Tagalog

Pagiging Tulad ng mga Bata

Agosto 9, 2022
Martes ng Ikalabinsiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Santa Teresa Benedicta de la Cruz (Edith Stein), Birhen at Martir—Paggunita na Di-sapilitan

Video

“Amen, sinasabi ko sa inyo, malibang magbago kayo at maging tulad ng mga bata, hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng langit. Ang sinumang nagpapakumbabang tulad ng batang ito ang pinakadakila sa Kaharian ng langit. At ang sinumang tumatanggap sa isang batang tulad nito sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin.”  Matthew 18:3-5

Paano tayo magiging tulad ng mga bata?  Ano ang ibig sabihin ng pagiging tulad ng bata?  Narito ang ilang katangiang malamang na tinutukoy ni Hesus sa pagiging tulad ng mga bata:  mapagtiwala, umaasa sa iba, likas, kusang-loob, puspos ng pagkamangha, walang pagkukunwari, at walang malisya.  Marahil ang ilan sa mga ito, o lahat ng mga ito, ay naaayon sa tinutukoy ni Hesus.  Tingnan natin ang ilan sa mga katangiang ito kaugnay ng ating pakikipag-ugnayan sa Diyos at sa kapwa.

Mapagtiwala: Buo ang tiwala ng mga bata sa kanilang mga magulang.  Maaaring hindi nila laging gustong sumunod, ngunit halos wala silang dahilan upang mag-alinlangang tutugunan ng kanilang magulang ang kanilang mga pangangailangan at aalagaan sila.  Panatag silang magkakaroon ng pagkain at damit at hindi man lamang nila ito pinag-aalala.  Kung nasa isang malaking lungsod o shopping mall sila, nakadarama sila ng kaligtasan kapag malapit sa kanilang magulang.  Ang pagtitiwalang ito ay nakatutulong upang mapawi ang takot at pag-aalala.

Likas: Madalas na malaya ang mga bata na maging kung sino talaga sila.  Hindi sila labis na nag-aalala na magmukhang katawa-tawa o mapahiya.  Kadalasan, likas at kusa nilang naipakikita ang kanilang tunay na sarili nang hindi nag-aalala sa opinyon ng iba.

Walang malisya: Hindi pa baluktot ang pananaw ng mga bata o puno ng pagdududa sa kabutihan ng kapwa.  Hindi nila tinitingnan ang iba at agad na ipinapalagay ang pinakamasama tungkol sa mga ito.  Sa halip, madalas nilang nakikita ang iba bilang mabubuting tao.

Puspos ng pagkamangha:  Madalas na nabibighani ang mga bata sa mga bagong bagay.  Kapag nakakita sila ng isang lawa, bundok, o bagong laruan, namamangha sila sa unang pagkakataong ito.  

Ang lahat ng katangiang ito ay madaling maiuugnay sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos.  Dapat tayong magtiwalang pangangalagaan tayo ng Diyos sa lahat ng bagay.  Dapat nating sikaping maging likas at malaya, na ipinahahayag ang ating pagmamahal nang walang takot, at hindi nag-aalala kung ito ay tatanggapin o tatanggihan.  Dapat nating sikaping tumingin sa kapwa nang walang malisya, nang hindi nagpapadala sa paunang paghusga at pagkiling.  Dapat nating sikaping manatiling namamangha sa Diyos at sa lahat ng bagong bagay na ginagawa Niya sa ating buhay.  

Pagnilayan mo ngayon kung alin sa mga katangiang ito ang pinakakulang sa iyo.  Sa paanong paraan nais ng Diyos na maging higit kang tulad ng bata?  Paano Niya nais na maging tulad ka ng mga bata upang maging tunay kang dakila sa Kaharian ng Langit?

Panginoon, tulungan Mo akong maging tulad ng bata.  Tulungan Mo akong matagpuan ang tunay na kadakilaan sa kababaang-loob at kapayakan ng isang bata.  Higit sa lahat, nawa’y lubos akong magtiwala sa Iyo sa lahat ng bagay.  Hesus, tunay akong nagtitiwala sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – Santa Teresa Benedicta de la Cruz (Edith Stein), Birhen at Martir

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na Larawan: Hayaan Ninyong Lumapit sa Akin ang mga Bata ni Anthony van Dyke, mula sa Wikipedia