Tagalog

Ang Makipot na Pintuan

Agosto 21, 2022
Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon, (Taon C)
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Video

“Magsikap kayong pumasok sa makipot na pintuan, sapagkat sinasabi ko sa inyo, marami ang magtatangkang pumasok ngunit hindi nila makakaya.”  Lucas 13:24

Ano ang sinasabi sa atin ng mga salitang ito?  Ipinahahayag nito na hindi tayo makapapasok sa Langit sa pamamagitan lamang ng sarili nating kalooban o pagsisikap.  Bukod dito, sinasabi nito sa atin na bagama’t may mga magtatangkang makarating sa Langit sa pamamagitan ng sarili nilang pagsisikap, hindi magtatagumpay ang ganitong paraan.  Sa pagharap nila sa ating Panginoon pagkamatay, magugulat silang hindi pala sila kabilang sa Kanyang Kaharian.

Ang malinaw at medyo nakagugulat na pahayag na ito ng ating Panginoon ay dapat mag-udyok sa iyo na huminto sandali at tingnan ang iyong buhay upang tapat at mapagpakumbabang suriin ang landas na iyong tinatahak.  Ang pagiging tuwiran at malinaw ni Hesus tungkol sa tunay na karanasang ito na mararanasan ng ilan ay dapat makatulong upang mabuksan ang iyong mga mata at tapat mong masuri kung ikaw ang Kanyang tinutukoy.  

Kung minsan, kailangan ng tunay na pagpapakumbaba upang harapin ang katotohanan at aminin kung mas nagsisikap tayong umasa sa ating sarili kaysa kay Kristo.  Ang “makipot na pintuan” ang pintuang dinaraanan ng mga mapagpakumbaba.  Ang kapalaluan at ang pag-aakalang kaya natin ang lahat nang mag-isa ang nagtutulak sa atin na gumawa ng sarili nating landas patungo sa Langit.  Ngunit hindi kailanman ito ang tamang landas.

Ang pagpasok sa “makipot na pintuan” ay nangangahulugan din na nakikinig tayo sa Diyos.  Bilang ating banal na Pastol, lagi Niya tayong tinatawag nang buong kahinahunan.  Malalaman lamang natin kung saan Niya tayo inaakay kapag nakikinig tayong mabuti sa Kanyang tinig.  Saka lamang natin matutuklasan ang daang patungo sa kaisa-isang makipot na pintuan.

Pagnilayan mo ngayon ang sandaling makakaharap mo ang ating Panginoon nang mukhaan.  Ano kaya ang magiging tagpong iyon?  Sasalubungin ka kaya Niya nang bukas ang mga bisig at sasabihing, “Magaling, mabuti at tapat na lingkod, pumasok ka at tanggapin ang iyong gantimpala.”  O sasabihin Niya, “Hindi kita nakikilala.”  Ngayon na ang panahon upang tapat mong suriin ang iyong buhay-pananampalataya, habang nagsisikap kang umasa lamang sa lakas ng ating banal na Panginoon.

Panginoon, tunay kong hinahangad na makapasok sa makipot na pintuan.  Pinipili kong sundin ang Iyong banayad na tinig na umaakay sa akin patungo sa Langit.  Tulungan Mo akong manatiling mapagpakumbaba sa buhay at talikuran ang lahat ng nagtutulak sa akin na umasa sa aking sarili.  Nawa’y sa Iyo lamang ako umasa, mahal kong Panginoon, at magtiwala sa Iyo sa lahat ng bagay.  Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Nobena kay Santa Monica
Agosto 18–26

Higit pang mga Video ng Pagninilay/Homiliya para sa Linggo

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – San Pio X, Papa
Hindi ipinagdiriwang bilang liturhikong paggunita ngayong taon dahil tumatapat ito sa Linggo

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Ang Huling Paghuhukom ni Jehan Cousin the Younger, mula sa Wikimedia Commons