Tagalog

Laging Nariyan si Hesus

Agosto 1, 2022
Lunes ng Ikalabingwalong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

San Alfonso Maria de Ligorio, Obispo at Pantas ng Simbahan—Paggunita

Video

Nang mabalitaan ni Hesus ang pagkamatay ni Juan Bautista, sumakay Siya sa isang bangka at nagtungo nang mag-isa sa isang ilang na lugar. Nabalitaan ito ng mga tao at naglakad sila mula sa kani-kanilang bayan upang sundan Siya. Pagbaba Niya sa bangka, nakita Niya ang napakaraming tao. Nahabag Siya sa kanila at pinagaling ang mga maysakit sa kanila.  Mateo 14:13-14

Sa Kanyang pagkatao, nagdalamhati ang puso ni Hesus sa pagkamatay ni Juan Bautista.  Mahal Niya si Juan at labis Siyang nalungkot sa pagpugot dito.  Kaya sumakay Siya sa isang bangka at nagtungo nang mag-isa sa isang ilang na lugar.  Ngunit sabik pa rin ang mga tao na makapiling Siya!  Nais nilang makita si Hesus at makinig sa Kanya.  Marami silang kilalang maysakit at nais nilang pagalingin sila ni Hesus.  Kaya hinanap nila Siya kahit na lumayo Siya sa mga tao upang mapag-isa.

Ano ang naging tugon ni Hesus?  Tiningnan ba Niya sila at nagbuntong-hininga, na sinasabi sa sarili, “Bakit hindi nila ako hayaang mapag-isa?  Hindi ba nila alam na nagdadalamhati ako?”  Hindi.  Sa halip, napuspos si Hesus ng awa at habag para sa kanila, at nilapitan Niya sila upang pagalingin ang marami sa kanilang mga maysakit.

Ipinauunawa nito sa atin ang puso at habag ng ating Panginoon.  Madalas tayong natatakot lumapit sa Diyos.  Natatakot tayong dumulog sa Kanya dahil sa ating kasalanan.  Natatakot tayo sa Kanyang iisipin at sasabihin sa atin.  Nakadarama tayo ng pagkakasala at kahihiyan, kaya hindi natin Siya hinahanap.

Ngunit kung paanong nahabag si Hesus sa mga naghanap sa Kanya sa salaysay na ito, gayundin naman, LAGI Siyang magkakaroon ng pinakamalalim na habag sa atin sa tuwing hahanapin natin Siya.  Kung lubog sa kasalanan ang ating buhay ngunit tatakbo pa rin tayo sa Kanya, titingnan Niya tayo nang may habag at awa.  Hindi Siya kailanman nagsasawa sa ating pagbabalik sa Kanya upang hingin ang Kanyang pagpapagaling at awa.  Dapat tayong laging umasa sa Kanya at dumulog sa Kanya nang buong pagtitiwala.

Pagnilayan mo ngayon kung gaano kapanatag ang iyong loob sa paglapit kay Hesus nang walang itinatago sa iyong tunay na kalagayan.  Natatakot o nag-aalala ka ba sa Kanyang iniisip tungkol sa iyo?  Ikinahihiya mo ba ang iyong kasalanan o kahinaan?  Nag-aalala ka bang hahatulan ka Niya at hindi ka Niya mamalasakitang tulungan?  Magtiwala ka sa Kanyang masaganang awa at tumakbo sa Kanya nang walang takot.

Panginoon kong lubos na mahabagin, tulungan Mo akong magtiwala sa Iyong pag-ibig at habag.  Tulungan Mo akong maunawaan na lagi Mong inaasam na lumapit ako sa Iyo.  Kung paanong hindi Ka nagsasawa sa aking paglapit sa Iyo, nawa ay hindi rin ako magsawang lumapit sa Iyo.  Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Karaniwang Panahon: Mga Linggo 18–34

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo sa Araw na Ito: San Alphonsus Maria de Liguori, Obispo at Pantas ng Simbahan

Mga Pagpipiliang Pagbasa sa Misa

Tampok na Larawan: Nagtungo si Hesus sa Isang Ilang na Lugar, ni James Tissot, mula sa Wikimedia Commons