Tagalog

Pagdaig sa Inggit

Agosto 21, 2024

Paggunita kay San Pio X, Papa

Mga Pagbasa para sa Araw na Ito
Mga Pagbasa para sa Miyerkules ng Ikadalawampung Linggo sa Karaniwang Panahon

Video

Lumabas siya nang bandang alas-singko at nakita niya ang iba na nakatayo lamang. Sinabi niya sa kanila, “Bakit maghapon kayong nakatayo rito na walang ginagawa?” Sumagot sila, “Dahil wala pong kumukuha sa amin upang magtrabaho.” Sinabi niya sa kanila, “Pumunta rin kayo sa aking ubasan.” Mateo 20:6–7

Napakabukas-palad ng mga salitang ito na sinabi ng may-ari ng lupain. Gaya ng inilalahad sa talinghaga, kumuha siya ng mga manggagawa para sa kanyang ubasan nang maagang-maaga, at muli nang alas-nuwebe, tanghali, alas-tres, at sa huli, alas-singko. Ngunit sa pagtatapos ng araw, binayaran niya silang lahat ng parehong upa para sa isang araw, na para bang lahat sila ay nagtrabaho mula pa noong madaling-araw. Naghinanakit ang mga unang kinuha dahil inisip nilang hindi makatarungan na ang mga nagtrabaho nang isang oras lamang ay tumanggap ng kaparehong upa nila. Ngunit nagtapos ang may-ari ng lupain sa pagsasabing, “Paano kung nais kong ibigay sa huling ito ang katulad ng ibinigay ko sa iyo? Hindi ba ako malayang gawin ang nais ko sa sarili kong salapi? Naiinggit ka ba dahil ako ay bukas-palad?” Ang Diyos, sa Kanyang awa, ay bukas-palad nang higit sa ating kayang maunawaan. Ngunit tayo, bilang mga taong may makasalanang kalikasan, ay palaging nagsusuri kung natatanggap ba natin ang nararapat na bahagi para sa atin at inihahambing ang ating sarili sa iba. May hilig tayong maghangad nang maghangad ng higit pa at madaling mainggit kapag nakikita nating nagtatagumpay ang iba o tumatanggap ng mga pagpapalang wala sa atin. Halimbawa, kung may mas sikat kaysa sa atin sa social media, o may mas magandang kotse, o mas malaking bahay, o nakakapagbakasyon nang magarbo, madalas nating mapansin nang may bahagyang kalungkutan na wala sa atin ang mayroon sila. At iyan ang inggit.

Ang lunas sa inggit ay ang buong-pusong pagiging bukas-palad. Hindi lamang pagiging bukas-palad sa ating salapi kundi pati sa ating pagmamahal at sa ating kakayahang magalak sa mga pagpapalang natatanggap ng iba. Halimbawa, kung may magsabi sa iyo na sa susunod na buwan ay magbabakasyon siya sa isang magandang lugar na matagal mo nang gustong puntahan, paano ka tutugon? Maaari mong sabihin nang pabiro, “Wow, nagseselos ako!” Ang selos ay madaling mauwi sa inggit, na isang uri ng kalungkutan dahil sa mga pagpapalang mayroon ang iba ngunit wala sa iyo. At ang kalungkutang iyon dahil sa mga pagpapala ng iba ay maaari namang mauwi sa galit.

Ang mga manggagawang ito sa ubasan na nagtrabaho nang buong araw at tumanggap ng kaparehong halaga ng mga nagtrabaho nang isang oras lamang ay maaari sanang bumati sa mga nahuling dumating at sabihin pa nang pabiro, “Ang suwerte ninyo, sana pala alas-singko na rin ako dumating!” Ngunit sa halip, nagreklamo sila at sinikap hadlangan ang pagiging bukas-palad ng may-ari ng lupain sa pagsasabing, “Isang oras lamang nagtrabaho ang mga huling ito, ngunit ipinantay mo sila sa amin na nagpasan ng bigat ng trabaho at nagtiis sa init sa buong maghapon.” Muli, ito ay inggit, sapagkat ang kanilang kalungkutan dahil sa pagiging bukas-palad ng may-ari ng lupain ang nagtulak sa kanilang sikaping hadlangan ang pagpapalang tinanggap ng iba.

Tuwing napapansin mo sa iyong kalooban ang ganitong uri ng di-banal na kalungkutan, bigyang-pansin mo ito. Nangangahulugan itong kulang ka sa pagkabukas-palad na walang pag-iimbot sa kapwa. At kung nakikita mong pinagpapala ng Diyos ang iba ng mga espirituwal na kayamanan, sikapin mong magalak dito nang bukás-palad. Mag-alay ng papuri at pasasalamat sa Diyos dahil sa Kanyang kabutihan. Huwag mong ituon ang iyong isip sa sarili, at iwaksi ang bawat tuksong ihambing ang iyong sarili sa iba. Sa maraming paraan, ang bawat isa sa atin ay kinakatawan ng mga nagtrabaho nang isang oras lamang ngunit tumanggap ng buong araw na upa. Ito ay sapagkat hindi natin kailanman mapagkakamit sa sariling pagsisikap ang biyaya ng kaligtasan. Ang tanging dahilan kung bakit natin natatanggap ang kaloob na walang-hanggang kaligtasan at ang lahat ng iba pang biyayang ibinibigay sa atin ng Diyos ay ang Kanyang walang-hanggang pagkabukas-palad. Kaya naman, dapat nating laging ituon ang ating pansin sa kabutihan at pagkabukas-palad ng Diyos, at dapat tayong magalak sa pagkabukas-palad na iyon kapag ipinagkakaloob ito sa atin at gayundin kapag ipinagkakaloob ito sa iba.

Pagnilayan mo ngayon ang anumang pagkahilig mong mainggit. Isipin mo ang mga pagpapalang ipinagkaloob sa iba na hindi mo natanggap. Tapat mong suriin ang tugon ng iyong kalooban dito at manalangin na ipagkaloob sa iyo ng Diyos ang biyayang magalak nang bukás-palad sa mga pagpapalang iyon. Ang bawat pagpapalang ipinagkakaloob ng Diyos ay dapat maging dahilan ng ating kagalakan, sa atin man o sa iba ipinagkakaloob ang mga pagpapalang iyon.

Panginoon kong lubos na bukás-palad, masagana Mong ipinagkakaloob ang Iyong mga pagpapala sa lahat. Kapag nasasaksihan ko ang mga paraan ng pagpapala Mo sa iba, tulungan Mo akong linangin ang taos-pusong pasasalamat para sa lahat ng kanilang natanggap. Tulungan Mo akong tunay na magalak sa maraming paraan ng pagpapala Mo sa buo Mong sambayanan. Palayain Mo ako sa inggit, mahal kong Panginoon, upang hindi ako mabigatan sa kasuklam-suklam na kasalanang iyon. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Nobena kay Santa Monica
(Lalong ipinagdarasal para sa mga anak na naliligaw ng landas)
Agosto 18-26

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Meditasyon sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – San Pio X, Papa

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Talinghaga ng mga Manggagawa sa Ubasan ni Johann Christian Brand, mula sa Web Gallery of Art