Oktubre 5, 2022
Miyerkules ng Ikadalawampu’t Pitong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa sa Araw na Ito
Beato Francis Xavier Seelos, Pari—Paggunita na Maaaring Ipagdiwang sa USA
Santa Faustina Kowalska, Birhen—Paggunita na Maaaring Ipagdiwang

Nananalangin si Jesus sa isang lugar. Nang matapos Siya, sinabi sa Kanya ng isa sa Kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan Mo kaming manalangin, gaya ng pagtuturo ni Juan sa kanyang mga alagad.” Luke 11:1
Hiniling ng mga alagad kay Jesus na turuan Niya silang manalangin. Bilang tugon, itinuro Niya sa kanila ang panalanging “Ama Namin.” Maraming masasabi tungkol sa panalanging ito. Nakapaloob dito ang lahat ng kailangan nating malaman tungkol sa pananalangin. Isa itong aral sa katesismo tungkol mismo sa pananalangin at naglalaman ng pitong kahilingan sa Ama. Tingnan natin ang unang tatlo sa mga ito na matatagpuan sa Kabanata 11 ng My Catholic Worship!
Sambahin ang Ngalan Mo: Ang “sambahin” dito ay tumutukoy sa pagkilala sa kabanalan. Kapag dinarasal natin ang bahaging ito ng panalangin, hindi natin hinihiling na ang pangalan ng Diyos ay magiging banal, sapagkat ang Kanyang pangalan ay banal na. Sa halip, idinadalangin natin na kilalanin natin at ng lahat ng tao ang kabanalang ito ng Diyos. Idinadalangin natin na magkaroon ng malalim na pagpipitagan sa pangalan ng Diyos at lagi natin Siyang pakitunguhan nang may nararapat na paggalang, debosyon, pag-ibig, at banal na pagkamangha na hinihingi ng ating pagkatawag.
Lalong mahalagang bigyang-diin kung gaano kadalas ginagamit sa walang kabuluhan ang pangalan ng Diyos. Kakatwa itong pangyayari. Naisip mo na ba kung bakit, kapag nagagalit ang mga tao, ginagamit nila ang pangalan ng Diyos sa pagmumura? Kakatwa ito. At sa katunayan, ito ay makademonyo. Sa mga sandaling iyon, inuudyukan tayo ng galit na kumilos nang salungat sa panalanging ito at sa wastong paggamit ng pangalan ng Diyos.
Ang Diyos mismo ay banal, banal, banal. Siya ay makaitlong banal! Sa madaling salita, Siya ang Kabanal-banalan! Ang pamumuhay na may ganitong pangunahing saloobin ng puso ang susi sa mabuting buhay-Kristiyano at sa mabuting buhay-panalangin.
Marahil ay isang mabuting gawain ang palagiang pagpaparangal sa pangalan ng Diyos. Halimbawa, napakagandang ugaliing sabihin, “Matamis at pinakamamahal na Jesus, iniibig Kita.” O kaya, “Maluwalhati at maawaing Diyos, sinasamba Kita.” Ang paglalagay ng ganitong mga pang-uri bago natin banggitin ang Diyos ay isang mabuting ugali na makatutulong upang maisakatuparan ang unang kahilingang ito ng Ama Namin.
Isa pang mabuting gawain ang laging pagtukoy sa “Dugo ni Kristo” na tinatanggap natin sa Misa bilang “Mahal na Dugo.” O sa Ostiya bilang “Banal na Ostiya.” Marami ang nahuhulog sa nakagawiang pagtukoy rito bilang “alak” o “tinapay” lamang. Malamang na walang masamang layunin dito, ni hindi man ito kasalanan, ngunit higit na mabuting sanayin ang sarili at ugaliing parangalan at pagpitaganan ang anumang may kaugnayan sa Diyos, lalo na ang Kabanal-banalang Eukaristiya!
Mapasaamin ang Kaharian Mo: Ang kahilingang ito sa Ama Namin ay isang paraan ng pagkilala sa dalawang bagay. Una, kinikilala natin ang katotohanang balang araw ay muling darating si Jesus sa buong kaluwalhatian Niya at itatatag ang Kanyang permanenteng Kaharian na makikita ng lahat. Ito ang magiging panahon ng Huling Paghuhukom, kung kailan lilipas ang kasalukuyang Langit at Lupa at maitatatag ang bagong kaayusan. Kaya ang pagdarasal ng kahilingang ito ay isang pagkilalang puno ng pananampalataya sa katotohanang ito. Paraan natin ito ng pagsasabing hindi lamang tayo naniniwalang mangyayari ito, kundi pinananabikan din natin ito at idinadalangin.
Ikalawa, dapat nating maunawaan na narito na sa piling natin ang Kaharian ng Diyos. Sa ngayon, ito ay isang Kahariang hindi nakikita. Isa itong espirituwal na katotohanang dapat maging ganap na nangingibabaw at nararanasan sa ating daigdig.
Ang pagdarasal na “mapasaamin ang Kaharian” ng Diyos ay nangangahulugang ninanais nating higit muna Niyang angkinin ang ating mga kaluluwa. Dapat na nasa kalooban natin ang Kaharian ng Diyos. Dapat Siyang maghari sa trono ng ating mga puso at dapat natin Siyang pahintulutan. Kaya ito ang dapat nating maging palagiang panalangin.
Ipinapanalangin din natin na maging naroroon ang Kaharian ng Diyos sa ating daigdig. Nais ng Diyos na baguhin ang kaayusang panlipunan, pampolitika, at pangkultura ngayon mismo. Kaya dapat natin itong ipanalangin at pagsikapang maisakatuparan. Ang ating panalangin na dumating ang Kaharian ay paraan din ng pagtatalaga ng ating sarili sa Diyos upang hayaan natin Siyang gamitin tayo para sa layuning ito. Ito ay panalangin ng pananampalataya at katapangan. Pananampalataya, sapagkat naniniwala tayong magagamit Niya tayo; at katapangan, sapagkat hindi ito magugustuhan ng Masama at ng sanlibutan. Habang itinatatag ang Kaharian ng Diyos sa daigdig na ito sa pamamagitan natin, makatatagpo tayo ng pagsalungat. Ngunit ayos lamang iyon at dapat nating asahan. At bahagi ng layunin ng kahilingang ito ang tulungan tayo sa misyong ito.
Sundin ang loob Mo dito sa lupa para nang sa Langit: Ang pagdarasal na dumating ang Kaharian ng Diyos ay nangangahulugan din na hinahangad nating mamuhay ayon sa kalooban ng Ama. Nagagawa natin ito sa pakikipagkaisa kay Cristo Jesus. Ganap Niyang tinupad ang kalooban ng Kanyang Ama. Ang Kanyang buhay bilang tao ang ganap na huwaran ng kalooban ng Diyos, at ito rin ang paraan upang mamuhay tayo ayon sa kalooban ng Diyos.
Ang kahilingang ito ay paraan ng pagtatalaga ng ating sarili sa pamumuhay na kaisa ni Cristo Jesus. Ipinagkakatiwala natin kay Cristo ang ating kalooban upang ang Kanyang kalooban ang mabuhay sa atin.
Sa paggawa nito, nagsisimula tayong mapuspos ng lahat ng birtud. Mapupuspos din tayo ng mga Kaloob ng Espiritu Santo na kailangan upang mamuhay ayon sa kalooban ng Ama. Halimbawa, ang Kaloob ng Kaalaman ay isang kaloob na sa pamamagitan nito ay nalalaman natin kung ano ang nais ng Diyos sa atin sa mga partikular na kalagayan sa buhay. Kaya ang pagdarasal ng kahilingang ito ay paraan ng paghingi sa Diyos na puspusin tayo ng kaalaman tungkol sa Kanyang kalooban. Ngunit kailangan din natin ang katapangan at lakas upang maisabuhay ang kaloobang iyon. Kaya sa kahilingang ito, hinihiling din natin ang mga Kaloob ng Espiritu Santo na nagbibigay sa atin ng kakayahang isabuhay ang inihahayag ng Diyos bilang Kanyang banal na plano para sa ating buhay.
Siyempre, isa rin itong panalangin ng pamamagitan para sa lahat ng tao. Sa kahilingang ito, ipinapanalangin natin na ang lahat ay mamuhay nang may pagkakaisa at pagkakasundo sa ganap na plano ng Diyos.
Ama namin, sumasalangit Ka, sambahin ang ngalan Mo. Mapasaamin ang kaharian Mo. Sundin ang loob Mo dito sa lupa para nang sa Langit. Bigyan Mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw, at patawarin Mo kami sa aming mga sala, para nang pagpapatawad namin sa nagkakasala sa amin, at huwag Mo kaming ipahintulot sa tukso, at iadya Mo kami sa lahat ng masama. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
BAGO!

The Interior Journey Toward God:
Reflections from Saint Teresa of Ávila
Ang Oktubre ay buwan ng Santo Rosaryo
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Santo sa Araw na Ito –
Beato Francis Xavier Seelos, Pari
Santa Faustina Kowalska, Birhen
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa
Tampok na Larawan: The Lord’s Prayer ni James Tissot, mula sa Wikimedia Commons




