Tagalog

Ibigin Ninyo ang Inyong mga Kaaway 

Hunyo 14, 2022
Martes ng Ika-labing-isang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa sa Araw na Ito

Video

“Ngunit sinasabi Ko sa inyo, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ang mga umuusig sa inyo, upang kayo ay maging mga anak ng inyong Ama sa langit.”  Matthew 5:44-45a

Hindi madaling sundin ang utos na ito ng ating Panginoon.  Ngunit ito ay utos ng pag-ibig.

Una, tinatawag Niya tayong ibigin ang ating mga kaaway.  Sino ang ating mga kaaway?  Sana ay wala tayong “mga kaaway” sa diwa ng mga taong kusa nating piniling kapootan.  Ngunit maaaring may mga tao sa ating buhay na natutukso tayong kagalitan at nahihirapan tayong mahalin.  Marahil ay maituturing nating mga kaaway ang sinumang nahihirapan tayong pakitunguhan.

Ang pag-ibig sa kanila ay hindi nangangahulugang kailangan natin silang maging matalik na kaibigan, ngunit nangangahulugan itong dapat nating sikaping magkaroon ng tunay na malasakit, pag-aalala, pag-unawa, at pagpapatawad sa kanila.  Maaaring mahirap itong madama para sa lahat, ngunit dapat natin itong maging mithiin.

Makatutulong ang ikalawang bahagi ng utos na ito.  Ang pananalangin para sa mga umuusig sa atin ay tutulong sa ating lumago sa wastong pag-ibig at pagmamalasakit na kailangan nating linangin.  Malinaw at tuwiran ang aspetong ito ng pag-ibig, bagaman napakahirap din nitong isabuhay.

Isipin ang mga taong hirap na hirap kang mahalin.  Ang mga taong kinagagalitan mo.  Maaaring isa siyang kapamilya, katrabaho, kapitbahay, o isang tao mula sa iyong nakaraan na hindi mo pa nakakasundo.  Naaayon sa talatang ito ng Ebanghelyo ang tapat na pag-amin na may kahit isang tao, o marahil ay higit pa, na nahihirapan kang pakitunguhan, sa panlabas man o sa iyong kalooban.  Ang pag-amin nito ay isang gawa lamang ng katapatan.  

Kapag natukoy mo na ang taong ito o ang mga taong ito, pag-isipan kung ipinapanalangin mo sila.  Palagi ka bang naglalaan ng panahon upang ipagkatiwala sila sa Diyos sa panalangin?  Ipinapanalangin mo bang ibuhos ng Diyos ang Kanyang biyaya at awa sa kanila?  Maaaring mahirap itong gawin, ngunit isa ito sa mga gawaing pinakamabuti para sa iyong kalooban.  Maaaring mahirap magpakita ng pag-ibig at pagmamalasakit sa kanila, ngunit hindi mahirap sadyang piliing ipanalangin sila.

Ang pananalangin para sa mga taong nahihirapan tayong pakitunguhan ang susi upang hayaan ang Diyos na maglinang sa ating mga puso ng tunay na pag-ibig at malasakit para sa kanila.  Isa itong paraan ng pagpapahintulot sa Diyos na baguhin ang ating mga damdamin upang hindi na natin kailangang kimkimin ang galit o maging ang poot.  

Ipangako mo sa araw na ito na ipapanalangin mo ang taong pinakamahirap mong pakitunguhan.  Malamang na hindi mababago ng panalanging ito ang iyong pag-ibig sa kanya sa isang magdamag lamang, ngunit kung tapat kang mananalangin nang ganito araw-araw, sa paglipas ng panahon ay unti-unting babaguhin ng Diyos ang iyong puso at palalayain ka mula sa bigat ng galit at sama ng loob na maaaring humahadlang sa pag-ibig na nais Niyang taglayin mo para sa lahat.

Panginoon ng ganap na pag-ibig, ipinapanalangin ko ang taong nais Mong ipanalangin ko.  Tulungan Mo akong mahalin ang lahat ng tao at lalo na ang mga taong mahirap mahalin.  Isaayos Mong muli ang aking damdamin para sa kanila at tulungan Mo akong maging malaya sa anumang galit.  Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Nobena sa Kamahal-mahalang Puso ni Hesus
Mga petsa ng nobena: Hunyo 15-23, 2022
Hunyo 24, 2022: Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Christ Crowned with Thorns ni Hieronymus Bosch, mula sa Wikipedia