Tagalog

Ang Panloob na Buhay ng Diyos!

Linggo, Hunyo 12, 2022

Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Trinidad

Mga Pagbasa Ngayon

Video

“Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya humayo kayo at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng bansa, binibinyagan sila sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo, at tinuturuan silang tuparin ang lahat ng iniutos ko sa inyo. At narito, ako ay kasama ninyo sa lahat ng araw, hanggang sa katapusan ng panahon.”  Matthew 28:18-20

Ang Trinidad!  Ang panloob na buhay ng Diyos!  Ang Pinakadakilang Misteryo ng ating Pananampalataya!

Pamilyar na sa ating lahat ang katotohanang iisa ang Diyos.  At lubos nating tinatanggap na ang iisang Diyos na ito ay ang Ama, Anak at Espiritu Santo.  Sa unang tingin, tila may pagsasalungatan dito.  Paano magiging iisa at tatlo ang Diyos nang sabay?  Isa itong misteryong marapat nating lalong saliksikin at pagnilayan.

Una, kailangan nating maunawaan na ang Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo ay tatlong banal na Persona.  Ang bawat isa ay bukod sa dalawa.  Ang bawat Persona ay may ganap na talino at malayang kalooban.  Ang bawat isa ay may kakayahang kumilala at magmahal nang ganap.

Ngunit ang “kaganapang” ito ng Kanilang kakayahang kumilala at magmahal ang dahilan kung bakit Sila ay iisa.  Bawat isa ay may bahagi sa iisang kalikasang banal at, sa loob ng kalikasang banal na iyon, Sila ay ganap na nagkakaisa.  Nangangahulugan ito na ang bawat isa ay ganap na kumikilala at nagmamahal sa dalawa.  At ang pagkakilalang iyon (isang kilos ng Kanilang ganap na talino) at pag-ibig (isang kilos ng Kanilang ganap na kalooban) ay nagbubunga ng pagkakaisang napakalalim, anupat Sila ay nabubuhay at kumikilos bilang iisang Diyos.

Nakapagbibigay rin ng inspirasyon ang malaman at maunawaan na ang Kanilang pagkakaisa sa pamamagitan ng pagkilala at pagmamahalan sa isa’t isa ay nagbibigay rin sa bawat isa sa Kanila ng ganap na kaganapan bilang Persona.  Ipinakikita nito na ang “pagiging persona” ay nagkakaroon ng kaganapan sa pagkakaisa.  Napakagandang aral nito para sa bawat isa sa atin.

Hindi tayo Diyos, ngunit nilikha tayo ayon sa larawan at wangis ng Diyos.  Kaya nakasusumpong tayo ng kaganapan sa paraang katulad ng sa Diyos.  Sa partikular, nakasusumpong tayo ng kaganapan sa buhay sa pamamagitan ng ating pagmamahal sa kapwa at ng ating malayang pagpiling kilalanin ang bawat tao at bumuo ng pakikipagkaisa sa kanila.  Magkakaroon ito ng iba’t ibang anyo ayon sa ating mga ugnayan.  Siyempre, tinatawag ang mag-asawa na makibahagi sa pinakamalalim na pagkakaisa bilang pagtulad sa buhay ng Diyos.  Ngunit ang lahat ng ugnayan ay tinatawag na makibahagi sa buhay ng Diyos sa kani-kanilang natatanging paraan.

Pagnilayan mo ngayon, habang ipinagdiriwang natin ang Linggo ng Kabanal-banalang Trinidad, ang mga ugnayang kinasasangkutan mo ayon sa pagtawag ng Diyos.  Gaano mo kaganap na tinutularan ang pag-ibig ng Trinidad sa iyong mga ugnayan?  Tiyak na lahat tayo ay may matutuklasang mga aspetong maaari pa nating palaguin.  Magpasiyang humakbang pa tungo sa mas malalim na pakikipag-ugnayan at, sa hakbang na iyon ng pag-ibig, hayaang pagkalooban ka ng Diyos ng higit na kaganapan.

Ama, Anak at Espiritu Santo, tulungan Ninyo akong makilala Kayo at mahalin Kayo.  Tulungan Ninyo akong matuklasan ang pag-ibig na pinagsasaluhan Ninyo sa Inyong sariling buhay na banal.  Sa pagtuklas na iyon, tulungan Ninyo rin akong mahalin ang aking kapwa nang ayon sa Inyong puso.  Ama, Anak at Espiritu Santo, nagtitiwala ako sa Inyo.

Higit pang mga Video ng Pagninilay sa Ebanghelyo tuwing Linggo

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Karagdagang Babasahin – Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Trinidad

Tampok na larawan sa itaas: Ang Banal na Trinidad ni Antonio de Pereda, mula sa Wikimedia Commons