Tagalog

Pagdaig sa mga Hadlang

Oktubre 30, 2022
Ikatatlumpu’t Isang Linggo sa Karaniwang Panahon, (Taon C)
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Video

“Zaqueo, bumaba ka agad, sapagkat kailangan kong tumuloy sa iyong bahay ngayon.”  Luke 19:5

Nasa itaas ng isang puno si Zaqueo.  Bakit?  Sa praktikal na pananaw, umakyat siya sa puno dahil pandak siya at nais niyang makita si Hesus sa pagdaan Nito.  Ngunit ang simbolismo nito ay naghahayag ng higit na malalim na kahulugan.

Ang una nating dapat pansinin ay mayaman at iginagalang si Zaqueo.  Sa mata ng mundo, matagumpay siya.  Ngunit sa kabila ng kanyang kayamanan, tila may kulang pa rin.  Nabalitaan niya ang tungkol kay Hesus at ninais niyang makilala Siya.  Kapansin-pansin ang talatang ito sapagkat tiyak na kakaibang tanawin ang isang mayaman at matagumpay na taong umaakyat sa puno sa harap ng napakaraming tao.  Sa katunayan, lubhang kakaiba iyon kaya agad itong napansin ni Hesus.

Napansin din ni Hesus si Zaqueo dahil sa isang bagay na higit na mahalaga kaysa sa pag-akyat sa puno ng isang taong nasa hustong gulang na.  Higit sa lahat, napansin ni Hesus si Zaqueo dahil nakikita Niya ang pagnanais at pagiging bukas ng puso nito.  Si Zaqueo, ang mayaman at matagumpay na taong ito, ay may kakulangan at masigasig niyang hinahangad na mapunan iyon.  Nananabik siya kay Hesus, at ang pagnanais na ito ay natutugunan ng habag ng ating Panginoon.

“Matagumpay” ka man o hindi sa pananaw ng mundo, mahalagang kilalanin mo rin ang hindi pa natutugunang pagnanais ng iyong puso.  Ang “hindi pa natutugunang pagnanais” na iyon ay tumutukoy sa anumang aspeto ng iyong buhay kung saan ang Diyos ay hindi pa ganap na nasa sentro.  Sinisikap ng ilan na tugunan ang pagnanais na ito sa iba’t ibang makamundong paraan.  Ngunit mauunawaan ng mga katulad ni Zaqueo na si Hesus ang kasagutan.  At kapag nakilala ng isang tao ang katotohanang ito, gagawin niya ang lahat ng kinakailangan upang makita Siya at makapiling Siya.

Pagnilayan ngayon ang isang simpleng tanong: Hanggang saan ako handang magsikap upang makita si Hesus?  Handa ka bang gawin ang anumang kinakailangan upang makita Siya, marinig Siya, at makapiling Siya?  Maaaring mangailangan ito ng pagpapakumbaba, at maaaring kailanganin mong kumilos sa paraang lubhang naiiba sa nakasanayan.  Ang paggawa nito ay aantig sa puso ng ating Panginoon, at tutugon Siya sa iyo nang buong kagandahang-loob, tulad ng ginawa Niya kay Zaqueo.

Panginoon, hangad kong piliin Ka nang higit sa lahat.  Nawa’y hindi ako kailanman maakit sa mga bagay ng mundong ito nang higit kaysa sa Iyo.  Pag-alabin Mo ang aking pagnanais sa Iyo at ipagkaloob Mo sa akin ang tapang na kailangan ko upang manatiling tapat sa Iyo sa lahat ng oras.  Mahal Kita, minamahal kong Panginoon.  Dagdagan Mo po ang aking pagmamahal.  Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Mga Pagninilay sa Ebanghelyo tuwing Linggo sa Video

Bago para sa Adbiyento at Pasko!

Mga Pagninilay para sa Adbiyento at Pasko

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Meditasyon sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na Larawan sa itaas: Isang ukit ni Jan Luyken mula sa Phillip Medhurst Collection ng mga ilustrasyon sa Bibliya na nakalagak sa Belgrave Hall, Leicester, England, sa pamamagitan ng Wikimedia Commons