Agosto 20, 2022
Sabado ng Ikadalawampung Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa Ngayon
San Bernardo ng Clairvaux, Abad at Pantas ng Simbahan—Paggunita

“Ang mga eskriba at mga Pariseo ay nakaupo sa luklukan ni Moises. Kaya gawin ninyo at sundin ang lahat ng sinasabi nila sa inyo, ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang halimbawa. Sapagkat nangangaral sila ngunit hindi nila isinasabuhay ang kanilang ipinangangaral. Nagtatali sila ng mabibigat na pasaning mahirap dalhin at ipinapasan ang mga ito sa balikat ng mga tao, ngunit ayaw man lamang nilang igalaw ang isang daliri upang tulungang buhatin ang mga ito. Ginagawa nila ang lahat upang makita ng mga tao. Pinalalapad nila ang kanilang mga pilakterya at pinahahaba ang kanilang mga palawit. Gustung-gusto nila ang mga lugar na pandangal sa mga handaan, ang mga upuang pandangal sa mga sinagoga, ang mga pagbati sa mga pamilihan, at ang pagtawag sa kanila ng ‘Rabbi.’” Mateo 23:2-7
Ayon sa tradisyon, ang mga Sabado ay inilalaan sa pagpaparangal sa ating Mahal na Ina. Kaylaki ng pagkakaiba ng mga Pariseo at ng ating Mahal na Ina, ang Reyna ng Langit at Lupa!
Una, tingnan natin ang mga Pariseo. Paulit-ulit silang kinondena ni Jesus dahil sa kanilang pagmamataas at pag-aakalang sila ay matuwid. Nananalangin sila sa kanilang sarili, naghahangad ng mga lugar na pandangal, humihingi ng paggalang mula sa iba, at lubusang nakatuon lamang sa kanilang sarili. Ang paulit-ulit na pagkondena sa kanila ni Jesus ay isang pagpapakita ng Kanyang awa. Isa itong paraan upang sikaping palayain sila mula sa kanilang pagmamataas at tulungan silang makita ang liwanag ng katotohanan.
Ikalawa, ihambing natin ito sa ating Mahal na Ina. Ang kanyang kababaang-loob ay higit pa sa kayang isipin. Siya ang Kalinis-linisang Paglilihi…ganap sa lahat ng bagay. Taglay ng kanyang kaluluwa ang bawat birtud. Siya ang Bagong Eva, ang bagong Ina ng lahat ng Nabubuhay. At siya ay pinararangalan magpakailanman bilang Reyna ng Langit at Lupa.
Kitang-kita ang malaking pagkakaibang ito sa paraan ng kanyang pamumuhay. Makikita ito sa katotohanang may ganap siyang karapatang itaas ang kanyang sarili at umasa sa parangal at paggalang sa buong buhay niya. Ngunit sa kanyang kababaang-loob, hindi niya inangkin ang gayong karapatan. Hinayaan niyang manatiling nakatago ang kanyang sarili at maging tampulan pa ng pangungutya dahil sa pagdadalang-tao nang hindi pa kasal. Sa lahat ng bagay, siya ay di-tulad ng mga Pariseo.
Ngunit ngayon, at magpasawalang-hanggan, siya ay itinaas ng Diyos. Siya ay kikilalanin bilang Reyna magpakailanman at pararangalan at mamahalin ng lahat. Ang lahat ng kanyang birtud ay patuloy na magniningning, sapagkat siya ay ginantimpalaan at itinaas upang makita ng lahat.
Pagnilayan ngayon kung sino ang higit mong katulad. Higit mo bang katulad ang mga Pariseong naghahangad na itaas ang kanilang sarili? O higit mo bang katulad ang ating Mahal na Ina na nagpakumbaba? Piliin mong tularan ang ating Mahal na Ina at gagantimpalaan ka rin ng Diyos magpakailanman!
Panginoon, nawa’y makita ko ang kagandahan at karilagan ng kaluluwa ng Iyong ina. Nawa’y mahalin ko siya at parangalan. At sa pagmamahal at pagpaparangal na iyon, nawa’y tularan ko siya sa lahat ng bagay. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Nobena kay Santa Monica
Agosto 18–26
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Santo ng Araw – San Bernardo ng Clairvaux, Abad at Pantas ng Simbahan
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa
Tampok na Larawan: Annunciation Glass – Mary, mula sa flickr




