Oktubre 10, 2022
Lunes ng Ikadalawampu’t Walong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Habang dumarami pa ang mga taong nagtitipon, sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang salinlahing ito ay isang masamang salinlahi; humihingi ito ng tanda, ngunit walang tandang ibibigay rito maliban sa tanda ni Jonas.” Luke 11:29
Ninais mo na bang bigyan ka ng Diyos ng isang tanda mula sa Langit upang magkaroon ka ng tiyak na patnubay o direksiyon sa buhay? Naghahanap ka ba ng mga tanda mula sa Diyos at umaasa sa mga ito?
Kung bibigyan tayo ng Diyos ng isang malinaw na tanda sa buhay na naghahayag ng Kanyang kalooban, dapat natin itong tanggapin bilang isang kaloob at ipagpasalamat. Ngunit ang pagtanggap ng tanda mula sa Diyos ay iba sa paghahanap ng tanda mula sa Kanya. Sa sipi sa itaas, mariing kinokondena ni Jesus ang mga lumalapit at naghahanap ng mga tanda. Bakit kaya? Bakit mariing tinututulan ni Jesus ang paghahanap ng mga tanda? Pangunahin ay dahil nais Niyang hanapin natin Siya sa pamamagitan ng kaloob na pananampalataya.
Sinabi ni Jesus na walang tandang ibibigay maliban sa tanda ni Jonas. Ang “tanda ni Jonas” ay tumutukoy sa Pagpapako sa Krus, kamatayan, tatlong araw sa libingan, at Muling Pagkabuhay ni Jesus. Tatlong araw si Jonas sa tiyan ng balyena. Sinasabi sa kanila ni Jesus na Siya ay mananatili sa libingan nang tatlong araw.
Ngunit ang mahalagang punto ay ang kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Jesus MISMO ang tandang ibibigay. Wala tayong ibang dapat hanapin kundi ang pangunahing misteryong ito ng ating pananampalataya. Ang bawat tanong, suliranin, alalahanin, kalituhan, at iba pa ay maaaring masagot at matugunan kung papasok lamang tayo sa dakilang misteryo ng ating katubusan sa pamamagitan ng pakikibahagi sa buhay, kamatayan, at Muling Pagkabuhay ni Kristo. Mali ang paghahanap ng ibang tanda bukod dito, sapagkat para na rin nating sinasabing hindi sapat ang kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Jesus.
Pagnilayan mo ngayon ang pinakadakilang “tanda” na ibinigay ng Diyos. At kung nahihirapan ka sa mga katanungan sa buhay, ituon mo ang iyong paningin sa nag-iisang tiyak na tandang ito. Ituon mo ang iyong paningin sa pangunahing misteryo ng ating pananampalataya: ang buhay, kamatayan, at Muling Pagkabuhay ni Kristo. Dito matatagpuan ang sagot sa bawat tanong at ipinagkakaloob ang bawat biyaya. Wala na tayong kailangan pang iba.
Panginoon, ang Iyong buhay, kamatayan, at Muling Pagkabuhay lamang ang kailangan kong malaman sa buhay. Ang Iyong ganap na paghahandog ang nagbibigay sa akin ng bawat sagot at nagpapadaloy ng bawat biyaya. Nawa’y lagi akong bumaling sa Iyo bilang tandang kailangan ko sa araw-araw. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
BAGO!

The Interior Journey Toward God:
Reflections from Saint Teresa of Ávila
Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo
Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos
Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa
Tampok na Larawan: Jonah and the Whale ni Pieter Lastman, mula sa Wikimedia Commons




