Tagalog

Ang Laman ng Ating Panginoon

Abril 27, 2023
Huwebes sa Ikatlong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Video

Ako ang tinapay na buhay na bumaba mula sa langit; ang sinumang kumain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman; at ang tinapay na ibibigay Ko ay ang Aking Laman para sa buhay ng sanlibutan.” John 6:51

Nagsisimula nang pukawin ni Hesus ang damdamin ng ilan sa karamihan. Sinimulan nila Siyang kutyain dahil sinabi Niyang Siya ang “tinapay na bumaba mula sa langit.” Kaya marami sa mga naghanap kay Hesus sa pag-asang muli silang makakakain nang libre sa pamamagitan ng isang himala ang nagsimulang magbulung-bulungan at kutyain Siya. Dahil dito, nagsimulang magsalita si Hesus nang higit na malinaw at nakagugulat. Higit pa rito ang Kanyang sinabi: hindi lamang Siya ang “tinapay na buhay na bumaba mula sa langit,” kundi ang mga nagnanais na “mabuhay magpakailanman” ay kailangan ding kumain ng Kanyang “Laman.”

Ano kaya ang magiging tugon mo sa gayong pahayag kung kasama ka sa karamihan? Isipin na kamakailan lamang ay nasaksihan mo mismo ang himala ng pagpaparami ng mga tinapay at isda. Kaya, kahit paano, mauunawaan mong hindi pangkaraniwang tao si Hesus. Ngunit ano kaya ang magiging tugon mo sa pahayag na ito ni Hesus, “at ang tinapay na ibibigay Ko ay ang Aking Laman para sa buhay ng sanlibutan,” kung narinig mo itong sinabi noong panahong iyon? Malamang na ang tugon mo noon ay katulad ng tugon mo ngayon sa aral tungkol sa Kabanal-banalang Eukaristiya.

Marami sa mga nakarinig kay Hesus na magsalita nang ganito ang maaaring nag-isip na medyo kakaiba ang Kanyang sinabi. May ilan na matindi ang naging reaksiyon, samantalang ang iba naman ay walang pakialam. Ngunit mayroon ding lubos na naiiba ang naging tugon. May ilan na, nang marinig nila ang bago at nakagugulat na mga salitang ito ni Hesus, ay makauunawang hindi nila ganap na nauunawaan ang Kanyang ibig sabihin, ngunit taimtim pa rin silang mananampalataya dahil sa kaloob ng pananampalataya. Sa kaibuturan ng kanilang budhi, malalaman nila sa paanuman na tunay ngang kailangan nilang kainin ang Laman Niya na bumaba mula sa Langit sapagkat Siya nga ang Tinapay ng Buhay.

Ang pananampalataya sa Eukaristiya—sa katotohanang ang nahahawakan at nakikitang mga kaloob na ito ng Banal na Ostiya at ng Mahal na Dugo ay tunay na Katawan at Dugo, Kaluluwa at Pagka-Diyos ng Walang-hanggang Anak ng Diyos—ay posible lamang sa pamamagitan ng panloob at mapagpanibagong kaloob ng pananampalataya. Paano ka pa makapaniniwala sa gayong aral? Paano ka pa makapaniniwalang natupad na ang mga salitang ito sa Ebanghelyo ngayon? At na ang pagtanggap sa Kabanal-banalang Eukaristiya ang landas tungo sa buhay na walang hanggan? Ang kaloob ng pananampalataya sa Kabanal-banalang Eukaristiya ang tanging paraan upang maunawaan, matanggap, at taimtim na paniwalaan ang sinabi ng ating Panginoon sa Banal na Ebanghelyong ito.

Pagnilayan ngayon si Hesus habang unang binibigkas ang kabanal-banalang mga salitang ito: “…ang tinapay na ibibigay Ko ay ang Aking Laman para sa buhay ng sanlibutan.” Habang mapanalangin mong pinagninilayan ang mga salitang ito, pag-isipan kung gaano kalalim ang iyong paniniwala sa mga ito. Gaano kalalim ang iyong pananampalataya sa Kabanal-banalang Eukaristiya? Ang Eukaristiya ang katuparan ng talatang ito, at inaanyayahan ka ng ating banal na Panginoon na hindi lamang maniwala sa Kanyang mga banal na salita kundi hayaan ding baguhin ka ng katotohanang ito sa mga paraang higit pa sa kaya mong isipin.

Aking Panginoon sa Eukaristiya, Ikaw ang tunay na Tinapay ng Buhay, at ang lahat ng kumakain ng Iyong Katawan at umiinom ng Iyong Dugo ay magmamana ng buhay na walang hanggan. Tunay ko itong pinaniniwalaan, mahal kong Panginoon. Naniniwala akong ang Kabanal-banalang Eukaristiya ay Ikaw mismo, ang Iyong Kaluluwa at Pagka-Diyos, na ipinagkaloob sa akin upang makabahagi ako sa Iyong banal na buhay. Ipagkaloob Mo sa akin ang biyayang kailangan ko upang mapalalim ang aking pananampalataya sa Kabanal-banalang Eukaristiya, nang sa gayon ay higit akong maakay tungo sa ganap na pakikibahagi sa mga kagalakan ng Iyong Walang-hanggang Kaharian. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Santo/Kapistahan Ngayon

Mga Panalangin sa Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Mga tampok na larawan sa itaas: Si Kristong Nangangaral (Ang Limbag na Isandaang Gulden) ni Rembrandt, mula sa Wikimedia Commons,