Tagalog

Ang Kapangyarihan ng Salita ng Panginoon

Setyembre 13, 2022
Martes ng Ikadalawampu’t Apat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

San Juan Crisostomo, Obispo at Pantas ng Simbahan—Paggunita

Video

“Binata, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka!”  Umupo ang patay at nagsimulang magsalita, at ibinigay siya ni Jesus sa kanyang ina.  Luke 7:14b-15

Binigkas ng ating Panginoon ang mga salitang ito sa harap ng kabaong ng isang lalaking namatay ilang araw na ang nakalilipas.  Nagdadalamhati ang kanyang ina.  Siya ang kaisa-isang anak na lalaki ng inang ito na isa nang biyuda.  Isipin ang kanyang kagalakan nang marinig niyang binibigkas ni Jesus ang mga salitang ito at makitang muling nabuhay ang kanyang namatay na anak.  Isa itong sandaling hindi niya kailanman malilimutan at habambuhay niyang ipagpapasalamat.

Tigib ng kahulugan ang mga salitang ito.  Una sa lahat, mga salita ang mga ito na nagdulot ng isang himala.  Nagsalita si Jesus at naganap ang Kanyang sinabi.  Muling nabuhay ang patay sa Kanyang utos.

Ngunit inihahayag din ng mga salitang ito ang isang malalim na espirituwal na katotohanan.  Maaaring hindi literal na buhayin muli ni Jesus ang ating mga mahal sa buhay, ngunit sa marami pang ibang paraan, bumibigkas Siya sa atin ng mga salitang may kapangyarihan.  Kapag matibay ang ating pananampalataya at lumalapit tayo sa Kanya nang may pag-asa, pagtitiwala at pagsuko ng sarili, bibigkas Siya sa atin ng mga salitang mag-aahon sa atin mula sa ating paghihirap at pasakit.  

Ano ang kailangan mong dalhin sa ating Panginoon?  Ano ang nagpapadama sa iyo na tila patay ka at nag-iisa sa iyong buhay?  Anong pagdurusa, kasalanan, sugat ng kalooban, o pagkabigo ang kailangan mong dalhin sa ating Panginoon?

Pagnilayan mo ngayon ang kapangyarihan ng mga salita ng ating Panginoon.  Pagnilayan mo lalo na kung ano ang maaaring ipag-utos ng ating Panginoon na mangyari sa iyong buhay.  Ihandog mo sa Kanya sa araw na ito ang iyong mga kasalanan at lahat ng nagpapabigat sa iyo, at makinig sa Kanyang sasabihin sa iyo.  Hayaan mong sabihin Niya sa iyo, “Sinasabi ko sa iyo, bumangon ka!”  Bumangon ka mula sa iyong kasalanan, sugat ng kalooban, galit at pasakit.  Hayaan mong tumimo ang Kanyang mga salita at baguhin ang iyong buhay, upang muling mabuhay ang tila patay na.

Panginoon, isinusuko ko sa Iyo ang buo kong pagkatao at lahat ng nagpapabigat sa akin sa buhay.  Ipinagkakatiwala ko sa Iyo ang aking kasalanan, sugat ng kalooban, galit at lahat ng tila humahadlang sa bagong buhay na Iyong itinatawag sa akin.  Nawa’y maisuko ko ang lahat sa Iyo, mahal na Panginoon, at marinig ang Iyong pagtawag sa akin mula sa aking kawalang-pag-asa tungo sa bagong buhay.  Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Nobena sa Mahal na Birheng Nagdadalamhati
Tradisyonal na dinarasal tuwing Setyembre 7–15
Ikapitong Araw—Setyembre 13

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – San Juan Crisostomo, Obispo at Pantas ng Simbahan

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na Larawan: Binubuhay Muli ni Jesus ang Anak ng Biyuda ng Naim Ni Pierre Bouillon, mula sa Wikimedia Commons