Tagalog

Unahin ang Mahalaga

Pebrero 11, 2023
Sabado ng Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Mahal na Birhen ng Lourdes—Opsiyonal na Paggunita

Video

“Nahahabag ang puso Ko sa mga taong ito, sapagkat tatlong araw na silang kasama Ko at wala na silang makain.  Kung pauuwiin Ko silang gutom, manghihina sila sa daan, at ang ilan sa kanila ay nanggaling pa sa malayo.”  Marcos 8:2–3

Ang pangunahing misyon ni Hesus ay espirituwal. Naparito Siya upang palayain tayo mula sa mga bunga ng kasalanan nang sa gayon ay makapasok tayo sa kaluwalhatian ng Langit magpakailanman. Ang Kanyang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ay pumuksa sa mismong kamatayan at nagbukas ng daan upang maligtas ang lahat ng bumabaling sa Kanya. Ngunit lubos ang pag-ibig ni Hesus sa mga tao kaya binigyang-pansin din Niya ang kanilang mga pisikal na pangangailangan.

Una sa lahat, pagnilayan ang unang pangungusap sa pahayag ng ating Panginoon sa itaas: “Nahahabag ang puso Ko sa mga taong ito…” Ang banal na pag-ibig ni Hesus ay kaugnay ng Kanyang pagkatao. Minahal Niya ang buong tao, katawan at kaluluwa. Sa salaysay na ito ng Ebanghelyo, tatlong araw nang kasama Niya ang mga tao at nagugutom na sila, ngunit wala silang ipinakikitang balak na umalis. Labis silang namangha sa ating Panginoon kaya ayaw na nilang umalis. Binigyang-diin ni Hesus na matindi na ang kanilang gutom. Kung pauuwiin Niya sila, nangangamba Siyang “manghihina sila sa daan.” Kaya ang mga kalagayang ito ang naging batayan ng Kanyang himala.

Isang aral na matututuhan natin sa salaysay na ito ay tungkol sa mga priyoridad natin sa buhay. Kadalasan, maaaring mabaligtad ang ating mga priyoridad. Siyempre, mahalagang tugunan ang mga pangangailangan sa buhay. Kailangan natin ng pagkain, tirahan, damit, at iba pa. Kailangan nating alagaan ang ating mga pamilya at tustusan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan. Ngunit napakadalas nating inuuna ang mga pangunahing pangangailangang ito sa buhay kaysa sa ating espirituwal na pangangailangang mahalin at paglingkuran si Kristo, na para bang magkasalungat ang dalawa. Ngunit hindi naman ganoon.

Sa Ebanghelyong ito, pinili ng mga taong kasama ni Hesus na unahin ang kanilang pananampalataya. Pinili nilang manatiling kasama ni Hesus kahit wala silang makain. Marahil ay may ilang umalis na isa o dalawang araw bago nito, dahil nagpasiya silang mas dapat unahin ang pangangailangan sa pagkain. Ngunit ang mga maaaring gumawa nito ay hindi nakabahagi sa kahanga-hangang kaloob ng himalang ito, kung saan napakain ang buong karamihan hanggang sa lubusan silang mabusog. Siyempre, hindi nais ng ating Panginoon na maging pabaya tayo sa ating mga pananagutan, lalo na kung may tungkulin tayong alagaan ang iba. Ngunit ipinahahayag sa atin ng salaysay na ito na ang ating espirituwal na pangangailangang mapakain ng Salita ng Diyos ang dapat nating laging pinakamahalagang alalahanin. Kapag inuuna natin si Kristo, natutugunan ang lahat ng iba pa nating pangangailangan ayon sa Kanyang kalinga at paggabay.

Pagnilayan mo ngayon ang sarili mong mga priyoridad sa buhay. Ano ang mas mahalaga sa iyo? Ang susunod mong masarap na pagkain? O ang iyong buhay-pananampalataya? Bagaman hindi kailangang magkasalungat ang mga ito, mahalagang laging unahin sa buhay ang iyong pagmamahal sa Diyos. Pagnilayan ang napakaraming taong ito na nanatiling kasama ni Hesus sa ilang sa loob ng tatlong araw nang walang pagkain, at sikaping makita ang iyong sarili na kasama nila. Gawin mo ring pasiya ang kanilang pasiyang manatiling kasama ni Hesus, upang ang iyong pagmamahal sa Diyos ang maging pangunahing tuon ng iyong buhay.

Aking Panginoong mapagkalinga, alam Mo ang bawat pangangailangan ko at pinagmamalasakitan Mo ang bawat bahagi ng aking buhay. Tulungan Mo akong magtiwala sa Iyo nang lubos upang lagi kong gawing pangunahing prayoridad sa buhay ang pag-ibig ko sa Iyo. Tunay akong naniniwala na kung mapananatili Kitang Ikaw at ang Iyong kalooban ang pinakamahalaga sa aking buhay, matutugunan din ang lahat ng iba pang pangangailangan sa buhay. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – Mahal na Birhen ng Lourdes

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Ang Pagpaparami ng mga Tinapay ni Francisco de Herrera, mula sa Wikimedia Commons