Biyernes, Hunyo 24, 2022
Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Puso ni Hesus
Biyernes kasunod ng ikalawang Linggo matapos ang Pentekostes

Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin, sapagkat ako ay maamo at mapagpakumbabang puso; at makasusumpong kayo ng kapahingahan para sa inyong sarili. Mateo 11:29
Maligayang Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Puso ni Hesus!
Para sa ilan, maaaring tila luma at lipas na ang pagdiriwang na ito sa Simbahan. Maaaring tingnan ito bilang isa sa mga sinaunang kapistahang wala nang gaanong kabuluhan sa ating buhay ngayon. Ngunit malayong-malayo ito sa katotohanan!
Ang Kabanal-banalang Puso ni Hesus ang mismong kailangan nating makilala, maranasan, at tanggapin sa ating buhay ngayon. Ang Kanyang puso, ang pusong tinusok ng sibat at dinaluyan ng dugo at tubig, ang tanda, sagisag, at bukal ng nag-aalab na pag-ibig ng Kanyang mismong kaluluwa. Ang dugo ay larawan ng Kabanal-banalang Eukaristiya at ang tubig ay larawan ng tubig ng Binyag na naglilinis.
Ang pagdiriwang na ito ng Kabanal-banalang Puso ni Hesus ay pagdiriwang ng pagbubuhos ni Hesus sa atin ng Kanyang buong buhay at lahat ng Kanyang pag-ibig. Wala Siyang ipinagkait, na sinasagisag ng pagdaloy ng huling patak ng dugong ito at tubig mula sa Kanyang Puso habang nakabayubay Siya sa Krus na wala nang buhay. Bagaman napakatingkad ng larawang ito, gayon ito upang idiin ang isang katotohanan. Muli, ang katotohanang iyon ay wala Siyang ipinagkait. Kailangan nating maunawaan na patuloy na ibinibigay sa atin ni Hesus ang lahat kung handa tayong tanggapin ito.
Kung nadarama mong kailangan mong higit na makilala ang Kanyang pag-ibig sa iyong buhay sa araw na ito, subukan mong maglaan ng oras upang pagnilayan ang talatang ito sa Banal na Kasulatan: “…ngunit itinusok ng isang kawal ang kanyang sibat sa tagiliran Niya, at kaagad na dumaloy ang dugo at tubig” (Juan 19:33-34). Maglaan ng oras upang pagnilayan ang huling pag-aalay na iyon ng Kanyang sarili, ang kaloob na tubig at dugong dumadaloy mula sa Kanyang sugatang Puso. Tanda ito ng Kanyang walang-hanggang pag-ibig sa iyo. Pagnilayan mong ito ay ibinubuhos lalo na para sa iyo. Masdan ito, ilubog ang iyong sarili rito, at maging bukas dito. Hayaan mong baguhin ka at puspusin ng Kanyang pag-ibig.
Kabanal-banalang Puso ni Hesus, maawa Ka sa amin. Nagpapasalamat ako sa Iyo, mahal na Panginoon, sa pagbibigay Mo ng lahat sa akin. Wala Kang ipinagkait sa akin at patuloy Mong ibinubuhos ang Iyong buhay para sa aking kabutihan at sa kabutihan ng buong mundo. Nawa’y tanggapin ko ang lahat ng ibinibigay Mo sa akin at wala akong ipagkait sa Iyo. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Panalangin ng Pasasalamat sa pagwawakas ng Roe v. Wade!
Litanya sa Kamahal-mahalang Puso ni Hesus
Panalangin sa Kamahal-mahalang Puso ni Hesus
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa
Karagdagang Babasahin – Mahal na Puso ni Hesus




