Tagalog

Isang Natatagong Buhay para sa Diyos

Hunyo 15, 2022
Miyerkules ng Ikalabing-isang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Video

Sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad: “Mag-ingat kayo na huwag gumawa ng mga matuwid na gawain upang makita ng mga tao; kung hindi, wala kayong tatanggaping gantimpala mula sa inyong Ama sa langit.” Matthew 6:1

Madalas, kapag gumagawa tayo ng mabuti, gusto nating makita ito ng iba. Gusto nating malaman nila kung gaano tayo kabuti. Bakit? Dahil masarap sa pakiramdam ang kilalanin at parangalan ng iba. Ngunit sinasabi sa atin ni Hesus na gawin ang ganap na kabaligtaran.

Sinasabi sa atin ni Hesus na kapag gumagawa tayo ng kawanggawa, nag-aayuno o nananalangin, dapat natin itong gawin nang lihim. Sa madaling salita, hindi natin ito dapat gawin upang mapansin at purihin ng iba. Hindi naman masama na makita ng iba ang ating kabutihan. Sa halip, ang aral ni Hesus ay tumutukoy sa pinakaugat ng ating mga motibo sa paggawa ng mabuti. Nais Niyang sabihin sa atin na dapat tayong kumilos nang may kabanalan dahil nais nating mapalapit sa Diyos at tumupad sa Kanyang kalooban, hindi upang kilalanin at purihin tayo ng iba.

Nagbibigay ito sa atin ng isang mahalagang pagkakataong suriin nang malalim at tapat ang ating mga motibo. Bakit mo ginagawa ang mga ginagawa mo? Isipin ang mabubuting bagay na sinisikap mong gawin. Pagkatapos, isipin kung ano ang nag-uudyok sa iyo na gawin ang mga iyon. Nawa’y ang nag-uudyok sa iyo na gumawa ng mga banal na bagay ay ang pagnanais lamang na maging banal at tumupad sa kalooban ng Diyos. Nasasapatan ka ba na ang Diyos at ang Diyos lamang ang nakakakita sa iyong mabubuting gawa? Ayos lang ba sa iyo na walang ibang kumikilala sa iyong pagiging di-makasarili at mga gawa ng pag-ibig? Nawa’y “Oo” ang sagot mo.

Ang kabanalan ay matatagpuan lalo na sa iyong natatagong buhay. Doon, kung saan ang Diyos lamang ang nakakakita sa iyo, dapat kang kumilos sa paraang kalugud-lugod sa Kanya. Dapat kang mamuhay sa birtud, panalangin, sakripisyo at pagbibigay ng sarili kahit ang Diyos lamang ang nakakakita. Kung makapamumuhay ka nang ganito sa iyong natatagong buhay, makatitiyak ka ring ang iyong natatagong buhay ng biyaya ay makaaantig sa iba sa paraang ang Diyos lamang ang makapagsasaayos. Kapag nagsisikap kang maging banal nang lihim, nakikita iyon ng Diyos at ginagamit Niya para sa kabutihan. Ang natatagong buhay na ito ng biyaya ang nagiging pundasyon ng iyong pagkatao at ng iyong pakikitungo sa iba. Maaaring hindi nila nakikita ang lahat ng ginagawa mo, ngunit maaantig sila ng kabutihang nasa iyong kaluluwa.

Panginoon ng kabanalan, tulungan Mo akong mamuhay ng isang natatagong buhay ng biyaya. Tulungan Mo akong maglingkod sa Iyo kahit walang nakakakita. Mula sa pag-iisa sa mga sandaling iyon, padaluyin Mo ang Iyong biyaya at awa para sa sanlibutan. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Nobena sa Kamahal-mahalang Puso ni Hesus
Mga araw ng nobena: Hunyo 15-23, 2022
Hunyo 24, 2022: Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Ang Kawanggawa ni Santa Isabel ng Hungary, likha ni Edmund Leighton, sa pamamagitan ng Wikimedia Commons