Tagalog

Kapag Nanghihina ang Pananampalataya

Agosto 2, 2022
Martes ng Ikalabingwalong Linggo sa Karaniwang Panahon (Mga Taon B&C)
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

San Eusebio ng Vercelli, Obispo—Paggunita na Maaaring Ipagdiwang

San Pedro Julian Eymard, Pari—Paggunita na Maaaring Ipagdiwang

Video

Sumagot si Pedro sa Kanya, “Panginoon, kung Ikaw nga iyan, utusan Mo akong lumapit sa Iyo sa ibabaw ng tubig.” Sinabi Niya, “Halika.” Mateo 14:28-29a

Kaygandang pagpapahayag ng pananampalataya! Si San Pedro, na nasa gitna ng unos sa dagat, ay nagpahayag ng kanyang lubos na pagtitiwala na kung tatawagin siya ni Hesus na lumabas sa bangka upang lumakad sa ibabaw ng tubig, mangyayari nga iyon. Tinawag nga siya ni Hesus na lumapit sa Kanya, at nagsimulang lumakad si San Pedro sa ibabaw ng tubig. Siyempre, alam natin ang sumunod na nangyari. Napuno ng takot si Pedro at nagsimulang lumubog. Mabuti na lamang at nasalo siya ni Hesus, at naging maayos ang lahat.

Kapansin-pansin na maraming ipinahahayag sa atin ang salaysay na ito tungkol sa ating sariling buhay-pananampalataya, at higit pa tungkol sa kabutihan ni Hesus. Madalas tayong nagsisimula sa pananampalatayang nasa isip lamang, na may buong hangaring isabuhay ito. Tulad ni Pedro, madalas tayong gumagawa ng matatag na pasiyang magtiwala kay Hesus at “lumakad sa ibabaw ng tubig” sa Kanyang utos. Gayunman, napakadalas nating maranasan ang naranasan ni Pedro. Sinisimulan nating isabuhay ang pagtitiwalang ipinahahayag natin kay Hesus, ngunit bigla tayong nag-aalinlangan at nagpapadaig sa takot sa gitna ng ating paghihirap. Nagsisimula tayong lumubog at kailangan nating humingi ng saklolo.

Sa isang banda, ang pinakamainam sana ay kung ipinahayag ni Pedro ang kanyang pananampalataya kay Hesus at pagkatapos ay lumakad patungo sa Kanya nang hindi nanghina ang loob. Ngunit sa kabilang banda, ito ang pinakamainam na salaysay sapagkat inihahayag nito ang lalim ng awa at habag ni Hesus. Ipinakikita nito na sasaluhin tayo ni Hesus at iaahon mula sa ating mga pag-aalinlangan at takot kapag nanghina ang ating pananampalataya. Higit na tungkol ang salaysay na ito sa habag ni Hesus at sa lawak ng Kanyang pagtulong kaysa sa kakulangan ng pananampalataya ni Pedro.

Pagnilayan mo ngayon ang mga pagkakataong nagkaroon ka ng matinding hangaring magtiwala kay Hesus, nagsimulang tumahak sa landas na iyon, ngunit pagkatapos ay nadapa. Alamin mong si Hesus ay puspos ng habag at aabutin ka Niya sa iyong kahinaan, tulad ng ginawa Niya kay Pedro. Hayaan mong hawakan Niya ang iyong kamay at patatagin ang mahina mong pananampalataya mula sa kasaganaan ng Kanyang pag-ibig at awa.

Mahabagin kong Panginoon, sumasampalataya po ako. Tulungan Mo ako kapag nanghihina ang aking pananampalataya. Tulungan Mo akong laging bumaling sa Iyo kapag tila hindi ko na makayanan ang mga unos at hamon ng buhay. Nawa’y magtiwala akong sa mga sandaling iyon, higit kailanman, naroroon Ka at iniaabot Mo ang Iyong kamay na naghahatid ng biyaya. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Karaniwang Panahon: Mga Linggo 18–34

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Mga Santo sa Araw na Ito –
San Eusebio ng Vercelli, Obispo

San Pedro Julian Eymard, Pari

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na Larawan: Si San Pedro na Nagtatangkang Lumakad sa Ibabaw ng Tubig, ni François Boucher, mula sa Wikimedia Commons