Tagalog

Pamamahinga sa Paanan ni Hesus

Oktubre 4, 2022
Martes ng Ikadalawampu’t Pitong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

San Francisco ng Assisi—Paggunita

Video

Si Marta, na abala sa maraming paglilingkod, ay lumapit sa Kanya at nagsabi, “Panginoon, wala po ba Kayong pakialam na pinabayaan ako ng aking kapatid na mag-isang maglingkod? Sabihin po Ninyo sa kanya na tulungan ako.” Sumagot sa kanya ang Panginoon, “Marta, Marta, nababalisa ka at nag-aalala sa maraming bagay. Iisa lamang ang kailangan. Pinili ni Maria ang higit na mabuting bahagi at hindi ito aalisin sa kanya.”  Luke 10:40-42

Sa unang tingin, tila hindi ito makatarungan.  Nagpapakahirap si Marta sa paghahanda ng pagkain, samantalang nakaupo lamang si Maria sa paanan ni Hesus.  Kaya nagreklamo si Marta kay Hesus. Ngunit kapansin-pansin na si Marta, sa halip na si Maria, ang bahagyang itinuwid ni Hesus upang matutong magpakumbaba.  Siyempre, ginawa Niya ito nang may kabaitan at kahinahunan.

Ang totoo, kapwa ginagampanan nina Marta at Maria ang kani-kanilang natatanging tungkulin sa sandaling iyon.  Malaking paglilingkod kay Hesus ang ginagawa ni Marta sa paghahanda ng kanilang pagkain.  Ito ang tinawag siyang gawin, at ang paglilingkod na iyon ay sana’y naging isang gawa ng pag-ibig.  Si Maria naman ay gumaganap sa kanyang tungkulin.  Sa sandaling iyon, tinawag siyang maupo lamang sa paanan ni Hesus at ituon ang sarili sa Kanya.  

Ayon sa tradisyon, ang dalawang babaeng ito ay kumakatawan sa dalawang bokasyon sa Simbahan, gayundin sa dalawang pagtawag na para sa ating lahat.  Kinakatawan ni Marta ang buhay na aktibo at kinakatawan naman ni Maria ang buhay na kontemplatibo.  Ang buhay na aktibo ang uri ng pamumuhay na isinasabuhay ng karamihan sa araw-araw, sa paglilingkod man sa pamilya o sa ibang tao sa daigdig.  Ang buhay na kontemplatibo ay isang bokasyong tinatawagan ang ilan na isabuhay sa loob ng klawsura, kung saan iniiwan nila ang abalang daigdig at inilalaan ang malaking bahagi ng kanilang araw sa pananalangin at pag-iisa.

Sa katunayan, tinatawag ka sa dalawang bokasyong ito.  Kahit puno ng gawain ang iyong buhay, tinatawag ka pa ring regular na piliin ang “higit na mabuting bahagi.”  May mga pagkakataong tinatawag ka ni Hesus na tularan si Maria, sapagkat nais Niyang huminto ka sa iyong gawain araw-araw at maglaan ng panahon para sa Kanya at sa Kanya lamang.  Hindi lahat ay nakapaglalaan ng panahon araw-araw sa harap ng Kabanal-banalang Sakramento upang tahimik na manalangin, ngunit nagagawa ito ng ilan.  Gayunman, sikapin mong humanap ng kahit kaunting panahon ng katahimikan at pag-iisa araw-araw upang maupo sa paanan ni Hesus sa pananalangin.

Pagnilayan mo ngayon ang iyong sariling pagtawag sa pananalangin.  Nananalangin ka ba?  Nananalangin ka ba araw-araw?  Kung kulang ito sa iyong buhay, pagnilayan mo ang larawan ni Maria na nasa paanan ni Hesus at alamin mong ito rin ang nais ni Hesus mula sa iyo.

Panginoon kong nag-aanyaya, tulungan Mo akong marinig ang Iyong pagtawag na huminto sa aking ginagawa at mamahinga lamang sa Iyong banal na presensiya.  Nawa’y matagpuan ko araw-araw ang mga sandaling iyon upang mapanibago ang aking lakas sa Iyong presensiya.  Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

BAGO!


The Interior Journey Toward God:
Reflections from Saint Teresa of Ávila

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – San Francisco ng Assisi

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Larawan: Si Hesus sa bahay nina Marta at Maria, likha nina Erasmus Quellinus II at Jan Fyt