitna ng ating abalang araw tuwing loloobin Niyang mangusap.  Agad nating makikilala na Siya iyon at susunod tayo.

Pagnilayan mo ngayon kung ano ang pinakamalakas na tumatawag sa iyo.  Huwag mong hayaang matabunan ng maraming iba pang tinig sa ating mundo ang tinig ng Diyos.  Sa halip, ihanda mo ang iyong sarili para sa mga sandaling loloobin Niyang mangusap.  At kapag nangusap Siya, hayaan mong ituon ng tinig na iyon ang iyong pansin sa Kanya upang makasunod ka.

Panginoon kong nangungusap, tulungan Mo akong makilala at mahalin ang Iyong banayad na tinig sa buong araw-araw kong buhay.  Manaig nawa ang tinig na iyon sa lahat ng iba pang nag-aagawan sa aking pansin.  Ikaw ang pinipili ko, mahal kong Panginoon, bilang aking tanging Pastol at gabay.  Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Mga Panalangin sa Pasko ng Pagkabuhay

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Mga tampok na larawan sa itaas: Mabuting Pastol Iniuugnay kay Jean Baptiste de Champaigne, mula sa Wikipedia