Tagalog

Isang Utos ng Pag-ibig

Sabado, Enero 7, 2023
Karaniwang Araw sa Panahon ng Pasko,
Enero 7
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

San Raimundo de Peñafort, Pari—Opsiyonal na Paggunita

Video

Sinabi ng Kanyang ina sa mga tagapagsilbi, “Gawin ninyo ang anumang sabihin Niya sa inyo.” Juan 2:5

Ang maikling pahayag na ito, na nakapaloob sa salaysay ng Kasalan sa Cana, ay nagbibigay sa atin ng maraming bagay na mapagninilayan. Isa itong utos ng pag-ibig na sinabi ng ating Mahal na Ina sa mga tagapagsilbi sa kasalan. At bagaman unang sinabi ang mga salitang ito sa mga tagapagsilbing iyon upang maganap ang unang himala at tanda ng pagka-Diyos ni Hesus, makatitiyak tayong sinasabi rin ito ng ating Mahal na Ina sa bawat isa sa atin.

“Gawin ninyo ang anumang sabihin Niya sa inyo.” Kaygandang utos ng pag-ibig! Kapag naririnig nating sinasabi sa atin ang mga salitang ito, dapat nating tanggapin ang mga ito bilang ganap at patuloy na paggabay ng ating Mahal na Ina. Napakadalas nating gawin sa buhay ang gusto nating gawin. Hinihila tayo kung saan-saan ng ating mga simbuyo at di-maayos na mga pagnanasa. Nakikipagbuno tayo sa ating pagkamakasarili at madalas na gumagawa ng mga maling pagpili para sa ating buhay. Ito ang payak na katotohanan ng kasalanang nilalabanan natin araw-araw. Ngunit kung susundin natin ang mga salita ng Mahal na Ina, na pinakikinggan ang mga ito bilang mga salitang nagmumula sa kanyang puso tungo sa ating puso, magkakaroon tayo ng bagong direksiyon sa buhay.

Upang magawa ang kalooban ng Diyos, kailangan muna nating makinig sa tinig ng Diyos. Dapat nating pakinggan ang ating Panginoon na nangungusap sa atin. Gaano mo ito kahusay na nagagawa? Madalas na napupuno ang ating isipan ng napakaraming kaisipan, at madali tayong maimpluwensiyahan ng maraming bagay. Hindi lamang tayo nalilito kung minsan dahil sa ating di-maayos na mga simbuyo, damdamin, at emosyon; napakarami ring magkakaiba at nakalilitong tinig sa ating mundo mismo. Naiimpluwensiyahan tayo, sa mabuti man o masama, ng mga nakakasalamuha natin araw-araw, ng mass media, ng mga binabasa o pinapanood natin, at maging ng masama mismo habang tinutukso niya tayo araw-araw.

Kung magsisikap tayo araw-araw na alisin ang maraming tinig na nagliligaw sa atin at ituon ang ating pakikinig sa payak, malinaw, at malalim na tinig ng Diyos, nakagawa na tayo ng mabuting unang hakbang. Ngunit mula roon, kailangan nating “gawin” ang hinihingi sa atin ng Diyos. Maaaring mahirap marinig ang Diyos na nangungusap, ngunit maaaring mas mahirap pang gawin ang naririnig natin mula sa Kanya. May kasabihang ang daan patungong impiyerno ay nalalatagan ng mabubuting hangarin. Hindi sapat ang mabubuting hangarin. Ang sagot ay ang pagtupad sa kalooban ng Diyos nang buong lakas natin.

Pagnilayan ngayon ang dalawang tanong na ito. Una, naririnig ko ba ang hinihingi sa akin ng Diyos sa bawat araw, o naliligaw at naiimpluwensiyahan ako ng marami pang ibang tinig? Ikalawa, gaano ko kahusay na naisasagawa ang alam kong hinihingi sa akin ng Diyos? “Gawin ninyo ang anumang sabihin Niya sa inyo.” Pagnilayan ang pahayag na ito at pakinggan ito bilang isang tunay na utos ng pag-ibig mula sa ating Mahal na Ina.

Pinakamamahal na Ina, sabihin mo nawa sa akin ang mga salitang ito araw-araw. Habang ginagawa mo ito, ipanalangin mo nawa ako upang mapakinggan ko ang lahat ng hinihingi sa akin ng iyong Anak at masunod ko ang Kanyang tinig nang buong puso. Salamat sa iyong ganap na “Oo” at sa iyong pagsunod sa Diyos sa lahat ng bagay. Matutuhan ko nawa na tularan ka nang higit na lubos sa bawat araw. Inang Maria, ipanalangin mo kami. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Tingnan ang aming mga babasahin at iba pang mapagkukunan para sa Pasko!

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – San Raimundo ng Penyafort, Pari—Opsiyonal na Paggunita

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Ang Kasalan sa Cana, mula sa flickr