Oktubre 11, 2022
Martes ng Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito
San Juan XXIII, Papa—Paggunita na Maaaring Ipagdiwang

Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga Pariseo! Nililinis ninyo ang labas ng saro at pinggan, ngunit sa loob ay punô kayo ng pandarambong at kasamaan. Mga hangal!” Lucas 11:39-40a
Paulit-ulit na pinuna ni Hesus ang mga Pariseo dahil abala sila sa kanilang panlabas na anyo at pinababayaan ang kabanalan ng kanilang mga kaluluwa. Tila sunod-sunod na nahulog ang mga Pariseo sa iisang patibong na ito. Dahil sa kanilang kapalaluan, labis nilang pinagtuunan ang pagmumukhang matuwid sa paningin ng iba. Nakalulungkot na ang kanilang panlabas na anyo ay isa lamang maskarang nagtatakip sa “pandarambong at kasamaan” na lumalamon sa kanila mula sa loob. Dahil dito, tinawag sila ni Hesus na “mga hangal.”
Ang tahasang paghamong ito ng ating Panginoon ay malinaw na isang gawa ng pag-ibig, sapagkat taimtim Niyang hinahangad na tingnan nila ang nasa kanilang kalooban upang linisin ang kanilang mga puso at kaluluwa sa lahat ng kasamaan. Sa kalagayan ng mga Pariseo, tila kinailangan silang tuwirang pagsabihan tungkol sa kanilang kasamaan. Ito lamang ang paraan upang magkaroon sila ng pagkakataong magsisi.
Maaaring mangyari rin ito sa ating lahat paminsan-minsan. Bawat isa sa atin ay maaaring makipagbuno sa pagkahilig na higit na alalahanin ang ating imahe sa publiko kaysa ang kabanalan ng ating kaluluwa. Ngunit ano ang higit na mahalaga? Ang mahalaga ay ang nakikita ng Diyos sa ating kalooban. Nakikita ng Diyos ang ating mga layunin at ang lahat ng nasa kaibuturan ng ating budhi. Nakikita Niya ang ating mga motibo, mga birtud, mga kasalanan, mga bagay na labis nating kinakapitan, at lahat ng nakatago sa paningin ng iba. Tayo rin ay inaanyayahang makita ang nakikita ni Hesus. Inaanyayahan tayong tingnan ang ating kaluluwa sa liwanag ng katotohanan.
Nakikita mo ba ang iyong kaluluwa? Nagsusuri ka ba ng iyong budhi araw-araw? Dapat mong suriin ang iyong budhi sa pamamagitan ng pagtingin sa iyong kalooban at pagkilala sa nakikita ng Diyos sa mga sandali ng panalangin at tapat na pagsusuri sa sarili. Marahil ay madalas linlangin ng mga Pariseo ang kanilang sarili sa pag-aakalang maayos ang lahat sa kanilang kaluluwa. Kung ginagawa mo rin ito paminsan-minsan, maaaring kailangan mo ring matuto mula sa matitinding salita ni Hesus.
Pagnilayan mo ngayon ang iyong kaluluwa. Huwag kang matakot na tingnan ito sa liwanag ng katotohanan at makita ang iyong buhay ayon sa pagtingin dito ng Diyos. Ito ang una at pinakamahalagang hakbang tungo sa tunay na kabanalan. At hindi lamang ito ang paraan upang linisin ang ating kaluluwa; ito rin ang kinakailangang hakbang upang ang ating panlabas na pamumuhay ay magningning sa liwanag ng biyaya ng Diyos.
Panginoon ng kabanalan, nais kong maging banal. Nais kong malinis nang lubusan. Tulungan Mo akong makita ang aking kaluluwa ayon sa pagtingin Mo rito at hayaan ang Iyong biyaya at awa na linisin ako sa mga paraang kailangan kong malinis. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
BAGO!

The Interior Journey Toward God:
Reflections from Saint Teresa of Ávila
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Santo ng Araw – San Juan XXIII, Papa
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa




