Tagalog

Pagmamahal sa Mahihirap na Sitwasyon

Agosto 23, 2024
Biyernes ng Ikadalawampung Linggo sa Karaniwang Panahon
Mga Pagbasa para sa Araw na Ito

Santa Rosa de Lima, Birhen—Opsiyonal na Paggunita

Video

“Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakadakila at unang utos. Ang ikalawa ay katulad nito: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” Matthew 22:37–39

Pamilyar na pamilyar tayo sa talatang ito sa itaas. Ito ang sagot ni Hesus sa mga Pariseong lumapit upang subukin Siya. Bago nito, isang pangkat ng mga Saduseo ang nagtangkang siluin si Hesus sa Kanyang pananalita ngunit nabigo sila. Kaya ngayon, ang mga Pariseo naman ang gumawa ng lahat ng kanilang makakaya upang siluin ang ating Panginoon. Siyempre, ganap ang sagot ni Hesus. At matapos Niyang sumagot, Siya naman ang nagtanong sa mga Pariseo ng ilang bagay na hindi nila masagot, at hindi na sila nangahas pang magtanong sa Kanya noon.

Kung minsan, nakatutulong sa atin kapag may humahamon sa atin tungkol sa mga usapin ng pananampalataya, sapagkat nabibigyan tayo nito ng pagkakataong linawin kung ano talaga ang ating pinaniniwalaan. Bagaman hindi kailangan ni Hesus ng paglilinaw para sa Kanyang sarili, nagbigay Siya ng ganitong paglilinaw sa harap ng panlilinlang upang matulungan kapwa ang mga Pariseo at ang Kanyang mga tagasunod na matamang nakikinig.

May humamon na ba sa iyo tungkol sa mga usapin ng pananampalataya? Kung mayroon, ano ang naging tugon mo? Nakasagot ka ba sa tulong ng inspirasyon at kaliwanagang kaloob ng Espiritu Santo? O umalis kang nalilito at hindi makasagot? Kapag hinahamon ng iba ang ating pananampalataya, maaari itong humantong sa pagkalito o sa mas malalim na pagkaunawa natin.

Sa ganitong paraan ng pagsagot ni Hesus sa tanong na ito, inilahad Niya sa isang bago at pinaikling paraan ang buong Kautusang ibinigay ni Moises sa Sampung Utos. Ang unang tatlo sa Sampung Utos ay tungkol sa pagmamahal sa Diyos, at ang huling pito ay tungkol sa pagmamahal sa kapwa. Ang ikalawang utos na ibinibigay ni Hesus, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili,” ay bunga ng unang utos. Paano mo “iniibig ang iyong sarili?” Ginagawa mo ito sa pamamagitan ng pagtupad sa unang utos na ibinigay ni Hesus: “ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip.” Kapag minamahal ang Diyos nang higit sa lahat, ang pagmamahal sa iyong kapwa ay nangangahulugan lamang na minamahal mo ang Diyos na nananahan sa iyong kapwa ayon sa paraan ng pagmamahal ng Diyos sa kanila.

Makatutulong ding tandaan na maaari nating “mahalin” ang ating kapwa sa paraang salungat sa pagmamahal sa Diyos. Halimbawa, kung ang ating pagmamahal sa kapwa ay ipinahahayag sa paraang salungat sa Pagmamahal ng Diyos, hindi ito tunay na pagmamahal. Ipagpalagay nating pinili ng iyong kapwa ang isang pamumuhay na lubhang imoral. Paano mo siya mamahalin nang may pagmamahal ng Diyos? Hindi mo sasabihin sa kanya, “Sinusuportahan kita sa iyong imoral na pamumuhay.” Ang paggawa nito ay hindi pagmamahal sa Diyos; isa itong makasariling uri ng pagmamahal na higit na nagmamalasakit sa magiging tugon ng taong iyon sa iyo kaysa sa kanyang kaluluwang walang hanggan. Ang tamang paraan ng pagmamahal sa isang taong naligaw ng landas sa paraang imoral ayon sa obhetibong pamantayang moral ay ang ipaalam sa kanya na mahal mo siya ngunit hindi mo sinusuportahan ang mga pasiyang ginagawa niya. At bagaman maaaring hindi niya ito magustuhan, ang malasakit sa kanyang walang hanggang kaligtasan ay dapat mangibabaw sa anumang hangaring basta na lamang makasundo siya.

Ang pagmamahal sa kapwa ay maaaring maging mahirap kung minsan, lalo na kapag ang “kapwa” ay isang kapamilya na tumalikod sa Diyos. Ngunit kapag ganito ang nangyayari, isipin kung paano paulit-ulit na tinangkang siluin ng mga Saduceo at mga Pariseo si Hesus sa Kanyang pananalita. Lagi Siyang tumutugon nang may ganap na pagmamahal at hindi Niya kailanman hinayaang mag-iwan ng kalituhan ang kanilang mga usapang lihis sa katotohanan. Gayundin tayo: dapat tayong umasa sa karunungan at pagmamahal ng Diyos kapag mahirap mahalin ang isang tao. Sa ganitong kalagayan, dapat hayaang gabayan ng Diyos ang bawat pakikipag-usap natin upang malaman ng ating kausap na siya ay minamahal at upang ang ating pagmamahal ay hindi lumihis sa dalisay na pagmamahal ng Diyos.

Pagnilayan mo ngayon ang dakilang panawagang ibinigay sa iyo na mahalin ang Diyos nang higit sa lahat at mahalin ang iyong kapwa sa pamamagitan ng pagmamahal ding taglay mo para sa Diyos. Kung nahihirapan kang mahalin ang isang tao, ipanalangin mo ang karunungang kailangan mo upang manatiling tapat sa kanya sa pagmamahal ng Diyos lamang. At kung nasusubok ang iyong pagmamahal, umasa ka sa ating Panginoon upang gabayan ka at ibigay sa iyo ang mga salitang kailangan mo sa panahong higit mong kailangan ang mga ito.

Mapagmahal kong Panginoon, minamahal Ninyo ang lahat ng tao nang may ganap na pagmamahal, at tinatawag Ninyo kaming lahat na mahalin Kayo nang buong puso, kaluluwa, at pag-iisip. At tinatawag Ninyo kaming mahalin ang kapwa sa pamamagitan ng pagmamahal Ninyo sa kanila. Puspusin Ninyo ang aking puso ng pagmamahal sa Inyo at sa lahat ng tao, lalo na sa mga pinakamahirap mahalin. Bigyan Ninyo ako ng karunungan, mahal kong Panginoon, upang malaman ko kung paano mahalin ang kapwa sa Inyo nang sa gayon ay maranasan nila ang Inyong ganap na pagmamahal sa kanilang buhay. Hesus, nagtitiwala ako sa Inyo!

Nobena kay Santa Monica
(Lalong ipinagdarasal para sa mga anak na naliligaw ng landas)
Agosto 18-26

Higit pang mga Pagninilay sa Ebanghelyo

Mga Pagninilay sa Inaawit na Awa ng Diyos

Mga Meditasyon sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon

Lahat ng mga Santo/Kapistahan

Santo ng Araw – Santa Rosa de Lima, Birhen

Mga Pagpipilian sa mga Pagbasa sa Misa

Tampok na larawan sa itaas: Ibinibigay ng Mesiyas ang Bagong Kautusan, mula sa flickr