Tagalog

Katapatan sa Diyos Matapos Madapa

Huwebes, Hunyo 23, 2022

Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista
Paunawa: Sa 2022, ipinagdiriwang ang Dakilang Kapistahang ito ngayong Hunyo 23 sa halip na sa karaniwang petsa nitong Hunyo 24 dahil tumapat sa Hunyo 24 ngayong taon ang Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus.

Mga Pagbasa Ngayon

Video

Humingi siya ng isang sulatang tapyas at isinulat, “Juan ang pangalan niya,” at namangha ang lahat. Kaagad na nabuksan ang kanyang bibig at nakalagan ang kanyang dila, at nagsalita siya na nagpupuri sa Diyos.  Luke 1:63-64

Si Zacarias ay isang dakilang saksi para sa ating lahat: nagkasala siya dahil sa kakulangan ng pananampalataya sa Diyos, ngunit matapos danasin ang kahihiyang dulot ng kanyang kasalanan, naging tunay siyang tapat at sa huli ay “nagpupuri sa Diyos.”

Pamilyar tayo sa kanyang kuwento.  Sa pamamagitan ng isang himala, ipinaglihi ng kanyang asawa si Juan Bautista sa kabila ng katandaan nito.  Nang ihayag ng isang anghel kay Zacarias na mangyayari ito, hindi siya nanalig sa pangakong ito at nag-alinlangan.  Dahil dito, napipi siya hanggang sa sandaling isilang si Juan.  Sa sandaling iyon, kumilos si Zacarias nang may katapatan sa ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapangalan sa kanyang sanggol na “Juan,” gaya ng hiniling ng anghel.  Dahil sa pagpapakitang ito ng katapatan ni Zacarias, nakalagan ang kanyang dila at nagsimula siyang magpuri sa Diyos.

Ang patotoong ito ni Zacarias ay dapat maging inspirasyon sa lahat ng nagsisikap sumunod sa kalooban ng Diyos sa kanilang buhay ngunit nabigo.  Maraming pagkakataong nangungusap sa atin ang Diyos at naririnig natin Siya, ngunit hindi tayo naniniwala sa Kanyang sinasabi.  Hindi tayo nananatiling tapat sa Kanyang mga pangako.  Dahil dito, dinaranas natin ang mga bunga ng kasalanang iyon.

Sa simula, ang mga bunga ng kasalanan sa ating buhay ay maaaring magmukhang parusa.  Sa katunayan, sa maraming paraan ay gayon nga ang mga ito.  Hindi ito parusa mula sa Diyos; sa halip, ito ay parusang dulot ng kasalanan.  May mapaminsalang mga bunga ang kasalanan sa ating buhay.  Ngunit ang mabuting balita ay pinahihintulutan ng Diyos ang mga bungang iyon ng kasalanan bilang paraan upang akayin tayong bumalik sa katapatan sa Kanya.  At kung hahayaan nating magpakumbaba at magpabago tayo sa pamamagitan ng mga ito, tulad ng ginawa ni Zacarias, magagawa nating talikuran ang pamumuhay na hindi tapat sa kalooban ng Diyos at mamuhay nang may katapatan.  At ang pamumuhay nang may katapatan ang magbibigay sa atin ng kakayahang umawit sa huli ng mga papuri sa ating Diyos.

Pagnilayan mo ngayon ang mga pagkakataong hindi ka naging tapat sa Diyos sa iyong buhay.  Ngunit isipin mo ang mga ito nang may pag-asa.  Umasa kang muli kang tatanggapin ng Diyos at babaguhin Niya ang iyong buhay kung babalik ka sa Kanya.  Naghihintay ang Diyos at sagana ang Kanyang awa.  Hayaan mong punuin ka ng Kanyang awa ng isang pusong nagpupuri sa kabutihan ng Diyos.

Panginoon, tulungan Mo akong tingnan ang aking mga nakaraang kasalanan hindi bilang dahilan upang mawalan ng pag-asa, kundi bilang mga dahilan upang bumalik sa Iyo nang may higit na katapatan.  Gaano man karaming beses akong nadapa, tulungan Mo akong muling bumangon at buong katapatang umawit ng papuri sa Iyo.  Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Nobena sa Kamahal-mahalang Puso ni Hesus
Mga petsa ng nobena: Hunyo 15-23, 2022
Hunyo 24, 2022: Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Karagdagang Babasahin – Pagsilang ni San Juan Bautista

Tampok na larawan sa itaas: Ang Pagsilang ni Juan Bautista ni Artemisia Lomi Gentileschi, mula sa Wikimedia Commons